Isinulat ko ito noon para sa'yo, pero hindi ko na natapos. Tuwing nagsusulat kasi ako, nag-uunahan ang mga luha ko sa pag-agos. Parang ulan, hindi mapigilan sa pagbuhos.
Ilang beses kong sinubukan. Ilang beses akong nagtangkang tapusin na ito. Ilang pirasong papel na rin ang nalukot ko... matapos lang ang sulat kong ito para sa'yo.
Ang matapos ito kagaya no'ng kung paanong natapos din tayo.
Noon, ikaw ang mas pinakahigit sa lahat. Sa mga mata ko, ikaw na ang pinaka... pinakaperpektong nilalang na nakita ko.
Kaya hindi ko matapos itong sulat na sinimulan ko... kasi hindi pa ako sigurado kung gusto ko nga bang matapos na ang lahat ng kung ano man ang mayroon tayo.
Hindi ko kaagad natapos ito...
Nawalan ako ng panahon. Nawalan ako ng oras. Nawalan ng gana. Nawala ang lahat... nawala ka rin.
At hindi ko na sinubukang tapusin pa itong nasimulan kong liham sa'yo. Naglakad na lang ako papalayo... papalayo sa mga bagay na nakasakit sa akin.
Papalayo sa'yo.
Pero noong mga panahong nangangalahati na ako. Malayo na sa'yo. Ilang kilometrong distansiya sa mga alaalang mayroon tayo...
Naalala kita.
Kaya heto. Sinusubukan kong tapusin na ulit ito kagaya ng kung paanong natapos din tayo.
Sa kabila ng lahat. Iniaalay ko pa rin ang liham na ito sa'yo...
Nasaktan mo man ako, hindi ko ipagkakait ang liham na simula pa lang ay ginawa ko na para sa'yo.
Ibinibigay ko na itong tapos na liham na ito. Alaala na tapos na rin tayo.
Ito na ang katapusan... kailangan ko ng tuldukan.
Wala na akong kakapitan. Ayaw ko ng kumapit... 'wag ka ng lalapit.
Salamat sa mga alaalang matatamis at mapapait.
Tinapos ko na. Malaya na ako. Malaya ka na.
Sa wakas... may tuldok na.
-----
Exercise lang ito. Medyo nahihirapan akong isulat kasi ang 3rd request ng isang demanding na nilalang.
Kailangang mag-warm up. HAHA.