H(ina)gpis

251 1 0
                                    

#Dagli

"Ma, may gusto akong sabihin sa'yo..."

Inangat ko ang tingin ko sa kanya. Tumabi sa akin itong nag-iisa kong dalagang anak. "Ano 'yun anak?"

"Kasi ano-"

Natigil siya sa pagsasalita dahil tumunog ang telepono na nasa tabi ko. "Saglit lang anak, ha? Sagutin ko lang ito."

Kailangan kong asikasuhin ang mga ito kundi mawawalan kami ng kliyente.

"Ano na nga ulit 'yung sasabihin mo, anak?"

"Ma, nahihirapan na ako..."

Tumingin ako sa kanya bago ko kinuha ang papel na nasa harap ko at nagsimula nang i-awdit ang lahat ng bayarin namin.

"Nahihirapan saan?" tanong ko sa kanya habang nagsusulat.

"Sa eskuwela... Sa mga taong nakapaligid sa akin... Sa lahat..."

Napabuntong-hininga na lang ako at itinigil ko ang pagsusulat ko saka ko siya tiningnan. "Anak, halika nga rito..." Lumapit siya sa akin at niyakap ko siya nang mahigpit.

"Ma..."

"Ssshhhh... Kung ano man 'yang pinagdaraanan mo, kaya mo 'yan! Ikaw pa ba? Isa pa, nandito si Mama lagi para sa iyo. Mahal na mahal kita, Karen anak."

Umalis siya sa pagkakayakap niya sa akin at tumingin sa akin. May luha sa kanyang mga mata.

Hinatak niya ako papatayo at papalabas ng bahay.

"Saan tayo pupunta anak?"

Hindi siya sumagot basta tuloy-tuloy lang siya sa paghatak sa akin. Hinayaan ko lang siya kung saan niya ako dadalhin.

"Anak... Ano bang problema? Sabihin mo na kay Mama..."

Lumingon siya sa akin at ang mga luha na nakita ko sa kanyang mga mata ay lumalandas na sa kanyang pisngi. "Bakit hindi mo sinabi at ipinaramdam na mahal mo ako noong kailangan kita, Mama?"

Napatingin ako sa hinintuan naming lugar.

Hindi ko namalayang tumutulo na rin pala ang luha ko habang binabasa ko ang nakasulat sa isang konkretong parihaba na nasa harap ko.

In loving memory of Karen Divina.

HIRAYA AT PLUMA: Koleksyon ng mga Dagli at Maikling KuwentoTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon