Sleep
Ilang minuto rin akong nakatitig lamang sa kawalan matapos ang nangyari sa amin ni Sky
Masakit na ibang pangalan ang itinawag niya sa akin ngunit hindi ko alam kung bakit hindi ko magawang malungkot
Wala sa sariling napahawak ako sa aking labi. Dama ko pa rin hanggang ngayon kung gaano kabanayad ang iginawad niyang halik sa akin
Sinulyapan ko si Sky sa aking tabi at nakitang mahimbing na siyang natutulog habang nakayuko lamang ang ulo
Kukunin ko na sana ang kaniyang ulo para maisandal ko sa aking balikat kung hindi lang siya biglaang hinila patayo ni Xander
"Mukhang may balak pa kayo magtagal eh" masungit niyang sabi habang ikinakawit niya ang braso ni Sky sa kaniyang balikat. "Iinom inom hindi naman pala kaya. Tang ina! Para iilang bote"
"Hinalikan niya ako" hindi makapaniwala kong sabi at binalewala ang kaniyang mga pahayag
"Nakita ko nga. At pwede bang tigilan mo 'yang pagngiti mo ng ganiyan? Mukha ka kasing tanga"
Imbis na mayamot ay mas lalo ko lamang nilakihan ang aking ngiti
"Hinalikan niya ako, Xander!!"
Nagulat ako nang bigla niyang bitawan si Sky dahilan kung bakit pabagsak na naupo ulit ito sa couch
"Wag ka ngang paulit-ulit. Para halik lang eh. Gusto mo halikan din kita ngayon, 'yung tipong makakalimutan mo 'yung halik niya. Maiispechless ka, makita mo" mataray niyang sabi bago walang ingat na kuhanin ulit si Sky. "Bayaran mo na nga lang dun sa counter 'yung mga nainom nitong pangit mong crush"
Agad akong umalalay sa kanilang dalawa dahil pabasta na ngang hinihila ni Xander itong si Sky
"Dahan-dahanin mo naman" reklamo ko sa kaniyang ginagawa
Inirapan niya lamang ako ng mata at nagulat ako ng bigla niyang buhatin si Sky at pinasan sa kaniyang balikat na parang sako
"Magbayad ka na dalian mo" wika niya bago naunang lumabas ng bar
Napako ako sa aking kinatatayuan dahil hindi ako makapaniwalang nakaya niya si Sky
Hanep! Amazing 'yung lakas niya
Nang makabawi sa pagkamangha ay agad ko na ring ginawa ang kaniyang utos upang makasunod na sa kanilang dalawa
Naabutan kong nasa labas ng kotse si Xander at naninigarilyo
Agad niya rin naman itong itinapon ng makitang papalapit na ako
"Puta. Badtrip talaga 'yang crush mo. Sinukahan pa si Maxie" tukoy niya sa kaniyang kotse na isinunod niya ang pangalan sa akin
Sinilip ko kung nasaan nandoon si Sky at nakita nga ang mga bahid ng suka sa kaniyang paligid
"I'm sorry, Xands" sincere kong paghingi ng paumanhin sa kaniya. "Kahit ako na ang maglinis kay Maxie, okay lang"
Umismid lamang siya sa akin at nauna nang pumasok sa kaniyang kotse
Nagdalawang isip pa ako kung saan ako uupo at sa huli ay napagdesisyonan kong sa tabi na lang ni Sky para maalalayan ko pa rin siya
"Oh san natin 'yan iiwan?" masungit na tanong ni Xander habang nagmamaneho
"Siguro kahit sa amin nalang muna" alinlangan kong sagot at pinupunasan ang mga gilid ng bibig ni Sky
"Anong sa inyo? Tumigil ka Samantha Maxine ha. Hindi pwede"
Napanguso ako sa kaniyang sinabi
"Alangan ko namang iuwi siya sa kanila. Baka mag-alala si Tita Heaven nun"
Sandali niya akong sinulyapan sa salamin sa harapan
"Maigi nga 'yun para malaman niya 'yung ginawa niyang katangahan"
"Alam mo ang harsh mo kay Sky. May operation make Sky fall ka pang nalalaman diyan eh number one hater ka naman pala niya" inis kong sabi sa kaniya
Siya nga 'tong nagpumilit sa aking ipursue ng todo si Sky tapos ngayon aarte siyang parang may malaking kasalanan sa kaniya 'yung tao
Madalas hindi ko rin maintindihan kung paano gumana utak ng isang 'to eh
Inirapan niya lamang ako ulit at nag-make face
"Bakit ka ba irap ng irap? Gusto mo dukutin ko 'yang mata mo ha?" taas kilay kong sabi sa kaniya
"Bakit ka ba nangingialam sa ginagawa ko? Gusto mo pababain ko kayo ngayon ha?" ganti niya na nagpatahimik sa akin
Oo nga 'no? Mamaya ko na lamang siya aawayin kapag nakababa na kami para wala na siyang panakot
"Saan ba ang bahay ng mongoloid na 'yan?"
"Sa bahay na nga lang kasi muna siya, Xander. Anong oras na rin oh? Tapos iuuwi pa natin siyang lasing" pagrarason ko sa kaniya
Nakakahiya rin kasi kung gigisingin pa namin sina Tita Heaven tapos iuuwi na lasing si Sky
Siguradong mag-aalala 'yun ng sobra at baka mapagalitan lang din siya ng Daddy niya
Ayoko lang naman na dagdagan pa ang problema niya. Heto nga't nagpakalasing na siya dahil sa lovelife niya eh
"Hindi nga rin kasi pwede, Maxine. Nakikita mong lasing nga 'yan oh. Mamaya mo niyan ano pang gawin sa'yo" wika niya na animo'y nagpapaliwanag sa isang limang taong gulang na bata. "Wag na makulit pwede?"
"Paanong makakagawa pa ng iba eh sobrang himbing na nga ng tulog?"
Malalim siyang nagbuntong hininga at alam kong malapit na rin maubos ang kaniyang pasensya
"Sige. Iiuuwi natin siya sa inyo kung doon din ako uuwi sa inyo ngayon" huli niyang sinabi
"Ano kaya 'yun? Sleep over samin, ganon?" kunot noo ko namang sagot sa kaniya
"Yun lang ang choices mo, Max. Iuuwi siya sa kanila o sa inyo siya tutuloy pero kasama rin ako" seryoso niyang sabi sa akin. "Mamili ka"
Humigit ako ng malalim na hininga at labag sa loob na tumango
"Sige na. Option number two na. Magtabi kayo matulog sa guest room"
Nang-iinis siyang ngumisi sa akin at mabilis na tinahak ang daan papunta sa aming bahay
"Ayoko na buhatin 'yan ha" mataray niyang sabi bago lumabas sa sasakyan
Hirap na hirap akong alalayan si Sky habang nauunang maglakad sa amin si XanderSiya na ang nagbukas ng pinto at ilaw ng bahay
Inupo ko muna saglit si Sky sa sofa at nag-inat ng braso
Ang bigat naman kasi ng isang 'to
Nilock ko ang aming pinto bago dumiretso sa kusina at nakitang nagpapalaman ng tinapay si Xander
"Igawa ko kaya siya ng kape?" tukoy ko kay Sky
"Oo tapos isaboy mo sa mukha niya" mapang-uyam niyang sabi at kumagat sa kaniyang tinapay
"May regla ka ba ha? May napkin ako sa banyo, baka gusto mo?" sarkastiko kong sabi at pagkatapos ay bumalik na sa salas
Iniayos ko na lamang ng higa sa sofa si Sky noong hindi ko makita ang susi ng guest room
Hindi ko na rin kasi ginising si manang Cynti dahil baka pagalitan niya ako
Kasalukuyan kong hinuhubad ang sapatos ni Sky nang lumabas mula sa kusina si Xander
"Xander, kumuha ka naman ng basang bimpo sa banyo para mapunasan ko si Sky oh?"
"Ayoko nga" sabi niya at tumayo sa aking gilid. "Antok na ako, bilisan mo na diyan"
"Saan ka naman matutulog aber? Hindi ko nga makita 'yung susi sa guest room kaya nandito si Sky eh"
"Edi sa kwarto mo"
Napanganga ako dahil sa conviction niya sa kaniyang sinabi
"Tabing magkaibigan lang kasi. 'Wag mong lagyan ng malisya" wika niya at nauna nang pumasok sa aming kwarto ... aking kwarto, I mean