Tahimik si Avanie at Cien habang nakatingin sa lalaking nasa screen. Pareho nilang pinag-iisipan ang mga lihim na ibinunyag ni Lyrad. Ang ama ni Cien ang totoong nagmamay-ari ng titulo bilang Hari ng Arondeho kaya ibig sabihin ay isa si Cien sa mga tunay na royal na may purong dugong maharlika; isang Prinsesa.
Kung hindi dahil sa katotohanang hinahabol ni Zoloren si Cien para patayin, hindi paniniwalaan ni Avanie ang mga ikinuwento ni Lyrad at iisipin niyang nadamay lang si Cien sa isang maitim na balak.
Binalingan ni Avanie si Cien, may pagkalito sa mga mata niya. "Pero sinabi mo sa'kin no'ng una tayong magkita na hinahabol ka ng mga kamag-anak mo, pa'no nangyaring si Zoloren ang gustong magpapatay sa'yo?"
"Iyon ang sinabi sa'kin ni ama nang ipagkatiwala niya sa'kin ang susi ng isang silid na ayon sa kanya naglalaman ng kayamanan ng pamilya namin," sagot ni Cien. Mukha lang itong kalmado pero halata ni Avanie ang pagkabahala nito.
"Hindi ito isang simpleng bagay," seryosong turan ni Avanie. "Kung isang maliit na maharlikang pamilya lang sa Arondeho, wala tayong magiging problema kung ibabaon natin silang lahat pero Hari ang gustong makipaghabulan sa'yo. Bukod do'n, may palagay akong hindi lang isang maliit na kayamanan ang nakatago sa silid na 'yon."
"..."
"Lyrad."
Napatayo ng direstso si Lyrad. Kalmado man ang boses ni Avanie nang tawagin siya, hindi pa rin niya maiwasang maging alerto. "Avanie-hana?"
"May balak ka pa bang bumalik sa Arondeho at kuhanin kay Zoloren ang trono?"
Sandaling napaisip si Lyrad. Meron pa nga ba? Pero kumpara sa buhay niya noong itinakdang Prinsipe pa siya at ngayon na isa na siyang tinitingalang pinuno ng mga exile, mas simple ang buhay niya ngayon. Bagay na hindi niya gustong ipagpalit sa buhay na puno ng panganib dahil sa mga nindertal na naghahangad ng kapangyarihan. Sa bawat bansa tinitingala ang mga kapitolyo kung saan naninirahan ang maraming maharlika at nakatayo ang mga palasyo pero ang hindi alam ng karamihan, sa ilalim ng maganda at masiglang kapitolyo nagaganap ang pinakamasasamang balak at pagpatay na karaniwang pinagtatakpan ng mga nakatataas na sila rin ang may kagagawan.
Hindi man kasing rangya ng pamumuhay niya noon sa Arondeho ang buhay niya ngayon sa Mizrathel, mas panatag naman siya.
Kaya ang sagot niya sa tanong ni Avanie...
"Simula no'ng ipatapon ako rito sa Mizrathel at binansagang exile, alam ko sa sarili ko na hindi ko na gugustuhing bumalik at kunin ang trono."
Tumaas ang isang kilay ni Avanie. "Kahit na bigyan kita ng isang daang milyong orie?"
'Imposible!' sa isip-isip ng tatlong Dal at ni Cien.
Maliban sa pagkain ng mansanas, mahalaga kay Avanie ang pera. Kaya imposibleng magbigay ang Prinsesa ng gano'ng kalaking halaga! Kapang nangyari 'yon ibig sabihin sisikat na ang araw sa kanluran. Uulan na ng bato at magwawakas na ang mundo!
"Kalimutan na natin ang pera—" Bawi agad ni Avanie. "Kahit na sabihin kong tutulungan kita para makuha ang trono kay Zoloren, hindi magbabago ang isip mo?"
"...Paumanhin kamahalan subalit hindi na magbabago ang pasya ko."
Doon lang tila nakuntento si Avanie. Ngumiti ito at tumango-tango. "Tamang tama! Dahil gusto kong pamahalaan mo ang buong hukbo."
Cien: "Huh?"
Lyrad: "Po?"
Lalong lumapad ang ngiti ni Avanie. "Tingin mo pagkatapos kong buhayin ang mga sundalong yelo babalik na sila sa pagiging simpleng tipak ng yelo pagkatapos ng laban? Haha! Nagkakamali ka. Hindi ako gagawa ng isang bagay na isang beses ko lang magagamit. Isa pa... ...nagsimula na sila."
BINABASA MO ANG
QUINRA [Volume 2]
FantasyDahil sa pagkamatay ni Haring Riviel Qurugenn ay naparusahan si Avanie Larisla at ipinatapon sa Mizrathel; Ang lupain ng mga Exile. Samantala, apat na Kaivan ang tumulak papuntang Mordiven para makuha ang kaluluwa ni Chance at maibalik ang buhay ni...