CHAPTER FIVE
"CASE!"
Gulat na napalingon si Caselyn sa malakas na pagtawag na iyon sa kanya. Natigilan siya sa paglalakad, nasa labas na siya ng gate ng kanilang campus. Takang nagpalinga-linga siya sa paligid. At doon ay nakita niya ang lalaking hindi nagpatulog ng dalawang gabi sa kanya. Ang lalaking dahilan kung bakit tulala siya ng mga nakaraang araw.
Sa gabi ay ang masuyong mukha at nangungusap na mga mata ni Driggs ang kanyang nakikita. Hindi pa niya nakakalimutan ang mga nangyari sa HCD. Hindi niya malaman kung paniniwalaan ba niya ang mga sinabi nito. Sinasabi ng kanyang isip na tama lamang ang kanyang ginawa. Alam niya ang mga katulad ni Driggs ay hindi kailanman magugustuhan ang isang tulad niya. Bakit may nakapa siyang munting kurot sa kanyang puso?
Ang buong akala niya ay hindi na ito magpapakita pa sa kanya pagkatapos mangyari ng insidenteng iyon. Pero heto ngayon ito na para bang balik sa normal ang lahat.
Maaliwalas ang ngiting lumapit ito sa kanya sakay ng motorsiklo nito. Huminto ito sa kanyang tapat. Bumaba ito at lumapit sa kanya.
"Anong ginagawa mo rito?" tanong niya sa pormal na tinig.
"Sinusundo ka," nasa mukha pa rin nito ang magandang ngiti. "Tara sumakay ka na ihahatid na kita sa HCD, doon rin naman ang punta ko."
Iniiwas niya ang tingin. Hindi kasi niya kayang tagalan ang mga tingin nitong iyon sa kanya.
"Hindi na," maagap niyang sagot. "May dadaanan pa ako," tangi niya.
Magaang tumawa ito, "Huwag ka nang mahiya Case. Let's go, para hindi ka na rin mapagod sa pagbiyahe," pamimilit nito.
May nakapa siyang pagaalala sa tingin nito. Ipinilig niya ang ulo, hindi dapat niya isipin ang ganoong bagay. Kung makapagsalita ito ay parang wala lang nangyari. Hindi ba alam ng lalaking ito na labis siyang naapektuhan sa mga ipinahayag nito sa kanya?
"Kung wala kang magawa sa buhay mo Driggs, pwede ba tantanan mo ako?" masungit na balik niya.
Nabura ang ngiti nito. "I'm serious here."
Huminga siya ng malalim at hinarap ito. "Sabihin mo nga sa akin Driggs, bakit mo ba ginagawa ito?" Hindi na niya napigilang itanong.
Kita niyang natigilan ito, "Hindi ba sinabi ko sayo na liligawan kita? Kaya heto ako ngayon, ginagawa ang mga ginagawa ng isang manliligaw. Kaya nga sinusundo kita."
Napailing siya. "Hindi pa ba malinaw sayo ang mga sinabi ko? Ayoko," pagpapaintindi niya. "Hindi mo na kailangan pang gawin iyon dahil hindi naman ako pumayag na magpaligaw sayo. Ngayon pa lang ay nililinaw ko na sayo na wala kang aasahan sa akin Driggs. Alam ko naman na hindi ka seryoso sa mga sinasabi mo," mariing sabi niya.
"Sa ayaw at sa gusto mo ay liligawan kita Case," bagkus ay mariing ganti nito. Nakatingin ito ng tuwid sa kanyang mga mata. Hindi niya kayang basahin ang mga katagang naglalaro sa mga mata nito.
Ang puso niya, hindi niya malaman kung ano ang kanyang nararamdaman.
"Bakit ba ang kulit mo?" napalakas ang kanyang tinig. Mariing sinasabi ng kanyang isip na huwag maniwala rito pero ang puso niya ay tila sumisikip sa mga naiisip. "Wala kang mapapala sa akin Driggs kaya kung ako sayo ay tigilan mo na 'yang kabaliwan mo."
"Kung kabaliwan ang tawag mo rito Case kung ganon ay nagkakamali ka." Walang kangiti-ngiti ang mukha nito. Taliwas sa Driggs na kilala niya na palaging may nakahandang ngiti at kapilyuhan sa mukha. Ang Driggs na kaharap niya ngayon ay matamang nakatingin sa kanya. Ang mga mata nito ay nagpapaligalig sa kanya. "Gusto kita." Naging doble na yata ang tibok ng kanyang dibdib sa sinabi nitong iyon. "Kaya kita liligawan ay dahil gusto kita. Hindi ko alam, basta ang tanging alam ko ay gusto kitang makasama. Nagsasawa na rin ako sa mga walang pakundangang bangayan natin. I think it is time now that we should treat each other properly."
BINABASA MO ANG
Heart's Coffee Date SERIES 1 (COMPLETED)
RomanceThe 1'st story in HCD, Mc Driggs Keyser and Caselyn Domingo. Sip the aroma of love!