Gabay

241 3 1
                                    

Gabay By: Sam Cunanan

Tuwang-tuwa. ang lahat ng estudyante ng Grade VI section 1 dahil ang araw na ito ay excursion nila kung saan papasyalan nila ang isang zoo. Nakatakda nilang makita noong araw na iyon ang iba’t ibang uri ng hayop na siyang pinapangarap ng bawat isa na makita. Sa mga musmos nilang kaisipan ay kasiyahan na ang makita ng harapan ang mga hayop na sa mga libro pa lamang nila nakikita gaya ng mga leon, tigre, usa, mga agila, sawa, at iba pang hayop na tanging sa mga zoo lamang mata-tagpuan sa kasalu-kuyang panahon.

Mabilis na sumakay sa bus ang mga bata matapos na iutos ng kanilang guro na si Mrs. Rosales. Tuwang-tuwa ang lahat ng mga bata, nagtabi-tabi ang mga magkakaibigan gaya nina Glenda, Gina at Grace. Sa kanilang tatlo, si Grace ang pinaka-mausisa at matalino kaya ngayon pa lamang ay naglalaro na sa kanyang isipan ang kaniyang gagawin pagdating nila sa zoo.

“Mga bata, kapag naroon na tayo sa zoo, huwag ninyong kalilimutan ang aking bilin ha! Huwag kayong hihiwalay sa inyong mga kasama para hindi kayo mawala. Maliwanag ba?”

“Opo ma’am!” halos sabay-sabay na sagot ng mga bata.

Makalipas ang ilang sandali ng paghihintay at pag-aayos ay umandar na rin ang bus. Habang daan ay nagkakagulo ang mga bata.. Kanya-kanya sila ng kwento ng mga naging karanasan nila kaya hindi naging kainip-inip ang biyahe dahil maganda naman ang mga lugar na kanilang nadaraanan.

Makalipas ang halos ilang oras na biyahe ay nakarating na sa zoo ang lahat. Nagbabaan ang mga estudyante at sinalubong sila ng zoo keeper na si Mang Esteban at ang namamahala roon na si Mr. Sanchez.

“Mga bata, iwasan ninyo ang lumapit sa mga rehas ng mga mababangis na hayop ha! Makuntento na lamang tayo na panoorin sila, gaya ng mga tigre at leon upang maiwasan natin ang aksidente. Sa mga unggoy, huwag kayong magbibigay ng pagkain dahil baka makalmot nila ang mga kamay ninyo!” paalala ni Mr. Sanchez nang makaharap na ang mga bata.

“Tama si Mr. Sanchez, iwasan ninyo rin na mapahiwalay sa inyong mga kasama. Malawak ang lugar na ito, baka maligaw kayo!” sabi naman ni Mang Esteban.

“Alam napo namin iyan! Naipaliwanag napo ni Mrs. Rosales!” magalang na sabini Grace.

“Oo nga po!” sagot naman ng mga bata.

“Mga bata, kapakanan ninyo lang ang iniisip nila kaya mabuti ang paulit-ulit na paalala!” sabat naman ni Mrs. Rosales.

Sumang-ayon naman kay Mrs. Rosales ang lahat ng mga estudyanteng naroon, kaya sinimulan na nila ang pamamasyal sa zoo. Ang ibang mga estudyante ay talagang nagdala pa ng mga camera upang makunan ng larawan ang mga paborito nilang hayop. Isa sa mga estudyanteng tuwang-tuwa si Grace. Kinunan niya ng larawan ang mga usa na nasa kulungan, ganuon din ang mga parrot. Ngunit mas naakit ang pansin ni Grace ng napakaraming paru-paro na nagliliparan sa malawak na kakahuyang naroon na waring malayang nilalang na paikot-ikot lamang doon. Sinundan niya ang mga paru-paro habang kinukunan iyon ng larawan. Wala sa hinagap ni Grace na napahiwalay na pala siya sa kanyang mga kaklase. Sa muling paglingon niya ay puro kakahuyan na ang kanyang nakita. Puro nagliliparang paru-paro na ang nasa kanyang paligid.

“Nakupo! Nasaan na sila! Paano ako makakabalik sa mga kasama ko!” ito ang nasa isipan ni Grace. Kinakabahan siyang bumalik sa pinanggalingan niya, pero bigla ang naging pagbabago ng panahon. Kumulimlim kaya naman lalong nalito ang bata.

Tuloy-tuloy siyang naglakad ng hindi nalalaman ang patutunguhan ng lugar na iyon hanggang sa makarating siya sa isang matarik na lugar kung saan batuhan ang nasa ibaba. Gulat na gulat si Grace, wala ng tigil ang pagkabog ng kanyang dibdib. Hindi na niya alam ang gagawin, wala na ang kasiyahang nararamdaman niya kanina. Ngayon ay binabalot na ng takot ang buo niyang katawan.

“Ma’am Rosales! Nasaan na kayo! Glenda! Gina!” malakas na sigaw ni Grace. Napaiyak na siya at napaupo habang iginagala ang hilam na mga mata, “tulungan ninyo ako! Naligaw ako!”

Maya-maya lang ay nakarinig siya ng mga kaluskos. Mga yabag na palapit sa kaniyang kinaroroonan. Hindi nagtagal ay tumambad sa kanya ang isang batang lalake. Si Marcelo. Halos kasing-edad lang ni Grace.

“Bakit ka umiiyak!” kaagad na tanong ni Marcelo.

“Natatakot kasi ako! Naligaw ako! Napahiwalay ako sa aking mga kasama!” kaagad na tugon ni Grace.

“Ang dapat kasi ay maging alerto ka kapag nasa ganitong lugar. Dapat ay hindi mo pinaiiral ang pagiging usisera. Tingnan mo na tuloy ang nangyari sa iyo. Paano ngayon kung hindi ka na makabalik sa kanila, tiyak na mag-aalala sila sa iyo!”

“Huwag mo na akong pagalitan bata! Natatakot na nga ako eh! E, ikaw, bakit nandito ka!”

“Kabisado ko ang lugar na ito, ako ang nagiging guide o GABAY ng mga namamasyal dito na naliligaw para makabalik sa kanilang mga kasama. Ako si Marcelo!”

“Talaga Marcelo!” napangiti na si Grace. “Kung gayon ay matutulungan mo ako para makabalik sa aking mga kasama!”

“Oo!”

“Kung gayon ay tayo na Marcelo!”

Sumang-ayon naman si Marcelo sa sinabi ni Grace. Naunang lumakad si Marcelo at sinusundan naman siya ni Grace. Tuluy-tuloy nilang tinahak ang daan pabalik sa karamihan ng mga estudyante. Hanggang sa matanaw na nga ni Grace ang mga kasamahan. Patakbo siyang lumapitkina Mrs. Rosales.

“Diyos ko! Grace! Kanina pa ako nag-aalala sa iyo. Kanina ka pa nawawala! Saan ka ba nagpunta!”

“Pasensiya na po ma’am, napahiwalay ako at naligaw. Mabuti na lang at tinulungan ako ng isang bata.”

Nang lumingon si Grace upang ituro si Marcelo ay nagtaka siya dahil bigla itong nawala.

“Sinong bata?” tanong naman nina Mang Esteban at Mr. Sanchez.

“Marcelo daw po ang pangalan niya. Siya daw po ang guide o gumagabay sa mga batang nawawala dito para makabalik sa kaniyang mga kasama!”

Nagkatinginan sina Mang Esteban at Mr. Sanchez. Sandaling nagpaalam si Mr. Sanchez at pagbalik ay dala-dala na ang isang lumang litrato. Agad nitong ipinakita kay Grace ang nasa larawan.

“Siya ba ang sinasabi mo, Grace?”

“Opo Mr. Sanchez, siya nga po!”

Napabuntung-hininga si Mr. Sanchez.

“Bakit po!” Muling tanong ni Grace.

“Si Marcelo ay kabilang sa mga batang nagpunta rito last year. Isa sa mga kaeskwela niya ang nahulog sa matarik na lugar sa hilagang bahagi nitong zoo. Iniligtas niya ang kaeskuwela niya subalit sa malas ay siya ang nameligro at nahulog sa lugar na iyon. Namatay siya!” malungkot na paliwanag ni Mr. Sanchez.

“Pero ang kaluluwa niya ay nananatiling narito sa lugar na ito hindi upang manggulo kung hindi para tulungan ang mga batang kagaya mo. Hindi lang ikaw ang unang nakakita at tinulungan niya. Tama ka, siya nga ang nagsisilbing gabay ng mga batang katulad mo na naliligaw dito sa lugar na ito.”

Nanlaki ang mga mata ni Grace pagkarinig sa kwento ng matanda. Tumindig ang mga balahibo sa katawan niya dahil ngayon lang niya na-realize na ang kasama niya kanina ay isa na palang multo. Yumuko siya at taimtim na nanalangin bilang pasasalamat kay Marcelo sa tulong na ginawa nito sa kanya. Naging memorable talaga sa kanya ang excursion na iyon at hinding-hindi niya makakalimutan ang naging karanasan niya ng araw na iyon hanggang sa kanyang pagtanda.

Ang Wakas…

GabayTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon