Nagkamit ng unang gantimpala sa NCR On-The-Spot Essay Writing Contest-Filipino na inorganisa ng National Book Development Board (NBDB) noong ika-5 ng Agosto (2004). Maaari ring mabasa ang akdang ito sa: http://www.nbdb.gov.ph/
"Ok Class, Turn your books to page…."
Eto na naman si Ma’am. Para sa karamihan ng estudyanteng tulad ko, madalas na nakaka-irita ang mga ganitong paulit-ulit na pahayag gaya ng isang sirang plaka. Marahil, para sa mga henyo at “nerd”, isang karangalan ang sundin ang ganitong utos na ito at buklatin nang paisa-isa at dahan-dahan ang bawat maninipis na pahina ng libro, lalo na kung mahihilig silang magbasa. Sila’y yung mga tipo ng taong halos asawahin na ang mga aklat at librong sa araw-araw ay kaulayaw.
Ngunit para sa mga tipo ng estudyanteng talagang walang kahilig-hilig magbasa, lalo lamang madaragdagan ang sakit ng ulo at hapdi sa tiyan dahil wala naman hinihintay kung hindi ang recess at uwian. Kapag sinabi lamang ng guro na, “OK CLASS, OPEN YOUR BOOKS TO PAGE….” lalo lang sisidhi ang kanilang pag-aaklas na kulang na lang ay magdala ng plakards at sakupin ang buong silid sa pagsigaw ng, “AYOKONG MAG-ASAWA NG AKLAT !!!”Sa akin, ayaw ko ring mag-asawa ng aklat.
Sa halos araw-araw na ginawa ng Diyos, hindi ko talaga maiwasang maka-enkwentro ng mga sobra ang pagkahumaling sa pagbabasa. Hayan at makikita mong nakaupo sa isang sulok, naaarmasan ng mga nagkakapalang salamin sa taas ng grado, at halos kainin na ang mukha ng taghiyawat sa sobrang dami. At natural, hindi maaaring mawala ang mga makapal na libro na hindi lamang nagsisilbing babasahin kundi pananggalang din sa init ng araw, patak ng ulan at pang-hampas sa nang-aasar na kaibigan. Sa mga pagkakataong ganito, parang napakasarap magtanong ng “Bakit gustong-gusto mong magbasa?” Anong mayroon ang aklat na wala sa play station, PC o Chessboard? Paanong hindi ka mapapatanong, e kung gaano karami ang nakikita mong nagbabasa ng aklat ay doble naman ang dami ng mga estudyanteng ni ang humawak ng mga workbook at textbook ay pinandidirihan. Lalong ayaw na mag-lakas ng loob na harapin ang masungit na librarian at hiramin ang mga kampon nitong aklat na halos naagnas at nangangamoy lupa na sa tagal ng di pagkabuklat na animo’y nag-aalok ng bulok na kaalaman.
Ayaw talaga nilang mag-asawa ng aklat.
Ngunit talagang ganito ang katotohanan. Ito ang realidad. Wala kang magagawa kundi hanapin ang mga sagot sa mga tanong mo.
Ayon sa mga eksperto, mahaba ang antas sa ating bansa kung patungkol sa pagbabasa. Sa mga pag-aaral, lumalabas na mayorya sa mga pinoy ang walang kahilig-hilig sa pagbabasa. Nangungunang sanhi ay ang katamaran. Sa panig ng mga manggagawa, oras naman ang kalaban. Ang mga ito ang mga pangunahing salarin kung bakit malaking bahagdan ng mga mamamayan ang hindi masyadong “updated” pagdating sa mga current events at general information. Pero kapag mga mismong ang mga eksperto at dalubhasa ang kukuwestiyunin kung gaano kahalaga ang pagbabasa, halos mapapaangat ka sa iyong kinauupuan sa tindi ng kanilang mga tugon. Kapag itatanong kung paano nila narating ang rurok ng kanilang tagumpay, hindi mawawala ang mga pagpapasalamat sa mga aklat. Maliban sa mga magagaling na guro at malulusog na kaalamang kanilang itinuturo, ang pagbabasa ay may napakalaking bahagi sa kanilang pagtatagumpay. Katulad na lamang ni Ka Ernie Baron, na tinaguriang “The Walking Encyclopedia,”. Ayon sa kanya, 75% ng kanyang kaalaman ay mula sa self-study. Paano iyon? Sa pamamagitan ng panonood, pakikinig, pakikiramdam at pagbabasa. Kaya nasaan na siya ngayon? Heto at nasa bisig ng kasikatan at kaunlaran ng buhay.
Kung ganoon, pwede pala akong maging Ernie Baron. Kahit ikaw, siya o tayong lahat ay maaari.
Talagang napakahalaga pala ang pagbabasa. Pusta ako, kahit si Einstein, si Ranier o si Brad Pitt, kilala si Alice in Wonderland. Wala sigurong magtatagumpay na artista, negosyante, manager o maging Presidente ang hindi nakakakilala kina Shakespeare, Chaucer o Antoine De Saint Exupery. Hindi nila makakamit ang kanilang kaunlaran ngayon nang hindi nagdaraan sa bahay ng Wicked Witch, nang hindi nilalakbay ang Neverland o nang hindi nakahahalubilo sina C.S. Lewis, Charles Dickens, Mark Twain at Louisa May Alcott. Kilala rin kaya nila sina Irving Wallace at Irving Washington? Marahil.Inasawa kaya nila ang mga aklat?
Naku, hindi lang pala napakahalaga ng pagbabasa. Kailangang-kailangan din pala ito sa buhay. Nakakahiya, kapag tinatanong ka ng isang Nursery o Kindergarten pupil kung kilala mo si Ugly Duckling ay sumagot ka ng hindi. Pangarap mo pa namang maging Engineer, Scientist o Presidente.
Medyo nakatatakot dahil kapag hindi mo binuklat ang aklat at pag-aralan ang mga noun, verbs, adjectives, adverbs, at conjunctions o di kaya’y ang Force, Mass at Gravity o ang KKK, Rebolusyon at Ekonomiks ay tunaw ang pangarap mong House and Lot with matching Ford Expedition. Mas lalong nakatatakot dahil maaaring ang isa sa inaasar mong “Nerd”, “Adik” sa pagbabasa o “Boy Libro” ang maging susunod na Edison, Ernie Baron o Gloria Macapagal-Arroyo!
Nakakatakot din kapag isa sa kanila ang maging manager sa opisinang pinagtratrabahuhan mo. Kaya buklatin mo na iyang Webster’s Dictionary sa kabinet ninyo, dahil ako, hindi magpapahuli o magpapatalo.
Ano kaya ang magiging hinaharap ko? O ng ating bayan? Tiyak kapag ang tinatanong mo ay isang eksperto, isasagot nito’y “tanungin mo ang libro.”
Kausapin mo ang aklat at ika’y paglilingkuran ng tapat. Tama, kapag ang bawat Pilipino’y may hawak-hawak at binabasang aklat, baka mas moderno at angat tayo kaysa Japan o Amerika, walang magpapalaboy-laboy at lahat tayo’y ala-Ernie Baron.
Marahil, ito ang dahilan sa likod ng NBDB, National Bookstore o ng komersiyal sa Telebisyon na “Read More, Be More.”
Nakamamangha ano? Kaya ako, nais ko na ring sabihing,
"GUSTO KONG MAG-ASAWA NG AKLAT!!!"
Source:
— Jan Hanzel M. Isirani
Ang Mandaragit
New Era High School - School Paper
More:
http://tugade.tumblr.com/
http://findingheaven.tumblr.com/
http://edagut.blogspot.com

BINABASA MO ANG
Gusto kong Mag-asawa ng Aklat
РазноеNagkamit ng unang gantimpala sa NCR On-The-Spot Essay Writing Contest-Filipino na inorganisa ng National Book Development Board (NBDB) noong ika-5 ng Agosto (2004). Maaari ring mabasa ang akdang ito sa: http://www.nbdb.gov.ph/ Source: Jan Hanzel M...