Waiter

474 25 0
                                    

*Maraming salamat Mr. Anonymous sa pagbabahagi ng iyong kuwento. Sa uulitin po.

******************************

Unang gabi ko sa trabaho matapos kong huminto sa pag-aaral sa college para naman makatulong sa mga kapatid kong nag-aaral sa high school, kaya pumasok ako bilang isang waiter sa isang bar sa Pampanga.

Isa itong gay bar.

Sa halip na mga babae ang mga dancer na sumasayaw sa patay sinding liwanag ay mga macho dancer ang makikita mong sumasabay sa saliw ng mga tugtugin at patay sinding ilaw, samahan pa ang mga paggiling na halos mga pang ibaba lang ang saplot na makikita sa kanilang mga katawan. Mga tinuring na mga “macho dancer” pero doon ko lang nadiskubre na ang mga macho dancer na dati ko lang naririnig, karamihan ay mga patpating lalake na halos walang build ang katawan. Malayo sa pangalan na “macho” na kanilang dinadala.

Marami silang naranasang kakaiba sa mismong bar na pinagtatrabahuan namin at ako bilang baguhan, kung saan dalawa lang kaming waiter ay kaagad naman na nakasundo ang karamihan sa mga dancers. Matapos ang orientation sa akin ng kasama kong waiter kung ano ang mga dapat gawin at hindi dapat ay bumaba siya sa building.

Second floor ang bar habang motel naman ang sa ibaba kaya naman madalas na tambay ang mga trabahador sa ibaba habang hindi pa tuluyang nagbubukas ang bar para sa show nito na kadalasang nagsisimula sa alas-diyes na ng gabi.

Ako lang mag-isa sa counter ng bar habang nagpapalipas ng oras at nagsisikilos ang boy at kusinero sa kani-kanilang gawain bilang paghahanda sa mga pangangailangan ng mga costumer maliban sa mga lalake na talagang ipinunta ng mga bading at matronang costumer.

Pinagmasdan ko ang paligid at may kalakihan ang stage na mayroong salamin at sa magkabilang dulo naman ay ang poste na pinalilibutan din ng salamin. Kitang kita ang repleksyon mo na nakatangin sa entablado. Kasabay ng pagpatay ng ilaw upang patugtugin ng DJ ang mga musika habang pinapalipas ang oras hanggang alas diyes ng gabi ay kaagad din siyang bumaba upang tumambay kasama ng isa pang waiter.

Iba't-ibang liwanag na nagpapatay sindi, kasabay sa musika ang samu't-saring kulay mula sa mga disco lights na kumakalat sa buong bar kung saan tanging ang liwanag ng ilaw mula sa counter lamang ang sapat na liwanag upang makita ng maayos ang lahat kapag naroon ka at malapit.

Ilang minuto pa ang lumipas habang sinasanay ko ang aking mata sa madilim na paligid ay muli kong iginala ang aking mata. Mula sa pintuan kung saan papasok ang costumers ay nakita ko na may isang mama' na nakaupo sa isang mataas na upuan at may kalakihan ang katawan. Katulad ko at ng iba pang waiter, nakasuot ito ng puting tshirt kaya kaagad kong inisip na isa siyang security guard na kailangan nang magduty sa oras ng trabaho.

Nakaupo lang siya at nasa ganoon siyang posisyon habang lumilipas ang oras. Kasabay ng mga pagpatay sindi ng ilaw at sa saliw ng tunog ay paminsan-minsan ko siyang nasusulyapan mula sa gilid ng aking mata. Ganoon pa rin at walang pagbabago sa kanyang pagkilos.

Mula sa kusina naman, kung saan umikot ang boy ay may lumabas matapos niyang kunin ang order na ice tube, na kalaunan ay nakilala ko bilang si Kuya Sol.

“Mamaya pa ang dating ng mga costumer, halika, tumambay ka muna sa baba.” Yaya niya sa akin. Hindi ko siya sinagot pero tahimik lang akong sumunod sa kanya. Nang maglakad na kami palabas ay napansin kong wala na ang waiter na nakaupo malapit sa entrance, bago pa ako magtanong ay nasagot na ang tanong ko ni Kuya Sol habang naglalakad kami.

“'Wag kang tatambay dito mag-isa lalo na bago ka palang, maraming nagpapakita rito.” Aniya nang nasa pinto na kami ng entrance. Nakaramdam ako ng panlalamig sa aking batok nang marinig ko ang salita ni Kuya Sol kaya hindi ko naiwasan ang magtanong.

“Bakit kuya, may multo rito?”
tanong ko kay Kuya Sol nang pababa na kami sa hagdan.

“Madami...” sagot niya sa akin.  “...baka makita mo yung isa sa dating waiter dito na namatay, marami nang pinakitaan si pareng Roger.” pagpapatuloy niya.

Kahit pa tumayo ang balahibo ko sa sinabi ni Kuya Sol ay nagpatuloy na lang din ako sa pagtatanong. “Malaking tao ba 'yun kuya? Saka semi-kalbo?”

Napalingon siya sa akin at eksaktong nasa baba na kami kung saan naroon ang isa pang waiter kasama ang Dj at ang OIC ng bar na nagpasok sa sakin sa trabaho.

“Tang-ina, nagpakita kaagad sa'yo?” Natatawa pang tanong niya sa akin.

“Ah... akala ko security guard... waiter pala 'yun? Iyon pala 'yung namatay?” Kalmado kong tanong na pasagot sa kanya. Nanindig man ang balahibo ko ay hindi naman sapat iyon para ipakita kong kinakabahan ako. Nagtawanan lang ang mga kasama ko nang madinig nila ang sinabi ko.

“'Wag mo na lang pansinin si Roger, baka naman bigla kang umuwi dahil sa nalaman mo?” tanong ng OIC sa akin pero ngumiti lang ako.

“Hindi naman mang-aano yun.” singit naman ng Dj. Hindi na lang ako sumagot sa kanila at sa halip ay bigla na lang naiba ang usapan na parang normal na lang sa kanila ang ganoong pangyayari.

*******************

Lumipas pa ang ilang linggo simula nang unang maranasan ko ang ganoong pangyayari sa bar na iyon. Doon ko na lang din nalaman ang kwento ni Kuya Roger; ang namatay na waiter na rito pala sa mismong bar siya inatake ng high blood at eksakto pa na walang nakakita dahil madalas tumambay ang lahat sa baba ng bar habang wala pang costumer.

Oras na ng trabaho, nagsimula nang magdatingan ang mga costumer upang manood sa show ng mga nakahubad na patpating mga lalake na tinatawag nilang “macho” dancer.

Habang nagseserve ako ng drinks para sa costumer at itinable niyang dancer ay naroon naman ang floor manager namin na si Mami Annie at nakikipagkwentuhan din sa costumer. Natapos na ang first set ng show at kasalukuyang nasa intermission number daw ang show na puro tugtog lang para palipasin ang oras ng mga costumer.

Habang kumukuha ako ng ice tube para sa mga costumer ay may nadinig akong sumigaw, hindi ko lang iyon pinansin at sa halip ay nagpatuloy lang ako sa gawain ko. Pagbalik ko sa table ng costumer ay inilapag ko ang ice bucket sa mesa at napansin kong naroon sa gilid nakaupo ang dalawang dancer kasama si Mami Annie at ang isa pang floor manager na si Mami Nickie. Wala naman akong ibang gagawin dahil tatlong table lang ang pinag-serve-an ko.

“Sino 'yung sumigaw?” Bungad kong tanong sa kanila habang lumalapit ako. Nakita ko si Mami Annie na hindi maipinta ang mukha habang si Mami Nickie naman ay nakakapit sa braso ni Mami Annie.

“May nagpakita kay Mami.” sagot ni Adrian.

“Tang-ina kasi si Kuya Roger, nagtatarabaho ako.” Inis na sabi ni Mami Annie. “Magpapakita na lang sa tabi ko pa.”

Isa si Mami Annie sa mga naka-abot pa sa namatay na waiter kaya kilalang kilala niya ito. “Baka namiss ka lang Mami.” Biro naman ni Marvin.

“Tang-ina, ano mami-miss niya sakin? 'Dun siya sa asawa niya dumalaw 'wag sakin.” sagot naman ni Mami Annie. “Ang ganda-ganda ng kwentuhan namin ni Jack bigla na lang magpapakita.” Jack ang pangalan ng costumer na kakwentuhan ni Mami Annie.

Ayon sa kwento ni Mami Annie, nagkukwentuhan sila ni Jack habang nagpunta sa cr ang table niyang dancer ay nagpakita raw si Kuya Roger na nakaupo ilang silya lang malapit sa kanya. Sa kanya pa raw nakatingin ang namatay na waiter kaya hindi niya napigilan ang mapasigaw. Maging ang costumer ay nagulat sa biglaang pagsigaw ni Mami Annie pero mabuti na lang daw nakabalik na si Jc na ka-table niya kaya napigilang umuwi.

Nang gabi ring iyon ay naging usapan na rin namin ang iba pang mga nagpapakita sa mismong bar na iyon na siya ko ring ikinagulat dahil maging ang mga dancer at costumer ay nagkaroon na rin ng kanilang sariling karanasan sa mismong bar na ito.

Sa ngayon iyan lang ang maikukuwento ko patungkol sa waiter na namatay liban pa sa ibang karanasan na mismo kong na-experience habang mag-isa ako sa trabaho at nang magresign ang kasama kong waiter.

Wakas

Paranormal True Stories- Ang malikot na imahinasyonTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon