Migs' POV
Tagay sa kaliwang kamay, chaser sa kanan. Para matagal daw malasing... Sabi nila.
Binilisan ko ang paginom ko kasi biglang nag-vibrate yung cellphone ko. Text. Binasa ko, sabay biglang tayo sa kinauupuan ko.
"Pre, saglit lang ha." Paalam ko kay Makoy sabay tapik sa balikat nya.
Birthday ni Marco, o ni Makoy, kung tawagin ng mga kaibigan namin. Nakasanayan ko na ring itawag sa kanya. Si Makoy ang isa sa dalawa kong bestfriends. 22 na rin sya, kagaya ko.
Bata pa lang kami ay lagi na magkasama. Magkatabi lang kasi bahay namin at magkaibigan din ang mga parents namin. Parang pamilya lang naman talaga kasi namin ang magkapitbahay sa village namin, di naman kasi namin kilala yung ibang nakatira doon. Tsaka, parang walang ibang taong nakatira sa lugar namin. Malalaki at magaganda nga ang mga bahay pero parang mga haunted house naman sa sobrang tahimik. Bihira ka ring makakakita ng mga tao roon. Yung tipong mga sasakyan ang nakatira sa mga bahay. Sasakyan yung lumalabas, sasakyan rin yung pumapasok. Lagi pang nakasarado ang mga pinto at gate nila. Isa pa, parang kami lang talaga ni Makoy yung bata sa village na naaalala kong naglalaro sa labas dati. Merong mangilan-ngilan pero pasulpot-sulpot lang. Teyorya nga namin ni Makoy, baka mga nagaaral sa abroad tapos umuuwi lang kapag bakasyon. Sinubukan naman namin silang kaibiganin nung mga bata pa kami tuwing nakakasabay namin sila maglaro sa park o kaya mag-swimming sa clubhouse kaso talagang medyo mga aloof sila, laging may mga kasamang bantay o yaya. Boring sa lugar namin. Malungkot, as in. Hanggang ngayon.
Mabuti na lang at nagkaroon kami ng mga kaibigan sa labas ng village.
Nandito kami ngayon ni Makoy sa bahay ng kaibigan namin, di masyadong malayo mula sa lugar namin. Dito kami nagse-celebrate ng birthday nya taun-taon kasama ng mga kaibigan namin simula nung natuto kaming uminom. Sa totoo lang, dito rin talaga kami natutong uminom at tumambay maghapon. Nagmo-motor lang kami papunta rito, di naman kasi masyadong malayo sa lugar namin.Napatingin lahat sa akin pagtayo ko.
"Saan punta mo?" Sabay hawak ni Makoy sa braso ko.
"Sunduin ko lang si Ely." Sagot ko.
Nagkangitian ang mga ungas.
"Sino, pre? Si 'Number 2'?" Asar ni Bong na nakapwesto sa kabila ng mesa sa harapan ko. Namumula na si gago, lasing na.
"Oo, si 'Number 2'," baling ko sa kanya, "si 'Bestfriend Number 2'." Sineryoso ko ang mukha ko, yung halos galit para masindak sya.
"At hoy, gago! Kakauwi nya lang galing ng school, wala daw syang kasabay kaya nagpapahintay sayo, eh iniwanan mo naman. Oh, ikaw sumundo." Sabay alok ko ng susi ng motor ko.
Nagtawanan ang lahat. "Sige na, ikaw na lang. Niloloko lang eh. May amats na rin ako," sagot ni Bong, parang napahiya. "tsaka hindi yun aangkas sakin. Sayo lang naman umaangkas yun eh." Sabay yuko. Lasing na talaga.
Pinsan ni Bong si Ely. Malapit din ito sakin, samin ni Makoy. Mabilis lang kasi itong pakisamahan, palakaibigan kasi at masayahin kaya kasama rin namin lagi sya sa mga inuman. Yun lang, sugapa talaga si Bong sa alak at mabilis malasing. Sya dapat ang kasabay ni Ely pumunta rito, magkalapit lang kasi ang bahay nila. Isa pa, hindi rin kasi pinapayagan si Ely ng tatay nya na pumunta sa mga handaan kapag di kasama si Bong o kaya yung kuya ni Ely, si Diko, kasi daw baka maginom sya. Oo, araw-araw liquor ban si Ely kahit 19 na sya. Nagaaral pa kasi. Nadala na ang tatay nila noong nahinto sa pagaaral si Diko dahil sa barkada at bisyo. Kaya yun, pagkain at bonding lang talaga ang laging quest ni Ely.