HALOS matatapos na ang interior designing ng café na nirentahan ni Cassandra kay Gideon. Mula nang maisaayos iyon ay palagi na siyang nandoon. Inayos niya ang kitchen ayon sa taste at convenience niya. Doon na siya nagpa-practice at sa mahigit isang buwan na pagpunta-punta roon ay unti-unti na niyang natatapos ang menu para sa Casey Café.
At sa araw-araw na pagpunta ni Casssandra, araw-araw ding nandoon si Gideon.
"What's the flavor of the day?" tanong ng binata pagpasok sa kitchen. Umupo ito sa silya sa kitchen table at nangalumbaba.
Inilabas niya ang isang malaking canister sa fridge at inilapag sa kitchen table. "Blueberry cheesecake," sagot niya. Kumuha siya ng ng platito at kutsarita at hinainan ang binata. "I made it at home last night. Kanina ko lang 'yan dinala dito. I thought maybe you might wanna try it out. Walang kasing kuwenta tanungin si Fatima. Walang hindi masarap sa babaeng iyon."
Tumawa lang si Gideon na parang kaytagal mula nang huli niyang marinig. Oo, matagal na nga. Sampung taon na ang nakalipas.
Titig na titig siya sa binata habang kinakain ang blueberry cheesecake.
"So...?" tanong ni Cassandra para mawala ang atensyon sa iniisip. Kailangan niya kasing pigilan ang damdamin para hindi na uli masaktan. Nagawa niya iyon sa nakalipas na limang linggo... at sampung taon. Hindi niya hahayaan na ngayon pa siya papalpak. She had to act normal and formal in front of him.
Umupo siya sa katapat nitong upuan.
Hindi naman niya magagawang magsinungaling sa sarili. Kaya sa gabi na lang niya ibinubuhos ang bitterness dahil sa nangyari sa kanila noon. Sa gabi, sa paggawa ng pastries. Doon niya iyon ibinubuhos dahil hindi rin naman siya nakakatulog nang maayos. Mas mabuti pang mag-bake siya kapag nasa bahay. At least, nagiging productive ang oras niya. At nababaling sa ibang bagay ang atensiyon niya.
"Medyo matamis," komento ni Gideon.
"Ganoon ba? Iyon din ang nasa isip ko. Dapat pala hindi ko nilagyan ng asukal," sabi niya. Medyo dismayado siya pero inaasahan na niya iyon. Nagdadalawang-isip kasi siya kung lalagyan niya iyon ng asukal. Pero siguro dahil wala siya sa sarili kaya nalagyan niya iyon kahit na alam niyang hindi na kailangan.
"Pero ayos naman. Masarap pa din," dagdag nito.
"Salamat. Gumawa din ako ng café latte. Medyo hindi pa iyon tapos."
"Kapag natapos na ipatikim mo sa 'kin, ha?"
"Oo naman. Nakasulat iyon sa kontrata." Tumawa siya. Natigilan siya nang mapansin niyang nakatitig ito sa kanya. "What?"
Tumaas ang isang sulok ng mga labi ni Gideon. "I just can't believe it."
"Ang alin?"
He had a serious face. Parang gusto niyang magtatakbo na lang palayo. Tuwing nasa paligid si Gideon at kasama niya, hindi niya napipigilan ang kabang nararamdaman. Lagi kasi siyang napapaisip kung naalala pa kaya nito ang kahihiyang kinasangkutan niya. Pagkatapos kasi nang gabing iyon, pinilit niyang huwag nang magpakita sa binata. Pero pagkalipas ang sampung taon, hayun siyang kaharap ang lalaki at araw-araw pa niyang nakakasama.
Natatakot siyang baka bigla nitong ibalik ang nangyari sa kanila sampung taon na ang nakalilipas. Natatakot siyang sa pangalawang pagkakataon ay mapahiya uli siya sa harap nito.
"That after ten years, you are here, in front of me. You have no idea how much I missed you," madamdaming saad ni Gideon. Titig na titig pa rin sa kanya.
"R-really?" Hindi niya alam kung ano ang sasabihin. Ni hindi niya nga narinig ang sinabi niya. Kung sa isip lang ba niya iyon sinabi o sinabi niya talaga. Paano ay nabibingi siya sa lakas ng tibok ng kanyang puso. Naririnig din kaya iyon ni Gideon?
BINABASA MO ANG
CASEY'S SECRET RECIPE (COMPLETED)
Romance"Stop begging me to let you go. Because that's the last thing I'd do." Pagkalipas ng sampung taon, bumalik si Casey sa Pilipinas sa pag-aakalang nalimutan na ng lahat ang kanyang madilim na nakaraan. Pero nagkamali siya. Dahil hindi pa man siya nagt...