CHAPTER 5 part 1

4.8K 110 3
                                    

"Ang sarap!"

Napapalatak si Train nang makita na kumalat na ang ketchup sa gilid ng labi ni Melody. Kahit siguro marumihan ng ketchup ang ibang parte ng maganda nitong mukha ay wala na itong pakialam pa.

Sinundo niya ito kanina sa kabilang building ng unibersisad para samahan kumain. Siya naman ang nakataya ngayon na manlibre. Wala naman kaso iyon sa kaniya dahil affordable naman ang mga pagkain sa Jollibee. Kung si Melody ang palagi niyang kasama na kakain sa fast food ay hindi siya magrereklamo. Hindi kasi ito maarteng kasama at napakadali pa nitong pangitiin.

Sa halos dalawang buwan na magkasama sila ay masasabi niya na kilalang kilala na niya ito. Madalas kasi silang magkasama lalo na kapag nagpupunta ito sa mall para bumili ng bagong libro. Isa sa natuklasan niya ay ang pagkahilig ni Melody sa pagbabasa ng romance novel. Iyakin din ito kaya madalas na binibiro niya ito dahil kapag hindi maganda ang ending ng librong binasa nito ay sa mga balikat niya ito umiiyak.

"Thank you," nakangiting sabi ni melody matapos niyang dumukwang at punasan ng daliri niya ang dumi sa mukha nito. Hindi niya magawang kumurap habang pinagmamasdan ito. Para itong isang manika na nakangiti sa harap niya at maganang kumakain.

Hindi na siya nagulat nang dumukot ito ng French fries mula sa tray niya at isinawsaw iyon sa chocolate sundae. Nanlaki pa ang mga mata nito nang isubo ang isang piraso ng French fries hanggang sa maging sunod-sunod na ang pagsubo nito at maubos na ang pagkain niya.

"Sorry," kagat labing wika nito.

Natawa siya at itinulak na ang tray palapit kay Melody. Hindi naman siya nagugutom at isa pa ay nagsasawa na rin siya sa mga pagkain sa fast food dahil sa isang branch din ng Jollibee siya nagtatrabaho. Hindi lang talaga niya magawang magreklamo dahil alam niyang paborito ni Melody na kumain sa Jollibee at kahit pilitin niya itong kumain sa ibang fast food ay hindi ito papayag. At saka masaya naman ito doon kaya kontento na siya basta nakikita niya ang masayang ngiti sa magandang mukha nito.

"Sorry talaga, hindi na kami nakapaglunch kanina ng mga kagrupo ko dahil may tinapos kaming activity."

"Okay lang, sino ba naman kasi ang may sabi sa'yo na gawin mo ang trabaho ng mga kagrupo mo. Nagcramming na tuloy kayo."

"Naaawa kasi ako sa kanila kasi si Badeth may sakit ang nanay kaya hindi agad nakatulong sa amin. Iyong iba naman may mga parttime job. Tanong ko lang, masaya ba magkaroon ng parttime job? Gusto kong subukan."

"Huwag na!" mabilis na pagtutol niya.

"Ha?" napakunot noo ito at nagtatakang tiningnan siya. Natigilan naman siya at nahihiyang ngumiti.

"Ayoko lang na magpakapagod ka at saka hindi madaling pagsabayin ang pag aaral at trabaho. Nakikita mo ba ang ilan sa mga schoolmates natin na mukha ng mga zombie."

Umawang ang mga labi nito at biglang napahagikhik. Parang sasabog na naman ang puso na pinagmasdan niya ang bawat paggalaw nito.

"Napapansin mo na rin iyon ngayon? Wow!"

Namula ultimo ang mga tenga niya nang dumukwang sa mesa si Melody at pisilin ang tungki ng ilong niya. Dahil hindi agad ito lumayo sa kaniya ay malaya pa niyang nasasamyo ang mabangong amoy ng hininga nito. Nang bitiwan nito ang ilong niya at bumalik na ito sa dating pwesto ay bumalik na rin kahit paano sa normal na pagtibok ang puso niya.

Pasimpleng hinawakan niya ang ilong. Nakayuko naman si Melody at abala sa pagkain ng French fries kaya hindi nito napapansin na para na siyang tanga na sinasamyo ang naiwang amoy ng palad nito sa ilong niya.

"Nagbago ka na talaga, Train Jose, napapansin mo na ngayon ang mga tao sa paligid mo." Mayamaya ay sabi nito sa kaniya.

Napatango na lang siya. Tama naman kasi ang sinabi nito. Hindi na siya katulad ng dati na sa pag aaral lang nakatuon ang buong pansin. Si Melody ang nagturo sa kaniya na makiramdam at magmasid sa paligid. Nagagalit ito kapag nakikita siyang naglalakad sa hallway at nagbabasa ng libro. Ilang beses na kasi siyang nagkapasa sa katawan dahil palagi siyang nababangga sa mga poste.

"Isa na lang talaga ang hindi nawawala sa'yo, ang salamin mo sa mata." Napangisi ito at dumukwang para agawin ang suot niyang eyeglasses.

Napatuwid siya ng upo nang magsimulang maging malabo ang paningin niya. Napahinga siya ng malalim at kinapa ang dalaga. Nag alala siya nang maramdaman na wala na ito sa harap niya.

"Melody?" tinangka niyang tumayo pero napaupo ulit siya nang may pamilyar at mainit na mga kamay ang humawak sa kaliwang braso niya.

"Nandito ako,"

Ilang beses siyang napalunok dahil sa ng mga labi ni Melody sa kaliwang tenga niya. Pigil niya ang paghinga nang muli nitong isuot sa mga mata niya ang salamin. Parang bigla ay tumakbo pabalik ang oras niya o baka nga tumigil na iyon sa pag andar nang dahan dahan niyang lingunin ang dalaga na nakaupo na pala sa tabi niya.

"Hi." Nagpapacute na kumaway pa ito sa kaniya.

Muling nagkagulo ang sistema niya. Nakalimutan na nga yata niya ultimo ang paghinga nang ikulong nito ang mga pisngi niya sa mainit at malambot na mga palad nito.

"Thank you sa libre." Pinahaba nito ang nguso para gayahin ang hitsura niya habang sapo nito ang mga pisngi niya. Nang magsalita pa ito ay para itong namumuwalan kaya muli na naman siyang natawa.

Alam niya sa sarili niya na unti unti nang sinasakop ni Melody ang buong pagkatao niya. Sa halip na matakot ay parang mas nagugustuhan pa niya ang nangyayaring pagbabago sa kaniya. Madalas na nagigising siya sa umaga na napapangiti na lang siya kapag ang magandang mukha nito ang naaalala niya.

"Bukas ako naman ang manlilibre, saan mo gusto?"

Nanlaki ang mga mata niya. "Seryoso ka ba? Nagsawa ka na ba sa Jollibee?"

Napahagikhik ito. "Hindi iyon mangyayari. Napansin ko lang kasi na hindi ka masyadong kumakain kapag nandito tayo."

"Makita pa lang kasi kita, busog na ako."

"Talaga?" agad na namula ang mga pisngi nito. Tumango naman siya at pinisil ang tungki ng ilong nito.

"Kain ka pa,"

Umiling ito at muling inusog pabalik sa kaniya ang tray.

"Ikaw ang kumain, may trabaho ka pa mamaya." Paalala nito.

Wala na siyang nagawa pa nang subuan siya nito ng French fries at burger. Kung ganoon na palagi siyang aasikasuhin ni Melody ay baka tumaba siya. Palagi kasi nitong sinasabi na kailangan niyang magkalaman para mas bumagay sa kaniya ang height niya.

Sinubuan rin niya ng French fries ang dalaga saka ito tinitigan ng matagal.

"Bakit?" nagtatakang tanong nito sa kaniya. Umiling lang siya at hinuli ang isang palad nito.

"Masaya lang talaga ako."

"Dahil?"

"Dahil sa'yo."

Bumaha ang hindi maipaliwanag na emosyon sa dibdib niya nang lumabi ito at bigla siyang nilagyan ng ketchup sa tungki ng ilong niya.

"Pasaway ka talaga!" gulat na saway niya kay Melody. Kulang na lang ay may kumislap na fireworks sa harap niya nang punuin ng tawa nito ang buong paligid.

Oh heaven!

LOVE FOR HIRE (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon