First Love Never Dies

258 5 7
                                    

Unang araw ko ngayon sa mataas na paaralan bilang isang mag-aaral sa unang taon. Wala akong kaibigan dito o kahit kakilala sa lugar na ito. Hindi naman kasi ako dito lumaki sapagkat lumipat lamang ako upang makasama kong mula ang mga magulang ko. Pano kaya ako mabubuhay nito dito? Parang bumalik ako sa wala sa lagay kong ganito rito.

Naandito kami ngayon sa labas at nakapila base sa aming seksyon. Tinitingnan ko isa-isa ang mga mag-aaral na magiging kaklase ko ngayong taon. Kahit anong gawin kong titig, wala talaga akong kakilala. Ngunit habang tinitingnan ko sila, may isang lalaki na aking nakatitigan ng medyo may katagalan. Iniwas ko na lamang agad tingin ko noong napansin kong tumatagal na ang titigan namin dahil sa hiyang bigla kong naramdaman. Pinapunta na kami sa aming silid-aralan at bawat palit ng guro, nagaganap ang walang katapusang pagpapakilala. Laging tinatanong kung anong karangalan ang nakuha mo noong nagtapos ng elementarya na naging dahilan kung bakit hindi ko nagustuhan iyon kahit na yun ang dahilan kaya walang klase. Bakit kamo? Hindi naman kasi ako pwedeng magsinungaling gawa ng magiging kargo pa ng kunsensya ko iyon. At dahil di ko kayang magsinungaling, panay pangungutya ang inaabot ko kasama ang isa kong kamag-aral, dalawa kasi kaming nagtapos sa elementarya bilang valedictorian. Matapos ang isang linggong pagkilala namin sa aming mga kaklase, binigyan na kami ng pagkakataon ng aming tagapayo sa klase na magbotohan para sa class officers. "I respectfully nominate Elise Ocampo as President." Hindi ako sang-ayon kaya di na lang ako nagsalita, kaso may isa pang nagtaas ng kamay. "I move that the nomination now be closed." Teka, closed na agad? "Any objections, Ms. Ocampo?" Hindi naman ako makatanggi sa posisyong ibinigay nila sakin kasi nahihiya ako. Ako na yung pinagfacilitate ng botohan sa klase. "I respectfully nominate, John Paul Assuncion as Vice-President." Siya nga pala yung inaasar sakin simula pa noong isang linggo. Pakiramdam ko tuloy planado na nila 'to. Nagpatuloy na lang ang botohan namin para sa officers, wala na akong paki sana kaso... "I respectfully nominate Daniel Paul Olivar as the Class Escort." Naalala ko biglang siya yung nakatitigan ko nung unang araw. Nagkatitigan kami ulit, pero natigil kahit di na ako umiwas kasi sinimulan na siyang asarin sa muse namin. Noong panahong yun, akala ko wala lang. Sana wala na lang talaga.

Nagkaron ng pagkakataon na naging kagrupo ko siya sa isang maliit na produksyon sa klase. Activity namin yun at project na rin kaya mahaba-haba yung oras ng paghahanda ang ibinigay sa amin. Kaming dalawa ni Daniel yung napagdesisyunang maging magpartner sa play at Story of Creation ang piniling storya na aming gagawin. Yung dalawang taong nanggaling sa kawayan na Story of Creation nga pala ito. Naging close kami pagkatapos nun at lagi ko na siyang nakakasama sa tuwing nasa paaralan kami. Matapos ang isang buwan, naging mas malapit kami sa isa't isa, higit pa yata sa dapat. Dahil dun, kami na ang inaasar sa buong klase. May play ulit kami, kaso si Paul na ang kagrupo ko nung pagkakataong yun. Kami ni Paul ang naging magkapartner at sariling storya ang gagawin namin. Ang storya naming ngayon ay tungkol sa dalawang taong nagmamahalan ngunit hindi nabigyan ng pagkakataong magsama. May mga parte dun na maghahawak kami ng kamay ni Paul at meron ding kialangang magkayakap. Matapos yung presentasyon namin, hindi na lang ako pinansin bigla ni Daniel. Ilang araw na yung nakakalipas pero hindi pa rin niya ako pinapansin kaya hinayaan ko na lang. Noong hindi na ako gumawa ng paraan para magkausap kami, tsaka niya gustong makipag-usap. Inantay niya ako sa labas ng classroom namin pero nilagpasan ko lang siya. Alam kong mali, pero nakakasama ng loob yung ginawa niyang hindi pagpansin sakin sa dahilan na hindi ko man lang alam. At kahit sinundan niya ako, hindi ko pa din siya pinansin.

Matapos ang mahigit isang linggo, nasa classroom kami at walang guro kaya't walang ginagawa ang klase namin. Medyo nag-uusap na kami ni Daniel ulit. Kausap ko yung katabi ko na si Ryan at may itinanong siya sakin bigla. "Crush mo ba si Paul?" Biglaan kasi yung tanong niya kaya "Ewan ko." ang nasagot ko. Nakita ko na lang siya na may sinusulat sa papel tas may pinag-abutan siya. May bumalik na papel sa kanya, hindi ko alam kung kanino galing tapos nagtanong siya ulit. "E si Daniel, crush mo?" Nagulat ako ng sobra sa tanong niya. Alam kong meron at higit pa ata. Pero itinanggi ko kasi hindi ko kayang umamin. Lalo na sa lagay namin ngayon. Matapos nun hindi na naman ako pinansin ni Daniel. Hindi ko na kinaya, kaya pinatanong ko kay Ryan kung bakit. Nagulat siya nung ginawa ko yun. Akala daw ba niya wala akong gusto kay Daniel, pero bakit ko daw yun pinapatanong. Wala na akong magawa kundi sabihin yung totoo. "Gusto ko si Daniel. Hindi ko lang maamin nun sa'yo kasi nahihiya ako." Mas nagulat siya sa sinabi kong yun tas tumayo at lumapit na kay Daniel. Uwian na namin. Akala ko wala lang yung ginawa ni Ryan, pero inaantay pala ako ni Daniel sa labas ng silid-aralan namin. Umamin siya sakin na gusto niya rin ako at kaya hindi niya ako pinapansin ay dahil nagselos siya kay Paul. Akala daw niya balewala lang siya sakin at si Paul ang gusto ko. Di ko alam kung anong nangyayari pero basta masaya ako nung araw na yun dahil gusto rin ako ni Daniel. Ewan ko, ngayon ko lang 'to naramdaman. Mas naging malapit kami nun. Minsan nga, nagloloko siya na kami na raw. Pero nung nagkausap kami, hanggang kaibigan lang daw muna gusto niya. Nasaktan ako dun syempre. Akala ko kasi higit na kami dun. Magkasama pa din kami kahit nasaktan ako sa sinabi niya pero itinutuloy pa din niya yung pagloloko na kami daw.

Ilang araw bago matapos ang Hulyo, nagloloko na naman siya na kami daw. Nasasaktan na ako talaga. Bakit niya kailangang magloko na kami kung hanggang kaibigan lang naman kami para sa kanya? Ngunit hindi ko masabi sa kanya yun. Nung tanghalian na, magkasama kami at katulad ng dati, kami lang dalawa ang magkasama. "Elise, sorry." Ha? Saan? "Bakit ka nagsosorry sakin?" "Kasi nagsinungaling ako sa'yo." "Nagsinungaling?" "Oo. Hindi lang hanggang kaibigan ang gusto ko para satin. Gusto kita, gustong gusto. Pero para mas tama, mahal kita Elise. Pwede ba kitang maging girlfriend?" Tumigil mundo ko nun. Hindi ko alam gagawin ko. Alam niyo yung sobrang saya mo kaya natigilan ka na lang? Siya ang first love ko, at ang magiging first boyfriend ko din. "Pwedeng pwede, Daniel." Nginitian ko siya at hinawakan naman niya kamay ko. Isa to sa mga araw na hindi ko makakalimutan.

Mga ilang buwan na ang nakakalipas, nalaman ko na may girlfriend pala siya bago sa akin. Dalawang taon niyang niligawan bago siya sagutin, pero iniwan niya nitong Hunyo. Ayaw niyang sabihin sakin ang dahilan. Sa halip, yung dati niyang girlfriend ang nagsabi sakin na dahil daw sakin kaya siya iniwan ni Daniel. Simula palang daw ng pasukan, nagkagusto na siya sakin. Sobrang natuwa ako nung nalaman ko yun. Mukha man akong masama at makasarili na naging masaya ako dun, mahal ko lang ata talaga si Daniel, mahal na mahal at alam kong hindi masasayang sa kanya yung pagmamahal na yun.

