"Maikling Kuwento para kay Kian Lloyd Delos Santos"
#JusticeForKian"Ano po ang gagawin ko sa baril na ito?"
"Hawakan mo. Iputok mo tapos tumakbo ka!"
"Pero-"
"Magbibilang ako ng tatlo. Tumakbo ka na!"
"Hindi ko po kaya!"
"Isa.... Dalawa...."
Pinahid ko ang luhang tumutulo sa pisngi ko. Hindi ko kaya ang ipinapagawa nila sa akin. Nanginginig na ang mga tuhod ko. Pipilitin kong tumakbo para mabuhay ako.
"Tatlo."
Ang huli ko na lang narinig ay ang umalingawngaw na putok galing sa baril.
Nagising ako sa isang madilim na lugar. Akala ko, nakapikit pa rin ako dahil sobrang dilim ng paligid. Pilit kong itinayo ang sarili ko.
Nasaan kaya ako?
Ang lakas ng kabog ng dibdib ko. Inaamin ko, natatakot ako sa dilim. Parang may bigla na lang hahatak sa akin nang hindi ko alam.
"May tao ba riyan?" Sigaw ko. Walang sumagot. Ibig sabihin mag-isa lang ako rito.
"Ano ang pangarap mo?"
"Pangarap kong maging pulis! Gusto kong matapos ang krimen dito sa atin!"
Luminga-linga ako. Madilim pa rin. Wala pa rin akong makita pero may narinig akong mga boses na nag-uusap.
"Anak, mag-aral kang mabuti para makatapos ka at matupad mo ang mga pangarap mo."
"Oo naman, Itay! Para sa inyo ni Inay. Ayoko na siyang mahirapan pa sa ibang bansa. Para makapagpahinga na kayo."
Lalong lumalakas ang mga boses.
"Sino 'yan?! Tulungan niyo ako!" Sigaw ko sa kanila. Mukha yatang hindi nila ako naririnig.
"Bakit ka nagbebenta ng candy?"
"Pandagdag baon. Ayoko lang na humingi pa kina Itay."
"Huwag ka na mapupuyat at may exam tayo bukas."
"Naririnig niyo ba ako? Kung sino man kayo, tulungan niyo ako!" Sigaw kong muli. Pero sadya talagang hindi ako pinakikinggan ng mga boses.
"Ano na? Nailagay mo na ba sa bata ang sachet ng droga?"
"Nailagay ko na. Ibigay mo na 'yang baril."
"Parang awa niyo na po. May exam pa ako bukas... Huwag niyo pong gawin sa akin ito."
"Manahimik ka!"
Bigla kong naramdaman na parang may sumuntok sa sikmura ko. Napaupo ako sa sakit.
"T-tulong!" Napapaos kong sigaw. Napatakip ako ng tainga. Biglang may umalingawngaw sa tainga ko. Nakakabingi! Tumugon pa sa ulo ko kaya biglang sumakit.
"Aaaaahhhhh!" Napapikit na lang ako.
"Hindi ko nagdodroga ang anak ko. Mataas ang pangarap niyan. Pangarap niya pang maging pulis."
"Paano manlalabas ang anak ko? Saan niya makukuha ang baril na iyon?"
"Anak, nandito na ako. Gumising ka na d'yan."
Biglang nawala ang nararamdaman ko. Nawala ang nakabibinging ingay sa tainga ko at ang sakit ng sikmura ko. Nagmulat ako ng paningin... Nasa tapat ako ng isang bahay. Napakaraming tao hanggang sa bakuran ng bahay na natapatan ko.
Paano ako napunta rito?
Hindi ko alam kung bakit parang may humihila sa akin na pumasok sa loob. May lamay sa loob kaya pala maraming tao. Sino naman kaya ang namatay?
Pumasok na ako para tingnan kung sino ang namatay. Binasa ko muna ang pangalan.
Kian Lloyd Delos Santos.
Pumunta ako sa kabaong para silipin siya. Nakita ko ang isang lalaki, mukhang bata pa ang edad. Napailing na lang ako. Talaga ngang maikli ang buhay.
"Ang hinihingi namin ay hustisya para sa pagkamatay ng anak kong si Kian! Hindi ang mga bulaklak na iyan!" Napalingon ako sa sumigaw at nakita ang isang ginang na itinataboy ang nagbibigay ng bulaklak habang may mga pumipigil sa kanya.
Napailing na lang ako lalo. Mukhang pinatay ang anak niya kaya siya ganyan. Muli akong tumingin sa nasa kabaong.
"Sana makamit mo ang hustisya ng pagkamatay mo."
Tumalikod na ako para lumabas na. Nakita ko pang kinakalma ng isang lalaki ang ginang na nagsisisigaw kanina. Siguro asawa niya ito.
"Hindi adik ang anak ko... Hindi adik ang anak ko..." Paulit-ulit na sambit ng ginang.
Napapikit na lang ako. Parang may tumusok sa dibdib ko. Ramdam na ramdam ko ang sakit ng ginang. Sabi nga nila, mas gusto ng mga magulang na sila ang inihahatid sa huling hantungan ng kanilang mga anak kaysa sila ang maghatid sa huling hantungan ng anak.
Teka. Saan nga ba ako papunta? Saan ba ako nakatira? Sino nga ba ako? Napahinto ako sa paglalakad ko sa kalsada at napalingon sa kanan ko. May kotseng kulay pula. Tiningnan ko ang repleksyon ko sa bintana ng kotse.
Nanlamig ang buong sistema ko.
Hindi... Hindi maaari.
Hindi maaari na ako at si Kian ay iisa.

BINABASA MO ANG
HIRAYA AT PLUMA: Koleksyon ng mga Dagli at Maikling Kuwento
LosoweAng nilalaman nito ay mga maiikling kuwento, dagli at iba pang uri ng panitikan na nabuo ko sa pagtira ko sa sarili at makamundo kong imahinasyon. Para sa mga taong naniniwala na hindi pa huli ang lahat. Para sa ating mga Pilipinong manunulat. Para...