STORY 1 PREVIEW:
Maling Akala
Nang magkasakit ng malubha ang ama ni Leonie, napilitan siyang kalimutan muna ang pagiging piano instructress at maghanap ng ibang trabaho. Binalak siyang gawing espiya ng kanyang tiyuhin sa kakompetensiya nitong kumpanya na IGI pero dahil ayaw niya ang ganoong trabaho ay gumawa siya ng paraan na hindi matanggap doon. Ngunit tila mapaglaro ang tadhana. Nakilala niya ang guwapong engineer na si Rufo Sanchez at ito pa ang nagpasok sa kanya sa IGI. Sa unang kita pa lamang niya kay Rufo ay nabihag na nito ang puso niya. Pero humahadlang ang mga maling akala niya rito—na ito’y isang simpleng empleyado lamang ng IGI at kaya niyang paibigin ang mapaglarong puso nito.
SNEAK PEEK:
IT’S already eight in the morning nang iparada ni Leonie ang sasakyan sa parking area malapit sa Intercorp Global Industries.
Kagabi pa siya nakapag-isip-isip. Tutal naman ay si Rufo na ang magpapasok sa kanya sa IGI, kaya okey na mag-a-apply na uli siya doon. At lulunukin na rin niya ang pride niya. Kahit secretary lang ang available na posisyon doon ay a-apply-an na rin niya. Ang mahalaga, may trabaho na siya at makakatulong iyon ng malaki sa kanilang mag-ama.
E bakit hindi ka na lang sa Prime Holdings magtrabaho? waring tukso naman ng isip niya. Inaalok ka din naman ng Tito Juanito mo ng ganoong puwesto, ah.
Napaismid siya. Mas gugustuhin na lamang niyang magtrabaho ng maayos sa kalaban nito kaysa gawin ang pinapagawa nito sa kanya. Isa pa’y mas madalas silang magkikita ni Rufo kapag dito siya nakapagtrabaho. Pinamulahan siya ng mukha sa huling naisip. Dali-dali na siyang bumaba ng sasakyan.
Muling niyang sinipat ang sarili sa side mirror ng kanyang asul na Honda Jazz. Nang matiyak na maayos ang itsura’y saka siya dumiretso sa lobby ng IGI.
“Good morning, miss,” bati niya sa receptionist sa front desk. “I'm Leonie Sioson and I have an appointment with Mr. Santillan.”
“He’s already waiting for you, Miss Sioson,” nakangiting sagot nito.
“Thank you,” sabi niya bago dumiretso sa opisina ni Mr. Santillan. Ngayon pa lamang ay inihanda na niya ang sarili sa katakut-takot na sermon na aabutin niya sa muli nilang paghaharap ng manager.
Pagpasok niya’y tila nga hinihintay na siya nito. “G-good morning, sir,” alanganin ang ngiti niya nang batiin ito.
“Ahhh, yes,” ani Mr. Santillan na waring nagpipigil lamang mapangiti nang titigan siya. “The girl who’d like to be the President, the General Manager and the Executive Secretary. Take a seat.”
Hindi na nakaimik na tumalima siya. Pakiramdam niya ay matutunaw siya sa kahihiyan.
“Why didn't you mention na kilala mo pala si Mr. Sanchez?” diretsang tanong nito sa kanya. Pero bago pa siya makapagsalita ay tumunog ang telepono sa ibabaw ng desk nito. Mabilis iyong dinampot ng lalaki.
“Okay. Okay, sir,” sagot nito sa kung sinumang kausap nito sa telepono habang hindi iniaalis ang tingin sa kanya. Kaya naman lalong nadagdagan ang ilang na nadarama niya.
Mayamaya pa’y ibinababa na ni Mr.Santillan ang telepono. Binuksan nito ang drawer ng desk at may kinuha roong folder. Nang ilapag nito iyon sa ibabaw ng desk ay natagpuan niyang mga files na binigay niya dito kahapon ang mga iyon.
“You’re lucky I still have your files. Itatapon ko na sana ang mga iyan. Now go to the sixth floor, third door on the right wing,” utos nito sa kanya. “Mr. Padua will interview you personally, since sa kanya ka magtatrabaho as his personal secretary.”
“T-thank you sir,” wika niya nang damputin ang folder at tumayo na.
Tinungo na niya ang elevator at bumababa siya sa ikaanim na palapag. Lumiko siya sa kanan at ilang sandali pa ay nasa tapat na siya ng pangatlong pintuan. She pressed the buzzer twice bago kusang nagbukas ang sliding glass door ng opisina.
BINABASA MO ANG
My First Book of Romance by Elena Benedicto (PUBLISHED BOOK)
RomantizmMust have this book in your collection. Paiiyakin ka, pakikiligin at pag-aalabin ang iyong damdamin sa mga eksena!!!