VIII. Ang Alamat ni Juanang Ilaya

1.1K 32 5
                                    

Hindi ko na naiisip ang panaginip ko nang nakakapaglaro na uli ako. Ayaw na ayaw ko talagang maalala iyon. Hindi ko na rin matandaan kung may napagkwentuhan ba ako niyon. Pero mula noon, naging mas matatakutin ako, lalo na sa dilim. Pinalala pa iyon ng matagal na pagkawala ng kuryente sa amin. Bago dumilim, nakapaghapunan na kami, kaya maaga pa, nakahiga na ang lahat at handa nang matulog, liban sa akin.

Garapa ang ilaw namin, isang lumang boteng kulay brown na may mabahong gaas at nilagyan ng telang mitsa sa dulo. Kaya kung makikita mo kami noon, litaw na parte ng aming mukha ang maiitim na butas ng aming ilong. 

Malimit, nagigising ako sa gabi, pero kahit gising, ayokong magmulat, kasi pag ako na lang mag-isa ang gising, saka sila nagpapakita. 'Pag sumisilip ako mula sa kumot, may ibang kumot na bumabangon at nagiging malaking bibig, bukas-sara at parang mangangagat. Isang beses naman, pagmulat ko ng mata, may isang batang maputi na walang katinag-tinag na nakatalikod sa tabi ng pinto at parang may sinisilip sa kusina. Nagisnan na lang nila ako na itinuturo ang batang hindi nila nakikita.

"Nakakatakot na talaga 'yang si Jepoy. Kanina e kung ano na namang itinuturo sa may kurtina," dinig kong sumbong ni Ate Mabel kay inay. 

Meron kaming kurtina sa pagitan ng sala at kusina, na may disenyong paulit-ulit na mga pulang bulaklak na mistulang mga ningas ng apoy. Daraan sana ako roon pero napahinto ako dahil, gaya ng kumot, nag-anyong mga bibig din ang mga ito, bukas-sara at pawang mangangagat. Napaurong ako at napaupo sa sahig sa takot.

"Masyado ka naman. Sadyang malakas ang imahinasyon ng mga bata," malimit na sagot ni inay kina ate, kasi baka raw may sapi na ako.

Pero ewan, imahinasyon ko rin lang ba 'yung may sumusundot-sundot sa higaan? Nakahiga kami noon sa sahig sa itaas ng bahay, at sa isip ko, isang mahabang kamay ang gumagawa niyon kapag wala nang tao sa ibaba.

Lumala ang takot ko sa dilim, at hindi mo na ako mapapagbanyo nang hindi kasama si Ate Mabel na nakabantay sa tabi ng pinto (kung hindi man nasa loob mismo), o kaya ang umakyat sa itaas ng bahay na walang ilaw o walang katao-tao. Kapag umuuwi si Kuya Pio, malimit niya akong masigawan ng "duwag" o kaya "mama's boy".

"Kaya nagkakaganyan 'yan e sobra kung maasikaso n'yo," minsan sabi niya kay inay.

"Kung magsalita ito... Pare-pareho ang pag-asikaso ko sa inyo,"sagot ni inay.

"Hindi..." bulong ni Kuya Pio, "Iba sa isang iyan at kay Kuya Pepe."

"Dahil ano? Dahil hindi kita pinagtapos? E ikaw itong ayaw nang pumasok!" malakas na ang boses ni inay. 

Hindi raw kasi nakatapos ng pag-aaral si Kuya Pio dahil mas pinili niyang magtrabaho na lang, sabi ni inay, at saka malimit daw itong mapaaway noong estudyante pa. Hindi raw kagaya ni Kuya Pepe, kahit hindi honor student, matiyaga raw pumasok sa eskwela.

Parang gusto ko nang maglaho at lumitaw na lang kung saan. Sana, madaling puntahan ang mga lugar na mahiwaga, parang panaginip, para doon muna ako. 

Nagdrowing na lang ako sa likod ng lumang kalendaryo ng isang taniman sa tabi ng ilog, na may araw na nakangiti sa gitna ng dalawang umbok na bundok.

"Psst..."

Napalingon ako sa bahaging kusina na pinagmulan ng sutsot. Parang wala namang naririnig ang inay at si Kuya, at kung anumang pinag-uusapan nila, parang wala rin akong naririnig... maliban sa sutsot.

"Psst..."

Sa labas ng mahabang bintana iyon nanggagaling, sa gawing likuran ng bahay, sa dako ng bangin sa tapat ng ilog sa di kalayuan.

"Jepoy, lika..."

Tumayo ako at sinundan ang tinig, palagpas kina inay at Kuya Pio na nagtatalo. Dumaan ako sa gilid ng mesa patungo sa kwartong tulugan ni Kuya Ding, na may pintuang patungo naman sa likod-bahay. Pagkalapat na pagkalapat ng malaking pinto, nagbago ang anyo ng kapaligiran. Naging mas makulay, mas presko sa pakiramdam, at mas kamangha-manghang tingnan.

"Jepoy, gusto mo bang sumama? Lulusong ako sa tubig..." sabi ng nakangiting babae na bahagya ko nang makita ang mukha.

"Sino po ikaw?" tanong ko.

"Ako si Juana," sagot ng babae.

"Ikaw po si Juanang Ilaya?" Ewan ko, pero wala akong nararamdamang takot, gaya ng kapag tinatakot ako ni inay kapag ayokong matulog sa tanghali.

Ngumiti ang babae at inakay niya ako. Tinungo namin ang gilid ng hindi kataasang bangin. Narinig ko ang lagaslas ng ilog doon, na natatakpan ng makapal na kasukalan at mga puno sa ibaba.

"Humawak kang mabuti sa kamay ko," sabi ni Juana. Pumikit siya, at tila dumating sa kinatatayuan namin ang hangin. Gumalaw-galaw ang mahabang buhok ni Juana. Bago ko mamalayan, naglalakad na kami sa hangin, patapak-tapak sa nalalaglag na mga dahon na parang sadyang sinasalo ang bawat hakbang ng aming mga paa, gaya ng kwento ni inay!

"Jepoy..." Narinig kong tawag ni Juana nang nasa pampang na kami ng ilog, pero parang malayo na siya. Unti-unti ring naglalaho ang mga lagaslas na parang radyong pinahina ang tunog at naiwan na lang ay agas-as.

"Jepoy..." Pilit kong inaninag ang kanyang malabo ngunit marikit na mukha na nang luminaw, naging mapeleges na mukha ni inay. Nakasubsob na pala ako sa papel na may drowing. Medyo nalukot ito at nabasa ng konting laway ang bahaging may ilog na kulay asul.

"Jepoy, kakain na, tanghali na," sabi ni inay.

Kinamatisang kangkong na may piras, katang at galunggong ang gulay at ulam namin ngayong tanghali. Meron ding bagoong sa platito, na pinipikpik ng kutsara at ipapahid sa kanin, lalo na 'pag walang ulam. Lahat nabusog at walang reklamo. Payapang nakaraos ang tanghalian.

Itinuloy ko ang pagdrodrowing pagkatapos. Tuyo na ang laway sa parteng ilog kaya ayos lang. Naiwan kaming tatlo nina inay at Kael, nananahi si inay ng pagawang sitkober na malimit niyang bukambibig, kasama ng kobrekama at kurtina. Nang nagkakape na siya, tinanong ko siya tungkol kay Juanang Ilaya.

Hindi magaling magkwento si inay, maraming pasakalye at pasubali, hindi dire-diretso. Mula sa konting naintindihan ko, mestisa raw si Juanang Ilaya, kaya pihong maputi siya, gaya ni Ate Mavic, mahaba ang buhok, at palutang-lutang sa hangin na parang momo. 

Wala nang ibang masabi si inay kundi kukunin daw ako ni Juanang Ilaya kapag pilyo ako at ayaw matulog sa tanghali. 

"Kapag may narinig kang sumusutsot-sutsot sa ating likod, naku... si Juanang Ilaya 'yon!"

Gayong marami namang kwento kay Juanang Ilaya, at kada nanay yata, iba ang kwento, gaya ng anak daw siya ng Kastilang ama at alilang ina, o kaya isa siyang mangkukulam na may pulang saya – palala nang palala siguro, kapag patigas nang patigas din ang ulo ng bata. Sa ibang bahay nga, kumakain na ng bata si Juanang Ilaya! 

Pero hindi naman talaga ako natatakot kapag tinatakot ako tungkol kay Juanang Ilaya. Talaga lang nakakatakot ang takipsilim, kasi ibig sabihin, malapit nang dumilim. Mas naiisip ko ang paglalakad ni Juanang Ilaya sa nalalaglag na mga dahon, at kung totoong may nag-aalagang diwata sa akin – baka nga si Juanang Ilaya pa iyon!

Ang Lihim Kong Buhay sa Piling ng mga Nuno (Nunoserye #1)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon