Sa una ang mundo ay nababalutan ng dilim at walang katapusang tubig hanggang sa bumaba ang Bathala at hinugot ang liwanag sa dilim, nagpaulan din ito ng mga bituin galing sa kalangitan na kalaunan ay bumuo ng mga kalupaan, bundok, burol at mga isla ngunit hindi ito nasiyahan dahil walang mag aalaga sa lupa't mga halaman at walang kakain ng mga bunga sa kakahuyan kaya inawitan niya ang langit, lupa at dagat, mula sa awit ay nabuo ang mga ibon, hayop at mga isda ngunit hindi pa rin ito nasiyahan dahil walang titingin sa mga hayop at mag aalaga nito kaya naman kumuha siya ng mga putik at doon hinulma ang mga tao gamit ang kanyang mga kamay at ito'y kanyang inawitan para bigyan ng buhay.
Matapos ang lahat ay umakyat ulit ito para pag masdan ang kanyang mga likha mula sa malayo.
Mahabang panahon ang nakalipas. Ang mga tao'y nagpatuloy sa kanilang mga gawa. inaabangan ang muling pagdalaw ng Bathala kaya naman nagdesisyon ang Bathala na pababain ang kanyang anak na babaeng si Ulinaya isang dyosa ng liwanag at kagandahan upang bisitahin ang mga tao at iba pang mga likha nito. Sinabi ng Bathala sa mga tao na salubungin ang kanyang anak mula sa paanan ng pinakamataas na bundok.
Ang lahat ng tao ay nag tipon sa paanan ng pinakamataas na bundok. sabik sa pagbaba ng dyosang si Ulinaya. Samo't saring prutas at palamuti ang inihanda ng mga tao para sa dyosa.
Nahati ang kalangitan sa pagbaba ni Ulinaya. Ang lahat ng madaanan nito ay nagliliwanag. Ang lahat ng mahawakan nito'y nabubuhay at ang aking kagandahan nito ay walang katulad sa mga tao.
Ang pagbisita nito ay ilang ulit din nasundan. ang bawat pagbaba ng dyosa ay pinagdiriwang hindi lang ng mga tao pati na rin ng ibang nilalang. Ang kagandahan din ni Ulinaya ang bukhang bibig ng mga kalalakihan ngunit iba at higit ang paghanga ng binatang si Buan. Isang makisig at matipunong lalaki na malaki ang paghanga sa dyosang si Ulinaya. Nung unang masilayan pa lang ito ni Buan ay palihim niya na itong tinawag na "Aking Bituin" dahil sa aking kagandahan nito. Ang paghanga ni Buan ay lalo panglumaki sa bawat araw na masilayan niya ang dyosa. Mataas man at matarik ang bundok kung saan bumaba ang dyosang si Ulinaya ay bale wala ito kay Buan. Araw araw ay matiyaga niyang inaakyat ito para lamang siya ang unang makasilay at bumati sa dyosa.
"Mangadang umaga Ulinaya" Ang araw araw na bati nito kapalit lamang ang mahinhin ngunit matamis na ngiti galing kay Ulinaya.
Isang bagong umaga at handa na si Buan na muling akyatin ang bundok at batiin ang dyosa. Di alintana ang tarik ng bundok o hampas ng hangin sa kanyang katawan. Gamit lamang ang lakas ng kanyang mga kamay, tapang at pag asa na masilayan din siya ng dyosa.
Sa tuktok ng bundok ay hindi bumukas ang langit bagkus ay napalitan pa ito ng ingay ng kulog at kidlat kasunod ang nagwawalang hangin at ulan ngunit maging ito ay hindi niya alintana.
natapos ang araw at hindi dumating ang dyosang si Ulinaya na labis na ikinalungkot ni Buan.Lumipas ang mga araw at wala pa rin ang dyosa ngunit kahit kailan ay di nawalan ng pag asa si Buan na masilayan itong muli. araw araw umaakyat tuwing umaga at bababang bigo sa gabi.
Pinagpatuloy pa rin ni Buan ang pag akyat kahit na alam niya na ang kahihinatnan nito ngunit sa pagkakataong ito ay determinado na siyang aminin ang kanyang nararamdaman para sa dyosa.
"Mahal na mahal kita aking Bituin!" Ang kanyang laging sinisigaw sa bawat pag akyat niya sa tutok ng bundok hanggang sa isang napakalakas na bagyo ang humamon sa kanyang pag akyat. matapang pa rin na sinuong ito ni Buan kahit na ang lamig ay tagus sa buto, kahit na ang hangin ay pumupunit ng balat, kahit na ang kulog ay nakabibingi at ang kidlat ay nakasisilaw, kahit na ang mga palad nito ay puno na ng paltos at mga sariwang sugat at kahit na parang imposible nang umakyat ay nagpatuloy pa rin ito.
Sa tuktok ay pilit siyang tumayo at paulit uli na isinigaw ang nararamdaman
"Mahal na mahal kita!"
"Mahal na mahal kita!"
"Mahal na mahal kita aking Bituin!"
Tumagos ang liwanag mula sa madilim na ulap na gawa ng bagyo at unti unting nahati ang kalangitan.
Sa wakas bumaba ang dyosang si Ulinaya kasama ang iba pang mga bituin. nagtagpo ang mga mata ng mortal na si Buan at dyosang si Ulinaya."Mahal na mahal kita Ulinaya" malumanay na sabi nito. Tanging matamis na ngiti lang galing kay Ulinaya ang kapalit nito.
Inialok ni Ulinaya ang kayang kamay sa binata, buong higpit itong hinawakan ni Buan at para bang ang lahat ng hirap at sakit na nararamdaman nito'y nawala.
Pikit matang pinakiramdaman ni Buan ang gaan ng katawan at sa kanyang pagmulat siya'y lumilipad hawak hawak ang kamay ng kanyang Bituin patungo sa liwanag...