Ilang taon ko na rin siyang pinagmamasdan. Kahit sa malayo lang, buo na ang araw ko pag nakikita ko siya. Tuwing hapon, bago ako uuwi sa amin. Pumupunta talaga ako dun sa lugar namin. Para lang masulyapan ang kanyang ganda. Para makita yung mga ngiti niyang walang kasing tamis. Para masaksihan ang pag kislap ng kanyang mga mata. Para marinig ang tunog ng kanyang mga tawa. Na para bang isang malumanay na kanta. Yung tipong tagos sa pusong tawa. Ilang taon na rin ang nakalipas nang una ko siyang nakita.
Agosto 8, 2014. Yan yung araw na una ko siyang nakita. Sa isang cafe na napag-tripan ko lang bisitahin. Nasa tago kasi itong lugar, hindi masyadong kapansin-pansin. Kung kaya't napaka-payapa at tahimik na lugar. Ewan ko kung paano at kung bakit ako napadpad doon. Pero nagpapasalamat ako sa tadhana, kung bakit niya ako dinala doon dahil nakita ko siya. Nakita ko siya sa isang sulok, tahimik na nagbabasa.
Simula nung araw na iyon, araw-araw na akong bumabalik doon. Nagbabasakaling makita ko siya muli. At hindi nga ako binigo ng tadhana. Nakita ko na naman siya. Nagpaulit-ulit ang ganoong gawi ng ilang araw, linggo, buwan hanggang sa umabot sa taon. Sa isang taon na yun, ilang beses kong sinubukang magpakilala sa kanya, kahit man lang para maging kaibigan niya. Pero hindi ko kaya eh. Nanginginig yung tuhod ko pag sinusubukan kong lumapit sa kanya. Sa isang taon na yun, parang nasanay na lamang din akong pagmasdan siya sa malayo. Nakuntento na lang din ako sa kung anong meron kami ngayon.
Isang araw, dinala ko yung kaibigan ko sa cafe. Ipinakita ko sa kanya yung babaeng bumihag sa aking puso. Pero may nangyaring hindi ko inaasahan. May biglang lumapit na lalaki sa kanya at nagpakilala. Nasaktan ako. Parang nabato ako sa aking kinauupuan. Parang ayaw makapaniwala ng sarili ko sa aking nasaksihan. Tumatawa siya kasama ang lalakeng yun. Masaya siya habang kasama niya yung lalakeng yun. Simula nun, nakaramdan ako ng inggit. Inggit dahil dapat ako yung kasama niya. Dapat ako yung nagpapatawa sa kanya.
"Pare, kung mahal mo talaga. Tigilan mo na yang pagiging torpe mo. Hindi mo siya makukuha sa patingin-tingin lang. Lapitan mo pre. Kausapin mo. Kunin mo yung loob niya. Bago ka pa maunahan ng iba jan." sabi niya sabay tapik sa aking likod.
Oktubre 21, 2015. Ito yung araw na napagdesisyunan ko sa aking sarili na kausapin siya. Na lapitan siya. Na ipakita sa kanya na mayroong "ako" sa mundong kanyang ginagalawan. Salamat na man sa Diyos at pabor sa akin ang tadhana. Nasa isang sulok pa rin siya ng cafe. Sa paborito niyang pwesto. Mag-isa at may binabasang aklat. Dahan dahan akong lumapit sa kanya, sa bawat hakbang ko papalapit sa kanya ay ang lalong paglakas ng pintig ng aking puso na nakakadagdag sa kaba na aking nararamdaman. Nasa harapan na niya ako. Nakatingala siya akin. Nagtataka. Nasabi ko nalang sa sarili ko na wala ng atrasan ito.
"Ahm. Hi! Ako nga pala si Gabrielle. Gab na lang para madali. Pwede bang maki-share?" pa-cool na pagpapakilala ko sa kanya. Pero sa loob-loob ko, para na akong sasabog sa kaba.
"Ah oo naman. Ako nga pala si Samantha. Sam na lang din para madali." nakangiti niyang sambit
Ito na siguro yung sinasabi nilang mga paru-paru sa tiyan. Kung pwede lang sigurong matunaw na ako dun sa ngiti niya. Matagal na akong nalusaw. Ang saya lang sa pakiramdam na nagawa ko na ding magpakilala sa kanya.
Lumipas ang ilang araw na ganun. Makikiupo ako sa pwesto niya. Konting usap. Konting tawanan. Konting ngitian. Hanggang sa umabot na sa puntong hindi ko na kayang ilihim pa sa kanya ang nararamdaman ko. Siguro naman may pag-asa na ako nito. Napapatawa ko naman siya. Masaya naman siya habang kasama ko siya. Binibigyan niya din naman ako ng oras at atensyon niya. Ano pa bang kulang? Siguro naman nahulog na din yung loob niya sa akin. Ramdam ko naman na may halaga na din ako sa buhay niya. Napapansin niya rin naman siguro na may nararamdaman ako para sa kanya. Halata naman eh.
Kung kaya't napagdesisyonan kong umamin. Ito na yung araw na isusugal ko na lahat. Ilang minuto nalang, parating na siya. Makikita ko na siya. Kinakabanahan ako. Pero sabi ko nga "Wala na talagang atrasan ito." Nakita ko siya. Papalapit na siya sa akin. Nakangiti siya. Ang ganda niya pa rin, walang kupas.
"Gabby! Pasensya na. Masyado ba akong natagalan? Trapik kasi eh." malumanay na pagpapaliwanag niya.
Sa isang taon naming pagiging kaibigan, binansagan na niya akong Gabby. Rason niya pa noon, "Ang cute lang kasi talaga pakinggan. Gabby?"
"Ano ka ba Sammy! Okay lang. Tara order na tayo?"
Patapos na yung gabi namin, pauwi na kami sa kanila. Hinahatid ko kasi talaga siya parati.
"Ahm Sammy. May sasabihin sana ako sayo." nahihiyang pahayag ko sa kanya
"Ano yun?" nakangiti niyang tanong. Ang inosente niya tingnan
"Sammy. Mahal kita. Matagal na. Ramdam mo naman siguro diba?"
"Hindi. Gabby nagkakamali ka yata. Sorry. Parang kapatid na kasi yung tingin ko sayo. Ayokong masira yun." malungkot niyang sambit. Sabay alis sa aking harapan.
Iniwan niya akong nakatulala. Paulit-ulit sa aking isipan yung mga katagang sinabi niya yung gabing yun. "Hindi" Ayaw niya sa akin. "Hindi niya ako mahal." "Hindi ako yung para sa kanya." "Hindi pala ako yung nakatadhana sa kanya." "Hindi pala pag-ibig ang ipinapakita ng iyong mga mata." "Hindi pala talaga tayo para sa isa't-isa." Guni-guni ko lang pala ang lahat. Akala ko meron nang namamagitan sa amin. Akala ko lang pala ang lahat. Sa huli, nakaya niya akong tanggihan.