"Kaya ko"

1.6K 13 2
                                    

Kaya kong igawa ka ng tula,
Kaya kong ipinta ang iyong mukha gamit lamang ang itim at puting salita. Kaya kong ilarawan ang iyong ganda at gamitin ang panulat kong may makulay na tinta. Kaya kong idibuho ang bawat detalye ng iyong pagkatao kahit ang pinakamaliit at 'di na nakikita. Kaya kong igawa ka ng tula kahit pa sa paraang patalata.

Kaya kong isulat ka ng kanta,
Kaya kong ihabi ang iyong mga ngiti sa loob ng lirika,
Kaya kong punasan ang mga luha mo at iukit sa mga letra,
Kaya kong punuin ang libo-libong papel ng walang humpay na pagsinta, Kaya kong isulat ka ng kanta kasama ang himig ng matamis mong pagtawa.

Kaya kong lumikha ng apoy sa ilalim ng karagatan,
Yung tipong hindi namamatay at pangmatagalan,
Kaya kong sunugin ang yelo na hindi natutunaw,
Pati titigan ang araw na 'di man lang nasisilaw.
Kaya kong sumabay sa bawat kampay ng hangin sa lupa,
Idagdag mo na ang pagpapaamo ng nanlalapang tupa.
Kaya kong nakawin para sayo ang mga kumikinang na tala,
Kahit pa ako ay magkasala kay Bathala.

Sabihin mo nang imposible pero kaya ko.
Kaya kong mahalin ka na hindi kayang sukatin ng mga numero—
Kaya kong totohanin ang mga katagang akala mo lang ay biro,
Kaya kong tuparin ang pangakong kailan man sayo'y 'di ako susuko.

Kaya ko. Oo. Kakayanin ko.

Subalit mahal kita at kaya ko—
Kaya kong palayain ka kung gugustuhin mo.
Kaya kong pakawalan ka kung ayaw mo na sa piling ko.
Kaya kong magkunwari na ayos lang ako sa iyong paglayo—
Kaya kong magpakatangang ihatid ka pa sa kanya bago ako humayo.

Dahil sinta, mahal kita at kaya ko.
Kaya kong magpanggap na masama para isipin mong hindi ka nagkamaling pinili mo siya. Kaya kong saluhin ang lahat ng masasakit na salitang sasabihin nila, Kaya kong akuin na ako ang may sala.
Wag ka lang malulumbay.
Tumawa ka lang ng walang humpay,
Kahit na siya ang dahilan,
Kahit ako'y iyong kinalimutan,
Basta masaya ka,
Walang problema.

Sapagkat Mahal, mahal na mahal kita sa puntong kaya kong humanap ng iba. Humanap ng iba at magpanggap na masaya.
Nang' di ka magdadalawang isip na iwan ako't sumama ng tuluyan sa kanya. Para 'di mo ikintal sa iyong ulo na napakasama mo na,
Dahil, mahal kita at hindi ko kakayaning ikaw ay lumuha.

Hindi. Hindi ko kaya. At kailan ma'y 'di ko makakaya.
Mabuting ako ang magdusa,
Mas mabuting ako lang ang magluksa
Mas mabuting ako ang masaktan,
Mas mabuting ako nalang...
Ako nalang... Ako nalang ang maiiwang luhaan.

Kaya, sige na. Umuwi ka na sa kanya.
Dahil ito na ang huling talata nitong tula.
Nawa'y iyong naibigan ang aking inilathala.
Ngumiti't wag mag-aalala,
Bagamat wala ng tayo,
Wala nang nabuong sa pagitan ng mga salitang ikaw at ako,
Patuloy kitang igagawa ng tula,
Patuloy ang pagpipinta ko sa iyong magandang mukha,
Hindi titigil sa pagsulat ng kanta,
Dahil sa bawat hitmo at indayog ng aking puso ikaw ang nota.

Spoken Word PoetryWhere stories live. Discover now