Nine years ago...
"MAUUNA na ako, kuya!" paalam ni Lynn sa kapatid na si Mikael. Nasa balkonahe ito ng bahay nila kasama ang mga kabarkada ng kapatid. Nagkukwentuhan ang mga ito samantalang siya naman ay papunta sa eskwelahan.
"Sabado ngayon ah? Walang pasok. Ba't ka pupunta ng school?" usisa ng kapatid.
"Kuya, intramurals namin ngayon kaya pupunta po ako," rason niya sa kapatid na siyang totoo naman.
"Siguraduhin mong intramurals niyo talaga ha? Di porke't graduate na kami sa Maryknoll ay di ka na namin babantayan," paalala sa kanya ng kapatid.
Napabuntong hininga siya. "Ang OA mo kuya. Ang bait ko kaya! Sige na, baka ma-late ako."
Bago umalis ay hinarap niya ang isa sa mga kaibigan ng kuya niya. "Salamat rito, Hyun. Babawi ako sa'yo, promise!" Pagkasabi ay itinaas ni Lynn ang isang folder. Nilalaman noon ang mga papel na puno ng math problems na inapa-double check niya sa lalaki. Gusto kasi niyang masiguradong tama lahat ng sagot niya sa mga iyon. Si Hyun ang pinakamagaling sa Math sa lahat ng mga kakilala niya kaya naman kampante siyang walang mintis ang pagcheck nito sa mga sagot niya.
Inayos ni Hyun ang suot na eyeglasses at saka tumingin sa kanya. "Tama naman lahat ng sagot mo diyan. At saka magaling ka naman talaga sa math. Bakit mo pa pina-check iyan?"
Pinilit niyang hindi ngumiti nang malapad. Ayaw niyang maghinala ang kaibigan. "Siyempre, ayokong may maling answer. Gusto ko perfect ang score ko dito."
Kunot noo siyang tinitigan ni Hyun sa mukha. "Eh mas mahirap pa nga ang mga tinuturo ko sa'yo kesa d'yan. Teka...bakit ba pakiramdam ko may 'di ka sinasabi, ha?"
Tumikhim siya. "M-magpapa-check lang ng sagot sa math, may sekreto na. Grabe siya o!"
Hindi pa rin inaalis ni Hyun ang tingin sa kanya. Mas naningkit pa ang singkit nang mga mata ng half Pinoy-half Korean. "Teka, naglagay ka ba ng makeup? Ang pula at shiny naman ng labi mo."
"Ano? Nagmi-makeup na si bunso?" Singit ni Top. Isa sa mga kaibigan ng kuya niya. Narinig pala nito ang pag-uusap nila ni Hyun.
Mabilis siyang umatras mula sa mga kaibigan. "H-hindi ah! Ganito na talaga ang lips ko. Kissable."
Akala ba niya sira ang mata ni Hyun? Bakit pati lipstick niya ay nakikita nito?
"Ah! Siguro umorder ka ng lechon kawali kaninang lunch ano? Iyon ang ulam sa canteen kanina eh," si Pierre iyon.
Hindi siya umorder ng lechon kawali kanina pero tumango na rin siya. Ayaw niyang tanungin pa siya ng mga ito nang kung anu-ano. "Ah oo. Kumain ako nun kanina. Masarap eh."
Hinawakan ng Kuya Mikael ang magkabilang pisngi niya at pinisil iyon. "Ang siba talaga ng bunso natin. Ayaw mag-diet o."
"Huwag ka munang magdiet, Lynn. Wala kaming tabachingching na bunso," ayon kay Top na nakikipisil na rin sa pisngi niya.
Hindi rin nagpahuli si Pierre at sumunod rin sa mga kaibigan nito. "Sana may kapatid din akong kasing cute ni bunso."
Gusto niyang matawa. Cute raw siya. Oh well. At least may mga tao pa rin sa school nila na hindi siya hinuhusgahan sa pagiging mataba niya. Ang madalas kasi niyang naririnig mula sa ibang mga estudyante ay ang walang humpay na panlalait.
Kaya naman hinayaan na lang niyang pisilin ng mga kaibigan pati na ng kapatid ang pisngi niya kesa naman malaman ng mga nitong naglipstick talaga siya. Sigurado kasi siyang mag-uusyoso ang mga ito kung bakit siya nagpapaganda. Mas hahaba pa ang usapan. Baka maungkat pa ang totoong niyang rason.
BINABASA MO ANG
Sweet Intoxication: Wine-Flavored Kiss
RomanceWhat are the perks of having a pretend lover? Para kay Lynn, ang madala si Hyun sa high school reunion upang magpanggap na fiance niya ay isa na siguro sa pinakamasayang moment sa buhay niya. Sigurado siyang kaiinggitan siya ng mga plastik na kaklas...