Once Again
-Ian Joseph Barcelon.
Entry 1
Bella’s Point of View
“Magandang ideya ‘yan, Carol,” masayang sabi ni mama habang may kausap sa telepono. “Ah… Sige… Itong darating na linggo?... Naku, excited na akong sabihin ‘yan kay Roger at Bella… Sige, sasabihin ko sa kanya… Nakakatuwa naman at napatawag ka!... O, sige tatawagan ulit kita mamaya.” Doon na natapos ang tawag.
Hindi ko alam kung bakit hindi ako makapagpokus sa sinusulat kong report na ipapasa bukas. Para bang may parte sa ‘kin na gustong makinig sa usapan nila mama. Sino naman kaya ‘yung kausap niya at parang tuwang-tuwa siya? Nang marinig ko ang mga yabag ng paa ni mama na papalapit sa study room kung nasaan ako, para akong nagising sa pagkatulala.
“Anak!” masiglang sabi ni mama saka lumapit sa ‘kin para yakapin ako. Para nga ‘kong sinasakal sa paraan ng pagyakap niya sa leeg ko. Hay, ganito talaga siya matuwa. “—Tumawag ang Tita Carol mo! Naalala mo pa ba siya?” tanong niya sa ‘kin.
May parteng gustong matuwa sa sarili ko pero sino naman siya? Sinubukan kong alalahanin ang pangalan. Oo, pamilyar nga ang pangalan sa ‘kin pero hindi ko maalala kung sino ‘yun.
“Mommy ni Peter!” malakas na sabi ni mama nang mapansin niyang wala akong naging sagot sa tanong niya. Tinanggal niya ang pagkakayakap sa leeg ko at lumipat sa kabilang upuan. Buti naman! “Naalala mo na?” nasasabik na tanong niya.Dahil sa sinabi ni mama, unti-unting rumehistro sa isipan ko ang lahat. Ang pamilya ni Peter. Oo, naalala ko na si Tita Carol, pati ang asawa niyang si Tito Jerry na kumare’t kumpare nila mama at papa. Pero matagal ko na silang hindi nakikita, huli na iyong anim na taon palang ako habang pinanunuod ang sasakyan nilang palayo. Naalala ko pa nga noong umiiyak ako kay Peter.
Kay Peter. Noong umalis si Peter at ang kanyang pamilya rito.
Hinawakan ni mama ang mga kamay ko dahilan para hilahin ako sa pagkatulala ko sa ikalawang pagkakataon. Ano bang nangyayari sa ‘kin?
“Naririnig mo ba ‘ko, anak?” tanong ulit ni mama.
Napangiti ako kasunod ng pagkamot sa ulo. “Opo, naalala ko na si Tita Carol, si Tito Jerry at Peter,” sabi ko naman habang binibilang ang mga daliri ko. Isang daliri sa isang tao. “Pero ano po ba’ng napag-usapan n’yo?”
Ngumiti si mama, sobrang tamis ng mga ngiti niya. “Iniimbitahan nila tayo to stay in their house this coming Sunday! So, ibig sabihin doon natin gugugulin ang dalawang buwang summer vacation!” Napagsalikop pa ni mama ang mga kamay niya kasama ang mga kamay ko hanggang sa maramdaman ko na humihigpit na.
“M—Ma…” sabi ko sabay turo nguso sa mga kamay niya na mabilis niya din namang tinanggal.
“Sorry!” parang bata niyang sabi. “—So they’re inviting us… sasama ba tayo? No, no, no. Erase that. Sasama ka ba?”
Ganito si mama, sa tuwing may mga bagay na kailangang kasama kami ni papa, mahalaga sa kanyang tanungin muna kami. Ayos lang naman sa kanya kung hindi kami papayag pero sa pagkakataong ito, alam kong sobrang masisiyahan siya dahil ngayon palang makikita na kung gaano siya ka-excited sa darating na Linggo—at may parte sa ‘king gustong pumayag. Na gustong makita ulit siya.
BINABASA MO ANG
(Available Under Tuebl) Once Again Book I: Sixteenth's Summer Days [Finished]
Teen FictionOnce Again -Ian Joseph Barcelon. [Intro] Bella and Peter were once best of friends—childhood friends—not until they both turned up six. Lumipat si Peter sa Batanes at naiwan naman si Bella sa Cavite, ang lugar na kinalakihan nilang magkasama. Summer...