Hindi ko alam, ewan ko ba.
Gusto kong lagi siyang nakikita, lagi kaming magkadikit at magkasama; na kahit walang mamutawi sa aming mga bibig ay ayos lang, basta nandiyan lang siya sa aking tabi. Pinapakiramdaman ang bawat isa, kuntento sa pakikinig sa ingay ng napakagulong lungsod habang nakatitig sa kawalan ng karagatan.
Hindi ko alam kung bakit, pero, bakit ang weird?
Oo, alam ko, kakakilala lang namin. Pero, bakit hindi mawaglit sa aking isip ang maliit at napakakinis niyang mukha? Mga singkit na mata na laging nakatawa na tila ba walang problemang iniinda, ilong na kahit nakakainis sa laki pero maganda pa rin sa aking paningin? Ang kaniyang labi na akala mo'y laging naka Lipps candy dahil medyo pinkish, na akala mo'y hindi nababahiran ng sigarilyo. At ang pinaka nakakainis sa lahat, paulit ulit na nagpa-flashback sa aking isipan ang kaniyang pamatay na ngiti na kaya ata akong tunawin ng wala pang sampung segundo at mga ngipin na akala mo ay parang endorser ng toothpaste dahil pantay pantay at mapuputi ang mga ito.
Ngayon ay heto kami sa paborito naming tambayan. Kung hindi nakatulala sa dagat at tinitiis ang masangsang na amoy na dulot ng basura ay nag-uusap kung ano ano, mula kay Jean Grey ng X-Men (crush na crush niya kasi ito) hanggang sa kung gaano siya kasaya dahil hindi siya nagsisisi sa sa pagsunod ng nilalaman ng kaniyang puso.
Oo, hindi ako masaya. Hindi na nga maitago ng mapupungay at malalalim kong mga mata minsan pero, sinusubukan ko pa ring maging masaya. Buti pa siya, nakakamit na niya kahit paunti unti ang mga pangarap matagal na niyang inaasam asam samantalang ako, naguguluhan pa rin kung ano ba talaga ang gusto ko sa buhay. Na para bang nasayang ang apat na taon ko sa kolehiyo dahil hindi ako sigurado sa aking kinabukasan. Naguguluhan kung tama nga ba ang pinasok kong landas. Oo nga't gustong gusto ko ang kurso. Sa katunayan, hayskul pa lamang ay gusto ko na itong kursong aking tinapos pero, hindi ko alam, wala akong maisip na matino; in short, walang direksyon ang buhay ko ngayon.
Isa lang ang masisigurado ko ngayon, gustong gusto ko siyang nakikita at nararamdaman ng malapitan. Bukod sa itim, nagkakaroon ng iba't ibang kulay ang aking buhay kapag kasama ko siya. At mas nagiging totoo lang ata siguro ang aking emosyon kapag nagkikita kami at nagkakasama. Na kahit magkatabi lang kami ay ayos na ako, pakiramdam ko ay buong buo ako. Pero hindi. Dapat makuntento na siguro ako sa ganito. Hindi ako aamin, ayoko. Baka masira ang pagkakaibigang ngayon pa lamang nabubuo at pakiramdam ko, hanggang dito na lamang kami sa pagiging magkaibigan. Oo't concern siya sa akin at nabanggit niya minsan na gustong gusto niya akong kasama para daw balanse, madaldal siya samantalang ako'y tahimik lamang pero handang makinig sa lahat ng shit ng mundo at lahat ng shit niya. Pero bilang kaibigan lang, wala nang ibang ibig ipakahulugan iyon.
Sa kabilang banda, ito na siguro ang tamang timing upang masabi ko na mahal ko siya. Pero ayoko siyang mawala. Ayokong maging malamig siya sa akin kapag nagtapat ako. Pero ayoko na ring palampasin ang pagkakataong ito. Ika nga ni Empoy, it's now it's never. Ang gulo. Pero ito na nga siguro ang time para malaman niya lahat lahat. Ang ironic, kung saan kami nagkakilala ay dito pa ata magwawakas.
Ah basta, it's now it's never, bahala na.
Nakakabingi ang katahimikan. Lumalamig na ang simoy na hangin ngunit mas nararamdaman ko ang init na nagmumula sa aking katabi. Ang bigat niya pero bale wala ito sa akin, ang mahalaga'y magkalapit kami, nararamdaman ko siya ng malapitan.
Ako'y napasulyap sa aking katabi, napakalalim ng kanyang iniisip, bago ito ah. Hindi ko siya mabasa kaya hinayaan ko na lamang siya. Maya maya siguro'y sasabihin niya rin sa akin kung ano ang kanyang iniisip gaya ng nakagawian niya sa tuwing kami'y magkasama.
Kahit na ngalay na ngalay na ako'y ayoko pa ring gumalaw. Ayaw ko siyang maistorbo. Bihira ko lang siyang matitigan ng malapitan kaya lulubus lubusin ko na. Baka ito na ata ang huling pagkakataon na masilayan ko ang kaniyang mukha. Kahit kabisado ko na ay kakabisaduhin ko pa rin bawat sulok ng kaniyang mukha. Ngunit bahagya siyang gumalaw at ako'y tumingin sa ibang direksyon.
Ako'y kunwaring napahikab at napaunat. Kunwari hindi ko siya tinignan ng matagal, patay malisya. At hindi ko na nga napigilan ang pag-unat dahil sa tagal ba naman ng pagkakasandal niya sa akin. Tumagal ng ilang segundo bago ko napansing nakatingin siya sa akin, napakalalim. Hindi ako sigurado, pero may gusto siyang sabihin pero parang nag-aalangan siya.
At, may himig ng pag-ibig sa kaniyang mga titig? Hala, hindi ko alam. Bahala na. Hindi naman siguro. Ata. O, kalma. Patagong bugtong hininga.
Tumaas ang aking kilay at kumunot ang aking noo, ganoon pa rin ang kaniyang mukha. Habang nawawala ang kunot sa aking noo'y papalapit ng papalapit na pala ang mga mukha namin hanggang sa ga-hibla na lamang ang pagitan namin sa isa't isa. Hindi ako makahinga ng maayos, iniisip ko kung bad breath ba ako pero nagsipilyo ako kanina bago umalis ng bahay. Amoy pawis ba ako? Mabaho ba ako? O, kalma ulit. Ako'y napalunok sabay bugtong hininga pero hindi ko pa rin binabawi ang aking mga sa pagkakatitig.
Ang awkward na nito. Pero gusto ko ito, gustong gusto. Nagtatalo ang aking isipan, susuriin ko ba kung mabaho nga ba ako o hindi. Hay, bahala na.
Bago ako gumalaw ay bigla siyang nagsalita.
"Mahal kita."
Ting!
Mga mata ko'y kumurap kurap sa kanyang sinabi. Nagulantang ang buo kong pagkatao. Hindi ko alam kung kikiligin ba ako o ano. Bigla akong pinagpawisan ng malapot kahit napakalakas ng hangin. Kumalma ka, mahal ka niya. Malalim na paghinga.
Ilang segundo ang lumipas bago bumalik ang buo kong pagkatao. Sumagot ako ng may kunot sa aking noo.
"Sure ka?"
Humagalpak siya ng tawa samantala ako'y nakatingin lamang sa kaniya, naguguluhan kung kalokohan nga ba o katotohanan. Mga luha'y unti-unting namumuo sa aking mga mata.
Parang may tumutulak, ako pala'y nakatulala. Tinignan ko ang aking katabi, masuyo na pala itong nakatingin sa akin.
"Ha?"
"Mahal kita kako."
Doon na tuluyang tumulo ang aking mga luha.
fin.