"SINO" bang sinisilip mo diyan?”
Mula sa pagdungaw sa ground floor ng school building habang mahigpit na nakahawak sa balustre ay napilitang mag angat ng tingin si Melody. Natigilan siya nang makita ang nagtatakang tingin sa kaniya ng apat na kaibigan.
“Ano kasi—” napakamot siya sa leeg at wala nang nagawa pa nang magtawanan ang mga kasama niya. Napalabi naman siya at inirapan ang mga ito.
“Tinamaan ka na sa nerd na lalaking iyon,” buska ni Nancy sa kaniya. Namula ang mga pisngi niya sa narinig.
Simula unang taon pa lang sa kolehiyo ay mga kaibigan at kaklase na niya ang mga ito. Kahit naman mga kilalang maldita at playgirl ng campus ang apat ay mababait pa rin ang mga ito. Saksakan nga lang ng pasaway kung kaya palaging napapagalitan ng mga professor nila.
Si Nancy ay hindi nawawalan ng boyfriend. Sa pagkakaalam niya ay may mga naging boyfriend din ito sa ibang university. Anak ito ng isang mayamang Chinese businessman kung kaya malakas ang kapit nito sa eskwelahan nila. Si Madisson naman ay mas matanda sa kanila ng dalawang tao. Matagal na dapat itong nakagraduate kaya lang ay ilang beses itong bumagsak. Anak naman ito sa labas ng isang senador ng bansa. Sila Evira at Elvie ay kambal na pareho ring mga pasaway at sakit ng ulo ng mga magulang. Maliban kasi sa parehong playgirl ang dalawa ay may pagkachainsmoker pa ang mga ito.
Naging kaibigan niya ang mga ito dahil kahit noon pa man ay tinutulungan na niya ang apat pagdating sa paggawa ng mga projects at assignment nila. Marunong naman siyang magdala ng sarili kaya kahit hindi maganda ang tingin dito ng mga tao sa campus nila ay hindi siya kailanman nagpadala sa pang aakit ng mga ito na gumawa ng mga bagay na alam niyang ikapapahamak niya. Kahit mga pasaway ay importante pa rin sa kaniya ang mga kaibigan niya.
“Ganoong lalaki ba ang gusto mong maging first boyfriend mo, Mel? Baka magsisi ka dahil ang mga katulad niyang nerd ay malamang na boring sa kama.”
“Ano ka ba!” pinanlakihan niya ng mga mata si Nancy. Nagtawanan naman sila Madisson na para bang walang ibang naglalakad sa hallway na tinatambayan nila na maaaring makarinig sa mga ito. “Naaawa lang naman ako sa kaniya kasi nga mas grabe ang effort niya pagdating sa pag aaral. Alam ba ninyo na isang oras lang halos ang tulog niya sa isang araw?”
“Hindi naman imposible iyon dahil mahirap ang kurso niya. Ang alam ko kasi pagkagraduate niya ngayong semester ay kukuha naman siya ng medisina.” Singit ni Elvie. Kung tsismis lang ay palaging updated ang kaibigan. Hindi niya alam kung bakit pagdating sa mga tsismis ay mabilis itong makasagap. Alam nga nito kung sino ang mga estudyante na nakikipagrelasyon sa ibang professor nila.
“Magdodoktor pala siya,” hindi niya mapigilan ang mapangiti. Naghagikhikan ang mga ito nang makita ang reaksiyon niya. Napaigtad siya nang sikuhin siya ni Evira. Si Madisson naman ay tumatawang inakbayan siya.
“In love na nga si miss good girl, pagpustahan natin gusto mo? Alam naman namin na palagi mo siyang nilalapitan at palagi ka rin naman niyang nirereject. Kaunting tiyaga lang at kapag napasagot mo siya ay may regalo ka sa amin.”
“Ayoko nga, baliw!” nakasimangot na tinabig niya ang kaibigan. Pagdating sa pakikipagpustahan ay eksperto na ang mga ito. Ilang lalaki na ang nahulog sa bitag ng apat at bandang huli ay masasaktan lang sa oras na nalaman na pinagpustahan lang pala ang mga ito. Ayaw niyang maranasan ni Train ang naranasan ng ibang lalaki sa mga kamay nila Nancy. Maisip pa lang niya iyon ay parang mas siya na ang higit na nasasaktan.
“Minsan lang ‘eh,” ungot ni Madisson.
“Basta ayoko, ilang beses ko bang sasabihin sa inyo na hindi ako sasama sa mga ganiyang kalokohan ninyo.” Reklamo niya.
BINABASA MO ANG
LOVE FOR HIRE (COMPLETED)
RomanceItinuturing na isa sa pinakamaganda at matalino sa campus si Melody kaya hindi na nakapagtataka na magulat ang lahat ng maging malapit siya kay Train. May pagka-introvert at nerd kasi ang lalaki na kabaliktaran naman niya. Pero sa kabila ng lahat n...