Iba ang dilim na dulot ng gabi. Nakatago ang buwan na lalong nagpatingkad sa ningning ng mga butuin. Maganda. Siguro'y matutuwa ang sinumang nabibighani sa hiwaga ng kalangitan sa pagsapit ng takipsilim.
Nandito ako ngayon sa ikalawang palapag ng tahimik naming tahanan. Isang linggo na din ang nakalipas. Pinagmamasdan ang hiwagang noo'y humalina sa akin. Minsan ding akong humanga sa misteryong dala ng gabi. Minsan, naging kasiyahan ko rin ang liwanag na binibigay ng bituin sa langit tuwing wala ang buwan. Dati. Nagbalik tanaw ako sa mga alaalang nagbigay ng labis na kasiyahan at di maipaliwanag na kalungkutan sa akin hanggang sa mga panahong ito.
Si Ashli. Nangingiti ako sa tuwing naalala ko sya. Halos sampung taon din pala. Ang bilis ng panahon. Parang kailan lang ng dumating sya sa buhay ko. Isa sya sa mga ipinagpapasalamat ko na nagkaroon ako. Naging malaking parte na sya ng buhay ko sa mga nakalipas na taon. Isa sa mga libangan namin ang panunuod sa paglalim ng gabi. Palagi kong sinasabi sa kanya kung gaano ako namamangha sa langit tuwing gabi. Titingin lang sya sa akin na tila sinasabing walang magandang lugar kung wala sya roon. Tila ba sinasabi nyang, "oo maganda nga, pero mas lalong gumaganda kasi katabi mo ako." Tama sya. Lalong gumaganda ang paligid kapag nakikita ko sya doon.
Masasabi kong isa sya sa mga kaligayahan ko. Kabilang ako sa mga taong sanay na sa pag iisa. Kaya kong di makipag usap sa iba. Nang dumating nga si Ashli sa amin, naalala ko pa ang takot sa mga mata nya sa unang paghaharap namin. Sa paglipas ng araw, nakasanayan na din namin ang isat isa. Siguro'y magkatulad kami, may dinadalang kalungkutan. Nahanap namin ang kalinga sa isat isa. May mga araw na maglalaro lang kami at kuntento na sa presensya ng isat isa.
Nakakatawa na sa oras ng pagkain, di ako nanghihinayang sa pagkaing di ko mauubos dahil kakainin nya yon. Mas malusog pa nga ata sakin yon eh. Sya kumakain ng gulay na di ko kinakain. May isang pagkakataon naman na naabutan ko syang kumakain ng tsokolate habang nanunuod ng t.v. Nagalit ako sa kanya dahil bawal sa kanya yon pero nagkaayos din kami dahil di ko matiis ang lungkot sa kanyang mukha. Ang sarap balikan ng mga alaala. Maaaring magbago ang nararamdaman ng tao pero hindi ang alaala.
Napabuntunghininga ako sa pagputol ko sa aking pagbabaliktanaw. Tumayo ako at pumasok sa aking silid. Sumasabay sa aking kalungkutan ang dilim ng gabi. Tanging ang liwanag mula sa poste sa labas ang tanglaw ko sa aking silid. Hindi ko na binuhay pa ang anumang ilaw. Tiningnan ko ang paligid ng aking silid. Ganun pa rin ang ayos pagkatapos ng araw na iyon. Siguro nga ay mamimiss ko ito. Ang silid na naging saksi sa aming sampung taong gabing pagsasama.
Hinawakan ko ang unan na huling ginamit nya bago sya tuluyang magpaalam. Ayokong umiyak. Alam kong ayaw nya yon. Ang silid na ito ang magiging saksi. Binuksan ko ang drawer at kinuha ang hiringgilyang may laman ng dahilan ng pagpikit ng kanyang mga mata at tuluyang paghinto ng pagtibok ng kanyang puso. Ang puso ng mahal kong si Ashli.
Sa huling pagkakataon, tiningnan ko ang larawan naming magkasama na kinunan noong huling kaarawan ko. Kasabay ng pagbagsak ko sa sahig ang paghulog ng sulat ko para kay mama. Tama ka Ashli, walang magandang lugar na di ka kasama. Malungkot mag isa. Kaya sasamahan kita.