Monarkiya. Ito ay isang pamahalaan na kung saan hari at reyna ang tawag sa pinuno ng isang bansa. Ang pamamahala dito ay maaaring habang buhay o di kaya ay maisasalin sa kanyang kadugo. Prinsipe o prinsesa ang tawag sa tagapagmana ng kapangyarihan ng hari o reyna. Mula pagkabata pa lamang ay sinasanay na ang mga ito upang maging isang mahusay na lider na handang ipagtanggol ang kaniyang nasasakupan.
Ang bansang Pilipinas ay sumailalim sa pamahalaang Monarkiya matapos ang hindi maayos na pamumuno ng dating Presidente nito kaya't napagpasyahan ng mga mamamayan na iluklok si Bayani Maghari bilang kanilang bagong pinuno at napangasawa niya si Magindara Dela Cruz. Kanilang pinalitan ang pangalan ng bansa. Ito ay pinangalanan nilang Monarkiya ng Perlas ng Silanganan
Si Prinsipe Alexander Magiting Nicholas ang kaisa-isang anak na lalaki nina Haring Edward Apolaki at Reyna Alison Dina Masalanta. Sa kadahilanang ito, si Prinsipe Alexander ang inaasahan ng buong bansa na magmamana ng trono.
Si Haring Edward naman ay ang anak ng apo ng sinasabing iniluklok noon na lider ng mga mamamayan.
Sa paglipas ng panahon, mula pa lang nang mailuklok ang kauna-unahang hari ng bansang iyon, may isang tradisyon na silang isinasagawa. Ang tradisyong ito ay tinatawag nilang Ang Paghahanda na kung saan ang mga prinsipe na magmamana ng trono ay maghahanap ng kanyang mapapangasawa sa pamamaraang pagpili sa mga kinatawan ng bawat distrito ng bansa.