Chapter 7.2

1.9K 99 4
                                    

Pakapa-kapang tinungo ni Arabella ang unahan ng pick-up. Ginamit niyang gabay ang tagiliran ng sasakyan upang hindi siya madulas dahil sa maputik na lupa. Umaambon noon kung kaya lumambot tuloy ang baku-bakong daan. Nang marating niya ang unahan ng pick-up ay walang Delfin na naroon. Bukas ang headlight at nakataas ang hood pero wala ang taong kanyang hinahanap. Nakita niya ang flashlight na naka-on at nakapatong sa kinukumpunng bahagi ng sasakyan. Dali-dali niyang dinampot ang flashlight at itinuon ang liwanag noon sa ibang parte ng kalsada habang tinatawag si mang Delfin. Nakakailang tawag na siya pero walang sumasagot. Umaambon lang pero naramdaman niyang unti-unti na rin siyang nababasa. Papasigid na rin ang lamig kung kaya ipinasya niyang pumasok na uli sa loob ng sasakyan. Isa pa ay kanina pa siya may naaamoy na tila ba malansa.

Nagmamadali siyang humakbang papunta sa pinto ng pick up nang may matalisod siya. Mabuti na lang at nakakapit siya sa gilid ng sasakyan kung kaya hindi siya nagsubasob. Wala sa loob na itinuon niya ang liwanag ng flashlight sa kung ano'ng bagay na nakaharang sa daraanan niya. At ganoon na lang ang tili niya nang makita ito.

Si mang Delfin. Nakagulong ito sa putikan. Putlang-putla, dilat ang mga mata, nakaawang ang bibig at wala ng buhay.

Naghihisteryang binuksan niya ang pinto ng sasakyan at nagmamadaling pumasok doon. Nang maisara niya ang pinto ay saka pa lang siya umiyak nang umiyak. At kahit ilang ulit na nagtatanong si Aurea ay hindi niya ito masagot. Takot na takot siya sa nakita. Nanginginig ang buo niyang katawan at sindak na sindak ang buo niyang pagkatao.

Nang kumalma nang kaunti ay saka lang niya nasabi kay Aurea kung ano ang kanyang nakita. Ito naman ang naghisterya.

"Ano ang gagawin natin, Aurea? Wala tayong mahihingan ng tulong dito. Kahit sumigaw tayo nang sumigaw ay walang makakarinig sa atin dito."

"Hindi tayo lalabas ng sasakyan, Aurea. Kahit na ano'ng mangyari, hindi tayo lalabas dito."

"Paano? Magdamag na tayo rito, ganoon ba?" nahihintakutang tanong ni Aurea.

"Susubukan kong paandarin ang sasakyan. Malay natin, baka nagawa ni mang Delfin bago siya napatay." Pagkatapos mag-ipon ng lakas ng loob ay pinilit ni Arabella na lumipat sa driver's seat. Pagkaupong pagkaupo niya ay biglang may bumagsak na kung ano sa hood ng sasakyan. Ganoon na lang ang tili niya nang makita kung ano ito. Mukha itong bangkay ng isang lalaki na tila may buhay na pilit binabasag ang windshield ng pick up. Namukhaan niya ito. Ito ang bangkay ng lalaking pinuntahan nila ni don Leandro sa punerarya noong isang araw.

"Bampira! Bampiraaaa!!!" parang baliw na nagsisigaw si Aurea na noon ay nakikita rin ang nilalang na nasa unahan ng sasakyan nila.

Sa kabila ng sobrang takot ay naggawa pa rin niyang isara ang bintana sa tapat niya. Nang isusunod na niya ang bintana sa kabilang upuan ay isang bangkay naman ng matandang lalaki ang inilusot ang isang braso sa bintana at pilit siyang inaabot.

Sa kabila ng takot at kawalang pag-asa ay pilit na pinagana ni Arabella ang utak. "Aurea, iabot mo sa akin ang plastic bottle na nakapatong sa inupuan ko kanina."

"Ano'ng gagawin mo dito?" umiiyak na tanong ni Aurea habang kinakapa nito ang upuan.

"Huwag ka nang magtanong, Dalian mo na," sigaw niya.

"Heto na!" sabi ni Aurea sabay abot sa kanya ng plastic bottle na may tubig. Mabilis niyang tinanggal ang takip nito at isinaboy sa bampira ang laman. Sapul ito sa mukha at braso. Agad umusok ang balat nito kasunod nang mabilis na pagkaagnas.

Sinamantala ni Arabella ang pagkakataon. Sinubukan niyang paandarin ang sasakyan kahit nakasampa pa rin ang lalaking bampira sa hood ng kotse. Wala namang tigil sa paghihisterya si Aurea sa loob ng sasakyan.

"Mamamatay na tayo, Arabella. Mamamatay na tayo!!!" sigaw ni Aurea sa gitna ng mga hagulhol.

"Umandar ka, please. Umandar ka." Umiiyak na bulong ni Arabella. Alam niyang kailangan pa rin niyang gumawa ng paraan kahit napakaliit ng tsansang makaligtas sila. At halos sumabog ang utak niya nang matanaw sa di kalayuan ang isang babae at isang batang bampira, palapit din ang mga ito sa kinaroroonan nila. "Oh, God! Please, help us!" Tiyempo naman biglang umandar ang makina ng sasakyan. Agad siyang nabuhayan ng loob. Mariin niyang tinapakan ang accelerator kung kaya biglang umusad ang pick up at tumalsik ang bampirang nakasampa sa hood ng sasakyan.

Kahit mabagal ay unti-unti silang nakalayo sa lugar na iyon. Saka pa lang niya naalalang lingunin si Aurea ngunit wala na itong malay. Nahimatay ang pobreng babae dahil sa tindi ng takot kanina.

Pagbalik ng mga paningin niya sa daan ay ganoon na lang ang gulat niya. Tinutumbok ng sasakyan ang isang matangkad, maputi at guwapong lalaki na nakatayo sa gitna ng daan. Kulay ginto ang buhok nito at maayos ang suot. Mukha itong prinsipe na nagmula sa ibang bansa. Naka-black tuxedo ito ng itim at pulang long sleeves. Titig na titig ito sa kanila na tila ba hindi natatakot na mabunggo ng paparating na sasakyan. Sinubukan niyang tapakan ang preno ngunit hindi ito kumagat bagkus ay nagtuloy-tuloy ito sa nakatayong lalaki. Bago pa tuluyang bumunggo ang sasakyan sa lalaki ay nakita pa niya ang mga mata nito na puting-puti dahilan upang isipin niya na maaaring hindi ito isang tao. Napapikit na lang siya nang mariin nang tuluyan nang bumunggo ang pick up dito pero ganoon na lang ang pagtataka niya dahil wala man lang siyang narinig na kalabog.

Lalong nadagdagan ang takot niya kung kaya mas pinabilis niya ang pagpapatakbo ng sasakyan. Kailangan nilang makaalis agad sa impyernong lugar na iyon kung ayaw niyang maging hapunan sila ni Aurea ng mga alagad ng dilim.


DEEP WITHIN YOU (Into the Darkness Series Book 1) Published in PaperbackTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon