"Dahil ang tanging panalangin ko ay ikaw..."
Buong emosyon mong kinanta ang huling linya ng kanta. Ngayon, kinakabahan kang nakatayo sa harapan niya habang bitbit mo ang iyong itim na gitara sa kaliwa mong kamay at inabot ko naman sa iyong kanang kamay ang isang pumpon ng rosas.
Pinapalibutan na kayo ng mga kapwa natin estudyante na katulad ko ay nag-aabang din ng maaaring mangyari.
"Happy Anniversary, Mahal ko!" Bati mo sa kanya at saka mo iniabot ang bulaklak na kanina'y hawak ko. Kinuha naman niya agad ito na may ngiti sa kanyang labi at walang pag-aalinlangan mo siyang niyakap.
May iilan na kinilig. Yung iba naman ay binabati kayo at halatang masaya para sa inyo.
Kasabay ng iyong pagyakap sa kanya ay kirot naman na aking nadarama.
Humakbang ako papalapit sa inyong dalawa. Huminga muna ako nang malalim saka ko tinapik ang balikat mo. Lumingon ka naman agad.
"Congrats sa inyong dalawa. Sana magtagal pa kayo." May ngiti ko pang sambit. "Uy Mike, libre mo 'ko mamaya ah?" Dagdag ko pa. Tumango naman kayo parehas.
Naglakad na ako paalis at sa huling pagkakataon, nilingon ko kayo. Sakto naman na hinalikan mo siya sa kanyang noo.
Ang saya niyo. Ako ba, kailan?
Hindi ko maatim na makita kayo sa ganitong sitwasyon. Masakit.
Masakit na makita kitang kasama siya.
Sa sobrang pagkalutang ko, dinala ako ng aking mga paa sa likod ng paaralan. Umupo ako sa isa sa lilim ng puno at saka ko pinikit ang aking mga mata. Malas lang dahil kahit nakapikit man ang aking mga mata, ikaw pa rin ang nakikita ko.
Bumuntong-hininga ako. Isa. Dalawa. Tatlo. Naramdaman kong may tumabi sa akin. Iminulat ko ang aking mga mata at presensya mo agad ang nakita ko. Nakapikit ka't nag-umpisang sumipol. Tinitigan ko ang iyong mukha na wari'y kinikilatis. Mula sa makapal mong kilay na binagay sayo at mapupungay mong mga pilik-mata paibaba sa iyong matangos na ilong hanggang sa mapako ang mga mata ko sa iyong kulay dugo na labi.
Bigla tuloy akong napaisip. Ilang beses niya na kayang nadampian ang iyong labi?
Nabalik ako sa ulirat nang bigla kang humikab kasabay ng pagmulat ng iyong mga mata. Agad ko tuloy inilihis ang aking paningin sa harapan.
"Salamat nga pala sa tulong mo kanina."
"Walang anuman. Teka, si Alice?" Tanong ko.
"May klase pa siya eh kaya mamaya na raw ulit kami magkikita." Saad mo.
"Eh ba't ka nandito?"
"Bigla ka kasing nawala kanina kaya hinanap kita. Sakto naman na may nakakita sayo na papunta ka raw rito kaya heto, katabi mo 'ko." Paliwanag mo kasabay ng pagkurba ng labi mo.
"Hinanap mo 'ko?"
"Ano bang klaseng tanong 'yan? Syempre naman oo. Ikaw na lang ang meron ako dito 'no tapos mawawala ka pa."
"Eh, pa'no si Alice?"
"Magkaiba naman kayo. Jowa ko yun, ikaw naman kaibigan ko." Bahagya kang lumapit sa akin at, "Matalik na kaibigan." Dagdag mo. Ginulo mo ang buhok ko at saka ka tumayo. Napatayo rin ako nang wala sa oras dahil sa sinabi't ginawa mo.
"Ang dami mong dama!" Bulyaw ko sayo kasabay ng isang suntok sa braso mo. Natawa ka naman sa ginawa ko. Nauna na akong maglakad sa iyo.
Nakakainis. Ang manhid mo! Hindi ka naman bato at mas lalong hindi ako hangin. Pero, ba't gano'n?
Panahon na nga siguro upang aminin ko naman sayo ang nararamdaman ko.
Kinagabihan, humarap ako sa salamin. Nilagyan ko ng kolorete ang mukha ko. Sinuot ko ang bestidang pula at kinulot ko naman ang aking buhok nang bahagya. Oo, nagpaganda ako para sa gabing ito.
May narinig akong katok galing sa pinto ng kwarto ko. Dali-dali ko naman itong binuksan sa pag-aakalang si mama ito pero laking gulat ko nalang nang madatnan ko ay ikaw.
Ikaw na lasing.
Ikaw na wala sa sarili.Agad naman kitang inalalayan. Inihiga kita sa kama ko. Sobrang pula ng iyong mukha at bakas dito ang mga natuyong luha. Ang maaliwalas mong mukha ay nabahiran ng isang malungkot na anyo.
Ano bang problema?
Tatalikod na sana ako upang kumuha ng pamunas para sayo nang bigla mong hinawakan ang kamay ko. Nilingon kita. Kahit nahihirapan ay nagawa mo pa rin na makaupo at makapagsalita.
Binanggit mo ang pangalan ko. Kasabay nito ay ang paghagulgol mo.
"Iniwan niya na ako..." pautal-utal mong sabi. Niyakap mo ang bewang ko saka ka umiyak nang umiyak.
Hindi ko alam kung maaawa ba ako, malulungkot o sasaya dahil sa wakas wala na kayo.
Napabuntong-hininga muna ako bago nagsalita.
"Ako na lang..." lakas-loob kong saad. Narinig kong humina ang iyong pag-iyak at kumalas ka sa iyong pagkakayakap. Tinitigan mo ako at tila nagtataka. "Mike, ako na lang." Pag-ulit ko.
Sa ikalawang pagkakataon, binanggit mo ang pangalan ko.
"Nagbibiro ka ba? Alam mo naman na magkaibigan tayo." Napatiim-bagang ako dahil sa sinabi mo. May namumuo ng luha sa mga mata ko.
"Oo, alam kong magkaibigan tayo. Matalik na kaibigan. Walong taon na, Mike, pero ni minsan ba napansin mo rin ang pagkagusto't pagpaparamdam ko sayo? At saka porque ba magkaibigan tayo, hindi na pwedeng magkaro'n ng tayo? Mali ba na mahalin mo rin ako dahil lang sa magkaibigan tayo? Kahangalan ba na sabihin ko sa 'yo na ako naman? Mike, ako naman ang mahalin mo..." Nag-uunahan sa pagbagsak ang mga namuong luha sa mga mata ko.
Tila naestatwa ka naman sa kinauupuan mo. Walang lumalabas na salita galing sa iyong bibig. Nabigla ka nga ata.
"Alam ko na kung bakit 'di mo 'ko kayang mahalin. Dahil sa hindi ako si Alice. Mga tulad niya lang ang nababagay sayo, sa mga kagaya mo." Ngumiti ako. Ngiting peke. Ngiting nagkukubli sa realidad.
Tumalikod na ako at handa na sanang umalis nang bigla mo ulit hinawakan ang kamay ko. Tumayo ka at humakbang papalapit sa akin. Idinampi mo ang magkabila mong palad sa pisngi ko at saka mo inilapat ang iyong labi sa noo ko.
At sa huling pagkakataon, binanggit mo ang pangalan ko.
"Pasensya na, Albert."
BINABASA MO ANG
Pasensya Na, Kaibigan
Short Story"Immoral ba ang mahalin ka?" --- November 19, 2017