My First Book of Romance by Elena Benedicto - The Seductress

2.3K 13 0
                                    

STORY 2 PREVIEW:

The Seductress

Masaklap ang naging kapalaran ni Yurnia. Inilako siya ng sariling ama sa amo niyang instik dahilan upang malungi ang kanyang puri. Tumakas siya patungong Maynila upang doo’y planuhin ang balak na paghihiganti. Pero nakilala niya si Rye. Ito ang nagturo sa kanyang magmahal at limutin ang masamang ekspiriyensa.

Ngunit nang ikakasal na sila’y saka naman biglang lumayo ang lalaki. Naiwan siyang muling tuliro at sugatan ang puso. Salamat na lamang at dumating sa buhay niya si Alwin. Ito ang dumamay sa kanya upang muling makabangon at magkaroon ng direksyon ang buhay. Kung kailan naman okey na ang lahat ay saka muling nagpakita sa kanya si Rye. Muling nagulo ang maayos nasa na niyang mundo.

Sino ang kanyang pipiliin, Si Rye na tunay niyang pag-ibig at kaylanma’y hindi nagawang kalimutan o si Alwin na lubos-pusong umiibig sa kanya at tumulong na abutin ang kanyang pangarap?

SNEAK PEEK:

TANGHALI na nang dumating ang sinakyan niyang bus sa Maynila kaya naman naisipan ni Yurnia na maghanap muna ng makakainan.

Sa isang karinderya na malapit sa terminal niya naisipang kumain. Sa bawat pagsubo ay iniisip niya kung saan siya tutuloy gayong wala naman siyang kamag-anak na kilala sa lugar na iyon.

Pagkatapos kumain at magbayad ay naglakad-lakad siya sa kahabaan ng Doroteo Jose. Nagbabakasakali siyang may makitang puwedeng trabaho na mapapasukan. Ngunit magtatakip-silim na ay wala pa rin siyang makita kaya naman naghanap muna siya ng murang paupahan na puwedeng niyang tirhan pansamantala.

Dahil sa tuliro ang isipan ay hindi niya namalayan kung saan na nga ba siya napadpad. Mayamaya’y may biglang lumapit na lalaki sa kanya.

“Magkano, miss?” nakangiting tanong ng lalaki.

Napamulagat naman siya dahil hindi niya alam kung ano ang tinutukoy nito.

“‘Wag ka naman magpresyo ng mahal, dahil sisiguraduhin ko na pareho tayong masasarapan,” nakangising anito sabay hipo sa kanyang braso.

“Pasensya na ho, mister, pero hindi ko alam ang sinasabi niyo,” marahang iniiwas niya ang braso rito.

Pagak itong napatawa. “Miss, ‘wag ka nang magpakipot at alam naman ng lahat kung anong trabaho ninyo dito sa kalsada!”

Dahil sa sinabi ng lalaki ay marahan niyang nilibot ng tingin ang palìgid ng kalsada kung saan may mga ilang babae ang nakatayo na waring may sadyang hinihintay. Nahagip ng mata niya ang street sign— Avenida. Saka lamang rumehistro sa kanyang isipan ang mga kuwentong naririnig niya sa mga kakilalang nakarating na sa Maynila.

Nasa lugar nga siya kung saan nagkalat sa kalye ang mga babaeng nagbebenta ng aliw. Kaya naman pala napagkamalan siya ng lalaki.

Natauhan lamang siya nang hilahin ng lalaki ang kanyang kamay. “Hindi ho ako katulad nila,” aniya nang iwaksi ang kamay dito. “Nagkataon lang na dito ako pansamantalang iniwan ng kasama ko para hintayin siya.”

“Hay naku, miss, luma na ‘yang ganyang alibi. Gusto mo lang magpataas ng presyo, eh.”

“H-hindi po. Totoo po ang sinasabi ko,” nauutal na sa takot na ani Yurnia. Umalis nga siya sa lugar nila para makatakas sa mga hayok na katulad ni Mr. Cheng pero tila napadpad naman siya sa mas masahol pa.

Diyos ko, ‘wag ‘nyo naman po sana hayaang masira nang tuluyan ang mga pangarap ko, piping usal niya habang pinipigilan ang sarili na mapaiyak.

“Ano miss, sabihin mo na kasi kung magkano at nang magkasundo na tayo. Para naman maaga tayong makarating sa langit at kung susuwertihin eh makadami pa tayo,” ngingisi-ngising sabi ng lalaking nang muling haplusin ang kanyang braso at ilapit ang mukha nito sa mukha niya. Amoy na amoy niya ang pinagsamang amoy ng sigarilyo at alak sa hininga nito.

“M-mali nga po kayo ng akala. May kasama ho ako at hinihintay ko lang siya,” pagkakaila pa rin niya.

Hindi naman naniwala ang lalaki at dahil nakainom na rin ito ay naging marahas ang kilos nito. Pilit siyang hinila nito patungo sa sasakyang nakaparada sa isang gilid. Natigilan lamang ito nang biglang huminto ang isang Duccati motorcycle sa kanilang harapan.

“I’m sorry I’m late, babe,” anitong pinaglipat-lipat ang tingin sa kanya at sa kamay ng lalaking nakatangan sa braso niya. “C’mon, let’s go home.”

Naguluhan man siya sa biglang pagsulpot ng naka-motor na lalaki ay nakaramdam siya ng konting pag-asa na baka matulungan siya nito. Napanganga siya dahil napakatangkad nito sa taas na 6'1” at kay-tikas nito sa suot na black leather jacket na bahagyang nakabukas ang zipper kaya kitang-kita ang puting t-shirt na hakab sa pangangatawan nito.

Nang mapansin ng lalaking kanina pa nangungulit na wala itong laban sa lalaking naka-motor ay pabarumbado nitong binitawan ang kamay niya bago nagmamadaling sumakay sa sasakyan nito at pinaharurot iyon.

“Lady, if I were you, uuwi na ako para hindi na maulit ang nangyari sa ‘yo,” tila sermon ng lalaking naka-motor nang mawala na sa paningin nila ang sasakyan.

“S-Salamat nga pala,” ang tanging nasambit niya.

“Anyway, saan ka ba papunta? Ihahatid na lang kita,” alok ng lalaki.

“Ha? Kuwan, kasi…” hindi malaman ng dalaga kung anong sasabihin dito.

Napakunot-noo namang napatingin muli sa kanya ang lalaki. Pagkuwa’y napansin nito ang bag niya. Napailing ito sabay binuntutan iyon ng tawa. “So you're a stowaway, huh?” Hindi na nito hinintay na makasagot siya. Kinuha na nito ang dala niyang bag at minosyonan siyang umangkas sa motor nito.

Natigilan siya at sansaglit na napaisip kung dapat bang sumama dito o hindi. Ngunit nang maalala ang makulit na lalaki kanina ay mabilis ang kilos na sumakay na siya sa motor ng lalaki.

“Humawak ka sa bewang ko, baka mahulog ka,” anito nang lingunin niya. Nahihiyang dahan-dahan siyang kumapit sa bewang nito. Nang masigurong nakaayos na siya ay pinasibad na nito ang motorsiklo.

My First Book of Romance by Elena Benedicto (PUBLISHED BOOK)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon