Copyright © Jay-c de Lente
Self-published under PNY (Pahina ng Pasko)
Cover: photos/digitalArt by © Jay-c de Lente
All rights reserved. This book or any portion thereof may not be reproduced or used in any manner whatsoever without the express written permission of the author/publisher except for the use of brief quotations in a book review.
This is a work of fiction. Names, characters, businesses, places, events and incidents are either the products of the author's imagination or used in a fictitious manner. Any resemblance to actual persons, living or dead, or actual events is purely coincidental.
Whiskey (Short Story)
PART 1
"Shoo!" pagtataboy ng taong nakasuot ng uniporme. Pabulyaw iyon. "Natatakot sa 'yo ang mga customers namin! Alis!"
Mabilis pa itong pumasok sa pinanggalingang kitchen ng fast food at lumabas na may hawak nang lampaso. Pinagpupukpok iyon sa sahig, sa dingding ng gusali, at sa malapit na basurahan upang makagawa ng ingay.
Sa takot na baka mahambalos, pinilit na lumayo ng itinataboy. Pakaladkad dahil sobra itong nanghihina. Halos hindi na nga nito kayang hilain palayo ang sarili. Dumeretso ito sa halamanan malapit sa harap ng fast food at doon nagsumiksik.
Naamoy nito muli ang bango ng pagkaing iniluluto. Hindi nito naiwasang maglaway at tumunog ang kumakalam na sikmura.
Nakagugutom lalo, anito sa isipan.
Ang totoo, halos isang buwan na itong hindi nakakakain nang maayos. Kung makakain man, isang lunok lamang ng scrap food na natatagpuan nito sa mga basurahan. Malimit ay wala pa. Marahil ay nauunahan ito ng ibang mga kagaya nitong palaboy rin sa lansangan. Kung kaya, binubusog na lamang nito ang sarili sa tubig, na madaling matagpuan at mainom sa ilang mga sirang water pipes sa tabi ng nilulumot na bangketa.
Dati, kapag lalapit ito sa nabanggit na fast food, mayroong mabait na matandang lalaki ang lalabas doon.
"Pumunta ka lang dito, mga ganitong oras," saad noon ng matanda na may maamong mga mata.
Kung kaya, gabi-gabi, eksakto alas diyes, naroroon ito't naghihintay sa labas ng kusina. Lalabas ang matanda na may bitbit nang pagkain at inumin.
Isang linggo ang lumipas, naging magkaibigan sila at 'Kaibigan' ang naging tawagan nila sa isa't isa.
Subalit nitong mga nakaraang linggo, ibang lalaki na ang lumalabas doon at laging naninigaw at nangtataboy.
Hindi ko maintindihan, anito sa isipan. Nasaan ka na Kaibigan?
Umihip ang malamig na hangin. Kailangan na nitong makabalik sa puwestong tinutulugan (na pinagsapin-saping karton, papel, at plastik) upang makapagbigay ng init sa nanlalamig nitong katawan. Bukod sa nanginginig at gutom, ito ay patpatin at halos dumikit na ang laman sa buto. Ang mga balat nito ay maraming preskong sugat.
Kinamulatan na nito ang lansangan at hindi na nito mabilang kung ilang beses na itong nagpalipat-lipat ng puwesto upang may maayos na matutulugan. Basta ang alam nito, musmos pa lang ito ay naroroon na ito sa abala at maingay na lansangan dulot ng mga tao, bihikulo, at naglipanang mga business establishments. Kinamulatan nitong dapat araw-araw ay maghanap ng makakain sa basurahan kung gusto nitong maka-survive.
Habang hinihila ang sariling katawan papunta sa tulugan, pinagkakasya nito ang sarili na maaliw sa mga tugtugin sa paligid animo'y tunog ng maliliit na kampana. Nakakalat din ang iba't ibang mga kulay ng ilaw sa mga poste at gusali na kumikislap-kislap pa. Kahit papaano ay nagbigay iyon ng kaunting kislap ng ligaya sa mabigat nitong damdamin.
Kaunting gapang pa... Makapagpapahinga na...
Hirap na hirap ito. May pakiramdam ito na hindi na nito masisilayan pang muli ang araw kinabukasan.
Siguro mas mabuti na rin iyon, sa isip-isip nito. Hindi na ito maghihirap pa at hindi na nito kailangang makipaglaban sa hamon ng buhay upang makakain lang.
Sana kahit sa huling pagkakataon, maranasan ko ulit na mapalapit sa ibang tao, magkaroon ng pamilya at tahanan, at... mabusog, anito sa sarili.
Subalit ilang metro pa lang ang nailalayo, nagdilim na ang paningin nito.
~~~
Nang muling magmulat ang mga mata, nagulat pa ito dahil nakabalot na ito ng makapal at malambot na tela. Wala na ang panginginig nito.
"Hayan, gising ka na... Gusto mo na bang kumain? Heto... Kaunti lang muna dahil walang laman ang tiyan mo. Baka sumakit lalo," wika ng isang babae.
Naisip nito na malamang ay nasa langit na ito dahil mayroong libreng pagkain at may mabait pang nagbigay.
Salamat, Diyos ko. Nasa kalinga Mo na ako.
"Mabuti't nakita mo siya nang maaga at naidala rito. Kung hindi..."
"Basta na lang natumba sa harapan ko nang papalabas ako kanina ng aming fast food, dok, e. Dahil Christmas Eve ngayon, alam kong mahirap maghagilap ng doktor. Mabuti't pumayag kayong tingnan siya," tugon ng babae sa lalaki.
"Sobrang malnourished at maraming mga sugat. Pero maayos at regular na pagkain, vitamins, at araw-araw na paglalagay nitong gamot sa balat, magiging maayos at babalik ang lakas niya."
"Salamat, dok. Sige iuuwi ko na siya," wika ng babae. "Merry Christmas."
Sa unang pagkakataon, nakaranas itong matulog sa kutson at sa loob ng bahay ng ibang tao....
BINABASA MO ANG
Whiskey (Short Story)
Historia Corta| Short Story | Inspirational | Ito ang kuwento ng isang nilalang na namulat at namuhay sa lansangan. Self-published under PNY (Pahina ng Pasko) Copyright © Jay-c de Lente COVER: Photos/DigitalArt © Jay-c de...