Mahal kong hindi ako mahal,
Sa totoo lang, hindi ko talaga alam kung paano sisimulan itong sulat ko para sa iyo. Ilang piraso na rin ng papel ang aking sinulatan, binura, nilukot at itinapon para dito kaya naman naisipan ko na lang na i-encode. At least kahit magkamali man ako ng ilang beses, maaari ko pa rin itong burahin nang walang nasasayang na papel at tinta ng ballpen. Okay so sisimulan ko na. Sisimulan ko sa unang araw ng ating pagkikita.
Linggo iyon ng umaga. Sa harap ng simbahan. Nakita kitang nakaupo sa ilalim ng puno ng Narra. Pakiramdam ko biglang tumigil ang oras at tayong dalawa lang ang tao sa lugar na iyon. Habang tinititigan kita, hindi sinasadyang magawi ang tingin mo sa akin. Nang magtama ang ating mga mata ay ngumiti ka sa akin. Bigla namang lumakas ang tibok ng aking puso. Natauhan lang ako nang kinalabit ako ni mama at sinabing uuwi na raw kami.
Ilang araw ang lumipas at nakita kita sa eskwelahan na aking pinapasukan. Nakasuot ka ng unipormeng katulad ng mga uniporme ng mga lalaki kong schoolmates. Akala ko transferee ka kasi noon lang kita nakita sa school pero sabi ni Venice hindi daw. Ka-batch ka raw namin at nasa kabilang section ka. Hindi ko lang alam kasi hindi naman ako yung taong palakaibigan.
Noong araw din na iyon, sinagot ni Venice ang kaibigan mong si Chase na matagal nang nanliligaw sa best friend ko. Kaya naman nang mga sumunod na araw ay magkakasama na tayong apat palagi.
Ilang buwan na rin ang nakalipas at naging close tayong dalawa. Habang sina Venice at Chase naman, stay strong. May forever daw sila eh. At syempre, ako, bilang isang dakilang bitter, sinabihan silang magbe-break din sa 23. Pero wala eh. Mukhang may forever talaga sila kaya hanggang ngayon eh, sila pa rin.
Habang tumatagal, mas lalo naman akong nahuhulog sa'yo. Akala ko nung una, simpleng crush lang pero hindi na pala. Kasi mahal na pala kita.
Maka-ilang beses din akong nag-balak na umamin sa iyo pero palagi akong pinapangunahan ng takot at kaba. Natatakot kasi ako sa mga mangyayari kapag umamin ako. Natatakot akong mawala yung pinagsamahan natin bilang magkaibigan. Kaya naman minahal na lang kita ng patago. Kahit mahirap, kahit masakit, tiniis ko kasi ayokong mawala yung friendship natin.
Hanggang sa isang araw, nilapitan mo ako. Nakakapagtaka nga lang dahil wala ang nakakalokong ngiti na laging nasa labi mo. Tandang-tanda ko pa yung pinag-usapan natin. Paano ko ba naman makakalimutan? Bukod sa nangyari lang ito last week, ito rin yung pinakamasakit na pangyayari sa buhay ko.
'Totoo ba?' Tanong mo sa akin. 'Totoo bang may gusto ka sa akin?' Pagtutuloy mo.
'Ha? Anong gusto---' hindi ko na naituloy ang sasabihin ko nagpatuloy ka pa sa pagsasalita. 'Sinabi na sa akin ni Venice ang tungkol sa nararamdaman mo.' Nabigla naman ako sa sinabi mo at ilang segundo din akong natulala.
'Alam mo na pala eh. Bakit ka pa nagtatanong?' Wika ko.
'Gusto ko lang marinig mula sa iyo.' Sabi mo. Mukhang wala na rin naman na akong magagawa kundi ang sabihin ang totoo. Napabuntong-hininga ako at saglit na nag-ipon ng lakas ng loob. Napapikit ako saglit at saka nagsalita.
'Oo. Tama yung sinabi ni Venice sa iyo. Oo gusto kita----ah hindi! Hindi kita gusto. Kasi mahal na kita. Dati pa.' Parang nabunutan naman ako ng tinik dahil sa wakas, nasabi ko na rin ang matagal ko nang itinatago.
'Bakit? Bakit ako?' Tanong mo. Napatanong ako sa sarili ko. Bakit nga ba? Bakit nga ba sa dinami-rami ng mga tao sa mundo, bakit ikaw yung minahal ko?
'Sa totoo lang, hindi ko talaga alam. Parang isang araw, nagising na lang ako na mahal na pala kita. Tila kay bilis ng mga pangyayari at maging ako ay hindi na rin ito nasundan. Ganun naman talaga diba? Hindi natin mapipili kung kanino titibok ang ating puso. At kung malaman man natin kung kanino, hindi naman natin pwedeng pigilan.' Sagot ko. Hindi ko alam kung saan ko nakuha ang mga ito at kusa na lamang itong lumabas sa aking bibig.
'Pero... kasi... hindi pareho ang nararamdaman natin para sa isa't-isa.' Pakiramdam ko ay parang tumigil sa pag-ikot ang aking mundo. Unti-unti namang namumuo ang mga luha sa aking mga mata at ilang sandali pa ay bumagsak na ang mga ito. 'Sorry ha. May mahal na kasi akong iba eh.'
Akala ko handa na ako kapag dumating na ang araw na ito. Akala ko kaya ko na pero bakit masakit? Bakit ako nasasaktan sa katotohanang may mahal kang iba?Pinilit ko na lang ngumiti kahit pa patuloy pa rin sa pagbuhos ang aking mga luha. 'S... sino naman?' Huli na nang mapagtanto kong hindi ko na dapat pa ito tinanong sa iyo dahil ang sagot mo ay ang lubos na makakadurog ng aking puso...
'Si Venice.'
Hindi na maawat sa pagbuhos ang aking mga luha. Tila ba nag-uunahang makalabas mula sa aking mga mata. Ilang beses ko itong pinunasan sa paga-akalang titigil na ito. Pero hindi. Sa tingin ko, sa bawat pagdampi ng aking palad sa aking pisngi upang punasan ang mga luha ay mas dumarami pa ito.
Hanggang ngayon hindi pa rin ako maawat sa pag-iyak. Pakiramdam ko nga naubos na lahat ng mga tubig sa katawan ko.
'Wag kang mag-alala, hindi naman kita sinisisi. Hindi mo naman kasalanan na minahal na kita. 'Wag ka na ring mag-alala sa akin. Hindi naman ako suicidal. Hindi pa ako pwedeng mamatay kasi 'pag namatay na ako, mababawasan na ang populasyon ng mga magaganda dito sa mundo.
Ako na rin pala ang kusang lalayo. Para hindi awkward at para na rin maka-move on na ako sa'yo. Babalik pa naman ako eh. Baka matagalan nga lang. Siguro mga isa, lima, pitong buwan, o isang taon, hindi ko alam. Basta babalik ako. At sana pagbalik ko, wala pa ring nagbago. Sana magkaibigan pa rin tayo.
Sorry kung sa sulat ko na lang sinabi ang lahat ng ito. Hindi ko kasi alam ang sasabihin ko sa'yo kapag kinausap kita ng personal.
So ayun! Natapos ko na rin itong sulat ko. Ilang piraso ng papel ang nasayang at ilang balde ng luha ang naiiyak ko habang isinusulat ko ito. Grabe! First time ko itong gawin, alam mo ba yun? Magpasalamat ka sa akin dahil ikaw yung kauna-unahang taong sinulatan ko.
Magi-ingat ka palagi ha? Btw, nung isang araw pa nalaman nina Chase at Venice na aalis ako. Sinabi ko lang na 'wag sabihin sa'yo kasi ako ang magsasabi. At ito na nga. Sinasabi ko nang aalis ako. Pero 'di ko sasabihin kung saan ako pupunta at kung kailan ako aalis. Baka sundan mo ako. Char! Ang assuming ko, shocks! Hahahahahahaha. So bye na! See you when I come back!
Nagmamahal sa'yo pero hindi mo mahal,
Astrid
------------------------
Hi sa'yo! Yes, sa'yo na nagbabasa nito ngayon. Salamat kasi binasa mo 'tong story ko kahit parang ewan. Sana nagustuhan mo. Hahahahaha. Suggest ko lang na pakinggan mo yung Simula Pa Nung Una ni Patch Quiwa before, during or after mo itong basahin. Ayun lang! Salamat ulit!