Ang Liwanag

12 0 0
                                    

Naalimpungatan ako dahil sa malamyos na tinig na bumibigkas sa aking pangalan ng paulit-ulit. Sa pakiwari ko ay nasa malapit lamang ito at binubulungan lamang ako. Ngunit ng idilat ko ang aking mga mata ay mag-isa lamang ako. Nag-iisa sa lugar na iyon.         
Iginala ko ang tingin sa paligid. Nagtataasang mga damo at puno ang tanging naaaninag ko. Madilim ang langit. Walang buwan o mga bituin na maaaring maging tanglaw ko.         
Sinimulan kong maglakad. Walang kasiguraduhan sa daang aking tinatahak. At habang tumatagal ay tila lalong dumidilim ang paligid.         
Lalong lumalamig.          Nakabibinging katahimikan.          Halos marinig ko na ang pintig ng aking puso. Bumibilis, lumalakas ang pagkabog niyon.          Hanggang sa isang puting bagay ang napansin ko. Naroon marahil ang labasan.         
Tinahak ko ang direksyong kinaroroonan ng nakita ko. Nang maramdaman kong tila may sumusunod sa akin. Tumigil ako at pansamantalang nakiramdam.         
Nakarinig ako ng mga kaluskos.         
Binalot ako ng takot ngunit pinilit kong maging kalmado. Nilabanan ko ang kilabot na unti-unting gumagapang sa aking buong pagkatao.         
Ipinagpatuloy ko ang paglalakad. Nagpatuloy din ang mga kaluskos. Palakas ng palakas, palatandaan na malapit na iyon sa akin.          Unti-unti kong binilisan ang aking paghakbang. Hanggang sa namalayan kong tumatakbo na ako. At nararamdaman ko pa ring may sumusunod sa akin. Ngunit hindi na kaluskos ang naririnig ko kundi mga yabag. Paisa-isa ngunit mabibigat na hakbang.    
Ang pakiramdam ko ay nasa likod ko lamang iyon at anumang sandali ay aabutan na ako.          Napapagod na ako sa pagtakbo. Ngunit parang hindi nababawasan ang distansya ko patungo sa labasan. Pabilis at palakas na din ng palakas ang mga yabag sa aking likuran.         
Naglakas loob akong lingunin iyon. Kadiliman. Wala akong nakikitang kahit ano ngunit ramdam ko ang sumusunod sa akin. Nang muli akong humarap ay isang malakas na kalabog ang aking narinig at isang nakakasilaw na liwanag ang bumulaga sa akin.         
Ilang beses akong kumurap kurap upang sanayin aking mga mata sa liwanag. Naiwan ko palang bukas ang ilaw sa aking kwarto.           “Tanghali na! Male-late ka na sa trabaho!”, sigaw ni Nanay bago muling kalampagin ang pintuan ng aking kwarto. Iyon marahil ang kalabog na narinig ko kaya ako nagising.         
Mabilis pa din ang tibok ng aking puso at dinig na dinig ko ang malakas na pagpintig niyon.  Para pa din akong naghahabol ng hininga.         
Mabigat man sa kalooban ko ngunit bumangon pa din ako. Dahil gaya ng sabi ni Nanay, male-late ako sa trabaho.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Oct 26, 2017 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Ang LiwanagTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon