Kinabukasan ay isa na namang kalunos-lunos na balita ang kumalat sa buong baryo Matala. Tatlong tao ang bagong biktima ng napapabalitang bampira. Ang isang matandang lalaki na biktima ay ginabi daw diumano sa bukid at doon ito hinarang at pinatay. Ang ikalawa at ikatlong biktima naman ay isang mag-ina na sapilitang dinukot mula sa dingding ng kanilang kubo. Iisa ang bakas ng ginawang pagpatay sa tatlong biktima. Mga butas sa leeg na hinihinalang gawa nang matutulis at mahahabang pangil at pagkatuyot ng katawan dahil sa pagkaubos ng dugo.
Namumutla pa si Aurea habang ikinukuwento ang balitang nasagap nito sa labas ng mansyon. Samantala'y nakatikom naman ang mga kamao ni don Leandro na nakapatong sa mesa. Naudlot ang sana ay masaganang pag-aalmusal nito dahil sa dalang balita ni Aurea.
"Dumadami na sila," bulong ng matanda habang nakatungo. Tiim ang mga bagang nito at kuyom ang mga kamao.
"Sino'ng sila. lolo?" kunwari ay walang alam na tanong ni Arabella sa don matapos senyasan si Aurea na iwan muna silang maglolo sa komedor.
"Ang mga kaaway. Tatlong uri na ng mga bampira ang mga kalaban. Ang mga mystical vampire na pinamumunuan ng mga Gualtieri, ang mga demonic vampire sa pamumuno ng isang Voldova, at ang mga nosferatu."
Ginagap niya ang isang kamay ng lolo upang payapain ito. "Lolo, hindi pa tayo sigurado kung mga Gualtieri nga ang sumasalakay. Naniniwala pa rin ako na mabubuti pa rin silang mga bampira. At lalo namang hindi pa tayo sigurado kung naririto na ang mga Voldova. Ang nosferatu...a-ano nga ba'ng uri sila ng bampira?"
Napabuntong-hininga ang matanda dahil sa kakulitan niya. "Ipinaliwanag ko na iyan sa iyo noong isang araw. Ang nosferatu ay ang ikatlong uri ng mga bampira. Mga tao sila na nasalinan ng virus dahil sa laway ng isang demonic vampire na nailipat dito dahil sa kagat. Patay na silang maituturing ngunit dahil sa virus ay nagigising sila pagsapit ng dilim upang uminom ng dugo. Hindi katulad ng iba pang uri, kailangan ng mga nosferatu nang mas madalas na pag-inom ng dugo ng tao upang manatiling sariwa ang kanilang mga katawan at hindi agad mabulok. Madaling makilala ang isang nosferatu dahil sa kanyang twisted at deformed figure. Ganoon ang itsura nila dahil nga sa patay na sila."
Dahil sa narinig ay nawalan na rin si Arabella ng gana na ipagpatuloy pa ang pagkain. "Ano ang dapat gawin upang masugpo sila, lolo?"
"Agua bendita. Iyon lang ang paraan upang masugpo sila. Kapag nawisikan sila ng banal na tubig ay agad silang malulusaw hanggang sa maging abo. Dahil sa mababang uri sila ng bampira, hindi kinakailangan ang Ragnor upang puksain sila. Ginagamit lamang ang Ragnor sa matataas na uri, katulad ng mga demonic at mystical vampire." Tumunghay ang kanyang lolo at tumitig sa kanya ang malulungkot na mga mata nito. "Kailangan ko ang tulong mo, Arabella."
"Ano iyon, lolo?" tanong niya kahit sa sulok ng isip niya ay may pagtutol.
"Puntahan mo ang kura-paroko sa bayan. Humingi ka sa kanya ng banal na tubig. Damihan mo kung maaari at pagkatapos ay ipamahagi mo sa ating mga kababaryo. Sabihin mo sa kanila na isaboy nila ang banal na tubig sa hinihinala nilang bampira at kung maaari ay huwag na silang lumabas ng kani-kanilang bahay pagkagat ng dilim at huwag ding basta magpapapasok ng panauhin lalo na kung hindi nila kilala."
Nakangiting tumango si Arabella tanda ng pagsang-ayon. Dama niya ang kagustuhan ng kanyang lolo na makatulong sa mga kababaryo at ayaw niyang biguin ito. Iyon man lang ay makagaan sa tila pasan-pasan nitong daigdig. "Masusunod, lolo. Isasama ko si Aurea pagpunta sa bayan."
"Salamat, Arabella. Tawagan mo si Delfin upang maipagmaneho kayo. Huwag kayong magpapagabi sa daan," sabi ng don matapos siyang basbasan.
BINABASA MO ANG
DEEP WITHIN YOU (Into the Darkness Series Book 1) Published in Paperback
Vampirgeschichten"Because I dream more than anyone else and so I see more than I should. But when the night comes there is a refuge of a dream of ecstasy. Where I only see love, you and me."