CHAPTER 4

5.7K 133 4
                                    

“Basta bebe ha, sabihin mo kay doc pogi kung ano ang masakit sa'yo. Magaling na doktor iyon kaya alam kong gagaling ka agad.”

“Ate, may pera ba talaga tayo?”

“Oo naman!” mabilis na sagot ni Melody.

Natawa siya nang mapansin ang pagtataka sa mukha ng anim na taong gulang na paslit na si Maymay. Kapitbahay niya ito at parang kapamilya na rin ang turing niya. Ulila na ito sa mga magulang at tanging ang lola na lang ang kasama sa bahay.

May sakit ang lola ni Maymay kaya siya na ang nagprisinta na dalhin ang paslit sa doktor. Binigyan naman siya ng limandaang piso ng matanda para sa pagpapacheck up sa apo. Pero dahil de kalidad na ospital ang pinuntahan nila ay alam nilang hindi sasapat iyon. Gumawa naman siya ng paraan para sa kapakanan ni Maymay at siyempre para na rin sa pangsariling interes niya.

Siya na lang ang bahalang magdagdag sa perang ibinigay ni lola Saleng. Nakuha na niya ang sweldo niya kahapon at magtitiis na muna siyang huwag kumain sa Jollibee ng isang buwan. Hindi na rin muna siya bibili ng cd para makatipid. Mabilis naman ang internet sa computer shop ni manang kupal kaya maglalagay na lang siya ng mga movie sa cellphone niya para may libangan siya sa gabi.

Goodbye Kdrama. Magkikita rin tayo next month. Naisaloob niya.

Habang nakaupo sa tabi niya ang bata ay kontentong inililibot niya ang mga mata sa buong clinic ni Train. Nasa loob iyon ng Quintalla General Hospital. May kalahating oras na rin silang naghihintay dahil maraming pasyente ang mga kasabay nila. Nang tawagin ng nurse ang pangalan ng pasyente niya ay daig pa niya ang biglang ineject sa upuan dahil sa pagmamadali niyang tumayo. 

Panay ang kabog ng dibdib niya nang pumasok sila ni Maymay sa silid kung saan naroon ang opisina ni Train. Bumilis ang paghinga niya nang makita ang binata sa mesa nito at nakayuko habang may isinusulat sa maliit na papel.

Oh my heart! Hayun na naman ang mabilis na tibok ng puso niya. Ayaw na naman niyong magpaawat sa pagwawala dahil lang nakita niya ang binata.

“Hi, good afternoon—” natigilan ito nang mag angat ng tingin at makita siya.

“Hi,” kahit nanginginig ang panga niya dahil sa labis na kaba ay ngumiti pa rin siya. Wala na rin siyang pakialam kahit mangawit na siya sa pagngiti. Natunaw ang puso niya nang makita ang abuhing mga mata ni Train na nakatutok sa kaniya. Kumurap ang mga matang iyon na para bang gusto siyang tanungin kung bakit siya naroon.

“Anak mo?”

“Ha?” nagulantang siya at nagbaba ng tingin kay Maymay na nakayakap sa baywang niya at parang natakot nang mapansin ang nakakunot noong doktor.

Ikinumpas niya ang kamay at nagpakawala ng pekeng tawa.

“Hindi, kapitbahay ko. Sinamahan ko lang si Maymay dahil may sakit ang lola niya.” Namumula ang buong mukha na sagot niya.
“Ang bait mo namang kapitbahay.” Nakataas ang isang sulok ng mga labi na wika ni Train.

“Ganoon talaga, doc, kailangan mabait tayo sa kapwa natin para matuwa si Lord.” Lumapit na siya sa table nito habang karay karay niya si Maymay.

“Hello, baby,”

Aw shit! My heart ulit… muli na namang natunaw ang puso niya nang dumukwang si Train at ginulo ang buhok ni Maymay.

Bahagya pang tumama ang braso nito sa ilong niya kaya malaya niyang nasasamyo ang mabangong amoy ng katawan nito. Pinigilan niya ang sariling hatakin ang white coat ni Train ng muli itong bumalik sa dating pwesto.

LOVE FOR HIRE (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon