Ang mabigat na trapiko ay hindi alintana 'pag ikaw ang aking kasama
Mas nanainisin pangang wag nang umandar pa ang sasakyang ating kinalululanan.
Pagkainip ay tila hindi natin alam
Mga tao sa paligid ay tila nagiging bulaklak na nagbibigay ng sariwang hangin
Busina ng mga sasakyan ay parang nagiging huni ng mga ibon na sa ating pandinig ay nagbibigay ng saya
Hindi ka nawawalan ng kwento. Makausap mo lang ako kahit buhay ng paborito mong basketbolista ay binabanggit mo.Uusad ang trapiko mawawala ang mga harang sa daan.
Aandar ang sasakayan bibigat ang pakiramdam.
Kung pwede ko lang sabihin kay manong na wag na nyang ihinto ay gagawin ko
Ngunit batid ko na kahit gaano kalapit o kalayo ang ating patutunguhan mayroon pa rin itong katapusan.Malapit na nga ba tayo sa katapusan?
Bakit ang dating masayang pagsakay sa pampublikong sasakyan at pagharap sa napakahabang trapiko ay naging isang tahimik na lugar.
Bakit ang dating kwento mo ay naging hangin na lang na binubuga mo sa tuwing ika'y hihinga.
Minsan ay mapapatulala na lang ako sa kawalan at iisipin lahat ng dinaanan.
Bakit ang huni ng ibon ay napalitan ng nakakabinging katahimikan. Bakit ang mga bulaklak ay naging tao na may iritableng emosyon.
Ang sariwang hangin ay naging polusyon na unti unting sumisira sa ating relasyonTila ika'y naiinip sa mabigat na trapiko kung kaya't kukunin mo ang pinakamamahal mong telepono at titignan kung mayron bang nakaalala.
Bakit ako hindi mo maalala?
Hindi ba maari na ako na lang ang iyong kausapin?
Sisilipin ko ang ginagawa mo na parang isang tsismosa sa tabi nia nagaabang ng ibabalita.
Nabasa ko.
Nabasa ko kung paano mo damayan ang isang kaibigan dahil sa kanyang wasak na puso at !!Bigla akong napaisip, bakit ang unti unti kong nawawasak na puso ay hindi mo man lang piangtutuunan ng pansin?
Ang trapiko na dati ayaw ko nang matapos ngunit ngayon ang trapikong kinalalagyan ay gusto ko nang itigil.Pwede bang pakihinto at bababa na ako?
Ayoko na lumayo pa tayo sa nakaraan
Nais kong bumalik
Maari ba akong bumalik sa ating pinanggalingang panahon.
Panahon na buong araw tayo'y nagkukulitan at nagkekwentuhan. Panahon na ang mabigat na trapiko ay tila paraiso. Kahit lakarin ko ito pabalik ay aking gagawin marating ko lang ang panahon kung kaylan ramdam ko pa ang iyong pagmamahal. Magkapaltos man ang aking paa sa sobrang haba ng daan na tatahakin, titiisin ko marinig ko lang muli ang mga kwento mo.Marinig ko lang muli ang salitang mahal kita, mahal na mahal kita.
At sa aking pagbaba humakbang ako ng 1,2,3 at huminto ako pagkatapos ng pang apat
Nakita ko kung gaano tayo kasaya sa espesyal na araw na yon
Kung paano nagningning ang aking mga mata sa munti mong sorpresa
Muli akong humakbang ng 1,2,3
At muli rin akong huminto pagkatapos ng pang apat
Nasilayan kong muli ang mahimbing mong pagtulog sa aking kandungan
Habang ang buhok mo ay aking kinakalikot dahil iyon na ang ating nakagawian
Nagpatuloy ako sa paghakbang
1,2,3
At bago magpangapat narinig ko ang tinig mo
Lumingon ako at nakita kong nakatayo ka sa aking likuran
Habang ang mga kamay ay nakataas at tila naghihintay na aking hawakanNalito ako sa dalawang salitang
Aatras o aabante
Ngunit iyong tinuran"Mahal, magbalik ka dahil hindi ko kayang magpatuloy ng wala ka."
At sa sandaling iyon alam ko na ang aking nais
Tumakbo ako pabalik sa iyong bisig
At sinabing
"Mahal itutuloy ko ang byahe ngunit magkaibang daan na ang ating tatahakin"