Oktubre 15, unang beses niya akong nahalikan. Hindi ko talaga makalimutan yung pangyayaring yun. Siya ang unang nakahalik sa akin. Alam ko, bata pa ako at wala akong karapatang gamitin ng gamitin ang salitang mahal, pero mahal ko na talaga ng sobra si Daniel. Masaya kaming magkasama lagi, kung may nagiging tampuhan man kami, hindi natatapos ang araw na hindi kami nagkakaaayos. Wala kaming problemang hindi namin naaayos agad, kaibigan ko lahat ng kaibigan niya at kaibigan din niya lahat ng kaibigan ko. Wala kaming tinatagong sikreto sa isa't isa. Huling araw na ng pasukan ngayong taon, sa Enero na muli kami magkikita. Kumain kami sa labas, nanuod ng sine at ibinili niya ako ng teddy bear tsaka kami naghiwalay. Mahaba ang bakasyong iyon para samin, pero hindi namin hinahayaang may araw na hindi kami nakakapag-usap. Alam pa rin namin ang nangyayari sa isa't isa kahit hindi kami magkasama. Nagtatawagan kami tuwing gabi para mapunan yung mga oras na hindi kami nagkikita. Siya ang kausap ko noong sumapit ang pasko at bagong taon. Kahit sa ganong paraan, pakiramdam namin, magkasama naming ipinagdiwang ang mga araw na iyon.

Pebrero 14, Sabado, pero magkasama kami dahil sa isang proyekto. Nagpapasalamat kami sa proyektong yun dahil nagkasama kami. Unang Araw ng mga Puso na ipinagdiwang namin ng magkasama. Pero hindi namin akalain na iyon na din ang huli. Nagbakasyon na, akala ko magkakausap pa din kami katulad nung dati. Pero nawalan kami ng komunikasyon. Madalang lang akong gumamit ng computer, pero dahil hindi niya na ako tinetext o tinatawagan, gumamit ako. Nakita ko dun na araw-araw niyang kausap mga kaklase namin. Aaminin ko, nasaktan ako. Nag-iwan ako ng message sa kanya at tumigil na sa paggamit ng computer. Nagtext siya sakin matapos ang ilang minuto. Bakit kailangang magmessage pa ako sa'yo dun bago mo ako maaalala ulit? Nagpatuloy yung ganong sistema namin at hindi kalaunan, naghiwalay na kami.

Ikalawang taon ko na sa mataas na paaralan at kaklase ko pa rin siya. Gusto pa rin daw niya ako, pero masakit yung mga nangyari. Kaya sinabi ko sa kanyang patunayan muna niyang hindi na niya ako sasaktan ulit ng ganoon bago ako bumalik sa kanya. Lagi na muli niya akong tinatawagan at magkatext na din kami lagi. Lahat ng pwede niyang gawin para sakin, ginagawa niya. At dahil mahal ko pa rin naman siya, binigyan ko siya ng isa pang pagkakataon. Maayos kami noong unang buwan ng pagbabalikan namin, nakikita ko pa din yung pagpupursigi niya na ipakita saking hindi niya na uulitin yung naging mga pagkakamali niya. Pero dahil nga hindi ako mahilig gumamit ng computer, nagsimula na palang mahulog sa iba si Daniel. Nahulog siya dun sa taong lagi niyang kausap sa friendster at ym. Umamin naman siya sakin. Pero mahal pa din daw niya ako kaya wag ko daw siyang iwan. Kaso naisip ko na kung nahulog siya sa iba, mahal niya man ako, dadating yung pagkakataon na may lalamang sakin sa puso niya... Hindi nagtagal nalaman kong may bago na siyang girlfriend. Ako naman, dahil ayaw kong maiwan sa nakaraan, sinagot ko ang isa sa mga manliligaw ko. Magkaibigan pa rin kami, pero alam ko sa sarili ko na sa bawat tinginan namin sa isa't isa, nandun pa din yung pagmamahal. Sadyang napaglipasan na lang ng panahon at naiwan na lang sa isang sulok ng puso namin.

At dahil dun, naniniwala ako sa "First love never dies" Pero may kasunod dapat na, "but it will never blossom once again."

First Love Never DiesTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon