Written by: maywardism
---
A/N: i'll be using tagalog this time para mas feel lol. Sorry for typo & grammar errors. Feel free to ask questions if confusedt.
---
"TELL me..."
Mahabang katahimikan ang namayani sa pagitan nila at tanging mga mahihinang paghinga lamang ang maririnig sa kwartong kanilang kinaroroonan.
Mariin niyang tinitigan ang dalagang nasa harapan niya habang hinihintay na bumuka ang bibig nito upang sumagot sa nakabinbin niyang pabor. Kahit na isang maliit na lamesa lamang ang naghihiwalay sa dalawang upuan na kanilang kinauupuan ay mararamdaman ang tensyon na unti-unting sumisidhi sa paglipas ng bawat segundo.
Sa kabilang banda, ang dalaga ay nanatiling kalmado at tikom ang bibig habang hinihimas-himas ang isang charm na nakasuot sa kanyang palapulsuhan. Ang malalalim na tingin ng kanyang mga mata ay nakikipagsabayan sa pagtitig ng binatang bisita. Kapwa nagsusukatan ng tingin. Nagpapakiramdaman. Naghihintay.
Umayos ng upo ang babae at pinasadahan ng tingin ang pigura ng lalaki mula ulo hanggang paa. Nakasuot ito ng itim na sapatos, slacks na hapit sa kanyang mga biyas, at puting long sleeves na nakabukas ang unang butones at nakatupi ang sleeves dala marahil ng kainitan na nararamdaman dulot ng tensyon at kuryosidad.
Napaawang ang bibig ng binata nang makita ang pagtitig ng dalaga sa kanya. Nakangiti ito sa kanya ngunit sa hindi malamang dahilan ay hindi niya maramdaman ang kasiyahan nito. Iba ang pakiramdam niya sa pagsilay ng ngiting iyon. Tila ito'y nagbibigay ng isang selyadong mensahe na hindi niya mabuksan. Tila ito'y naglalaman ng mumunti ngunit malalim na sikreto. Tila ito'y nagbababala.
"Anong gusto mong malaman?"
Nanlamig ang kanyang katawan nang marinig ang tinig ng dalaga. Napakakalmado niyon ngunit nakakapanindig-balahibo ang timbre at lalim nito. Nagsimulang magpawis ang kanyang mga palad kasabay ng pagbilis ng tibok ng puso niya.
Tila nawala sa kanyang isipan ang tanong ng dalaga kaya't tinawag nito ang atensyon niya. "John?"
Mabilis na bumalik ang kanyang diwa at agad na nag-angat ang tingin sa dalaga. Sa hindi malamang dahilan ay napako ang kanyang titig sa mga mata nito na parang na-magnet. Ang bilog sa mga mata nito'y kasing-itim ng tinta at ang mga titig nito pabalik sa kanya ay singlalim ng balon. Katulad ng ngiti nitong nakasilay pa rin sa kanyang mga labi, walang mababakas na emosyon dito.
Kasabay ng pagdampi ng mahinang ihip ng hangin sa kanyang tisoy na balat ay ang pagsayaw ng mahabang buhok ng dalaga na panaka-nakang tumatakip sa mukha nito.
Sa paghawi ng dalaga ng kanyang buhok patungo sa likuran ng tenga ay nasilayan niya ang kagandahang taglay nito. Sa ilang minutong pagharap niya sa babaeng ito, ngayon niya nakita ang kanyang hinahanap. Hindi lang espesyal na kaibigan simula ng kanilang kabataan, kundi ang nag-iisang tao na pinangakuan niya ng wagas na pagmamahal sa kanilang pagtanda.
"Dale..."
---
Hawak-hawak ang dalang mga bulaklak, umupo siya sa tabi ng babaeng mag-iisang taon na niyamg nililigawan. Hindi niya iniinda ang katagalan ng sagot nito, bagkus ay nakatuon siya at nananabik sa pagdating ng panahon na makakamit niya ang matamis nitong oo.
Walang araw na hindi niya ipinakita at ipinaramdam ang kanyang pagmamahal sa dalaga. Lagi niya itong dinadalhan ng pagkain, bulaklak at tsokolate na naging back-up niya sa panliligaw. Lagi niya rin itong hinahatid-sundo sa pagpunta ng eskwelahan at pag-uwi sa bahay. Legal din sa pamilya nito ang kanyang ginagawang panliligaw kung kaya't labis ang kanyang kasiyahan dahil wala siyang naging problema. Ang tanging hinihintay na lang niya ay ang pagbibigay ng dalaga ng buong puso nito sa kanya. Hindi na siya makapaghintay.
YOU ARE READING
MES: Trick or Treat
Fiksi PenggemarWill it be trick or a treat? A Halloween special written by MES. Enjoy!