CHAPTER NINE
"YOU know what Case, I'm sure na magugustuhan ka ni Mommy. At iyon ay dahil ikaw ang the best na girlfriend ko na mahal na mahal ko."
Abot-abot ang ngiting ibinigay ni Caselyn kay Driggs sa sinabi nitong iyon. Walang araw na hindi pinaramdam nito sa kanya kung gaano siya ka-espeyal at higit sa lahat kung gaano siya kamahal. Sa mga ipinapakita nito ay lalo lamang nadaragdagan ang kanyang pagmamahal para rito. Wala na siyang mahihiling pa dahil kapag kasama niya si Driggs ay saya ang nasa puso niya. Kaya niya ang lahat basta ito ang nasa tabi niya.
Kagaya na lamang ng mga sandaling iyon. Dinala siya sa bahay ng mga magulang nito. O mas tamang sabihing mansion dahil napakalaki ng bahay. Sa labas pa lamang ay namangha na siya sa istraktura ng bahay. Ipapakilala siya nito sa Mommy nito. Iyon ay isang hayag na katotohanang mahal na mahal siya nito. Kinikiliti ang kanyang puso sa isiping iyon. Nasa sala sila, nakaupo at hinihintay na bumababa ang Mommy nito na may importanteng kausap sa telepono.
Kinakabahan man at negatibo ang kanyang nararamdaman ngunit habang hawak-hawak nito ang kanyang kamay ng mahigpit ay unti-unting nawawala ang kaba niya. Ganoon kalakas ang epekto ni Driggs sa kanya.
"Thank you Driggs," nangingislap ang mg matang sabi niya. "Salamat kasi dumating ka sa buhay ko at itinuring akong espesyal sa buhay mo. Simula ng dumating ka sa buhay ko nagkaroon ng kulay ang bawat araw ko," sinserong pahayag niya.
Kita niya ang kislap sa mga mata nito.Hindi niya napigilan ang sarili at hinaplos niya ang pisngi ng binata. Lalo itong guma-gwapo sa kanyang paningin araw-araw. Hinuli nito ang kanyang kamay at lalo lamang hinigpitan ang hawak sa kanya. Nakaramdam siya ng kakaibang init.
"Ako ang dapat na magpasalamat sayo Case kasi mula ng hayaan mo akong pumasok sa buhay mo naging masaya ang bawat araw ko. Ikaw ang dahilan ng lahat ng pagbabago ko. Natuto akong mangarap nang dahil sayo. Naging responsable ako dahil sayo. Wala akong ibang maramdaman ngayon kundi ang saya. Ako na ang pinakamasayang lalaki sa buong mundo kasi natuto ako sa mga pagkakamali ko at higit sa lahat may nagmamahal sa aking isang magandang binibini," natatawang pinisil pa nito ang kanyang pisngi.
Natawa rin siya, "Ang drama mo talaga Driggs," kunwa'y saway niya.
Sumimangot ito, "Dahil sayo din kung bakit ako madrama. Ewan ko ba, siguro ginayuma mo ako 'no?" natatawang komento pa nito.
Pinanlakihan niya ito ng mga mata, "Sadyang matagal ka nang patay na patay sa akin 'no. Hindi mo lang maamin. Kung hindi ko lang alam dinadaan mo lang sa pang-aasar ang lahat pero ang totoo mahal na mahal mo ako," pambubuko niya rito.
"Oo, aminado naman ako dun," bagkus ay masayang sabi nito. Naikwento nito sa kanya ang bagay na iyon. Na mula sa mga pang-aasar nito sa kanya hanggang sa mauwi sa pagmamahal. "Kaya ipangako mo sa akin na walang iwanan ha?" naging masuyo at seryoso ang mukha nito.
Ngumiti siya ng matamis, "Walang iwanan, habang buhay," buong-pusong pangako niya.
Naging malamlam ang mga mata nito at unti-unting bumaba ang mga labi sa kanya. Palapit nang palapit. Ipinikit niya ang kanyang mga mata at naghintay sa isang masuyong halik...
"Driggs hijo, you're here!"
Napadilat siya sa tinig na iyon. Hindi niya maintindihan kung bakit biglang kumabog ang kanyang dibdib pagkarinig sa tinig na iyon. Nagtama ang mga mata nila ni Driggs, may panghihinayang sa mukha nito.
Kinalma niya ang sarili at ibinaling ang kanyang paningin sa nagmamay-ari ng tinig. Sigurado siyang iyon ang Mommy ni Driggs. Ngunit ganoon na lamang ang kanyang pagkagulat at pagbundol ng malakas ng tibok ng kanyang puso nang makita ang Mommy nito. Tila siya pinanghinahan. Mabuti na lamang nakaupo siya kung hindi ay tinitiyak niyang mabubuwal siya. Ang mga matang iyon... ngayon lang niya napagtantong napakalaki ng pagkakahalintulad ng hugis ng mga mata ni Driggs rito. Ang magandang pustura nito at ang malakas na aura nito. Hindi siya nagkakamali o nanaginip lamang. Ang babaeng nasa harap niya ngayon na Ina ni Driggs at ang Ginang na nagpalayas sa kanila sa kanilang tahanan noon na muli niyang nakita sa HCD ay iisa.

BINABASA MO ANG
Heart's Coffee Date SERIES 1 (COMPLETED)
RomanceThe 1'st story in HCD, Mc Driggs Keyser and Caselyn Domingo. Sip the aroma of love!