(ni Winfred W. Felimon para sa Buwan ng Wika 2017 Tema: "Filipino: Wikang Mapagbago", San Alfonso High School, Sabangan, Mountain Province)
(Papasok sa entablado mula backstage na umaawit. Lasing.)
Ako ang nakikita, ako ang nasisisi, ako ang laging may kasalanan. Paggising sa umaga, sermon ang almusal, bago pa man pumasok sa eskwela....
Haay! Mukhang may tama na naman ako. Kababae kong tao, napakalasengga ko, 'no? (kausap ang mga manonood). Dapat, dahil babae ako, mahinhin ako! Dapat, nag-aaral pa ako! Dapat, maaga ako sa bahay!
"Naku! Ang magaling na ito, problema na lang ang dinadala sa buhay!" Sabi iyan ng relihiyosa at pala-rosaryong nanay ko.
"Sinabi mo pa! Pigilan mo nga ako at baka masampal ko iyan," pag-ayon naman ng perpekto kong ama.
Sa palagay ba ninyo, magpapatalo ako? Aba'y hindi. "Pagod ako, magpapahinga na ako!" Sabay dabog at pasok ng kwarto. Kahit bugbugin pa ng mga asungot ang kawawang pinto, wala na akong pakialam. Magsuot ako ng headphone at lakasan ang musika.
"Hoy, (pangalan ng nagdi-declaim), buksan mo ito. Hindi pa kami tapos!"
Hindi tapos? Ako, sawang-sawa na sa sermong hindi malamon-lamon!
Inaamin ko naman. Simula noong high school, natali ako sa masamang impluwensiya ng mga barkada. Na-drop-out ako sa paaralan. Nalulong sa maraming bisyo – sigarilyo, alak, dota at maraming gimik. Naglayas nang ilang ulit. You name it, halos lahat nagawa ko!
"Kailan ka ba magbabagong bata ka?"
Ako? Magbabago? Kung pagbabago rin lang ang usapan, sinubukan ko rin iyan. Pagkatapos ng recollection sa skul noon, na-touch ang lola niyo. Ang epek, sinubukan kong maglagi ng bahay at umuwi nang maaga. Akala ko, ma-appreciate nila ang transformation-drama ko. Guess what? Sumakit lang ang ulo ko sa mga linya ng mga kabahay ko.
"Aba, himala! Nauntog ka 'ata at nandito ka nang maaga?"
"Wow, ang senyorita. Wala ka yatang pantoma at panigarilyo ngayon, kamahalan!"
"Ngayon lang iyan. Maya-maya eh hindi na naman mahagilap ang babaeng iyan."
"Ang babaing malandi, kahil kalian, maglalandi at maglalandi pa rin iyan!"
"Buwang ka!" Sabi ko sa sarili ko. Magpakasanta-santa ka kasi, eh itinadhana ka nang maging impakta!
Lumayas at hindi na ako bumalik sa perpektong tahanang iyon. Heto, nakikitira na ako kung kani-kanino. Sa mga loyal kong dabarkads. Haaay! (Malalim na buntong-hininga)
Pagbabago? Pagbabago ba 'ka niyo?
Wala iyan, sa panahon ngayon, mahirap nang magbago. Sa halip kasi na pagtanggap at pag-unawa ang matatamo ninyo, pang-iinsulto at pangungutya ng mga taong perpekto – ng mga katulad ninyong perpekto! Kung kayo rin lang ang tutularan ko, ayaw ko nang magbago!
Sige, maiwan ko muna kayo.
(Aalis na umaawit hanggang matakpan ng tabing o nasa backstage)
Ako ang nakikita, ako ang nasisisi, ako ang laging may kasalanan..........
BINABASA MO ANG
Short Declamation in Filipino: Ayaw ko nang Magbago
PoetryShort Declamation Piece in Filipino Buwan ng Wika 2017 Winfred W. Felimon San Alfonso High School Sabangan, Mountain Province