Mula sa mga naglalakihang VHS tapes papunta sa Blu-ray discs, hanggang sa malaos ang Video City at sumikat ang torrent, nagkaroon na ng encyclopedic knowledge tungkol sa mga romantic themed movies. Kabisado mo ang mga pangalan ng mga artistang gumanap, ang background music, ang dialogue, ang sikat na landmark kung saan nangyari ang tagpong pinakaromantiko ang dating, ang mga quotable quotes, ang brand ng damit ng bidang babae noong tinangka niyang tumalon sa poso negro upang magpakamatay bago siya pinigilan at sinagip ng bidang lalake at kung ilang beses ngumuya ng bubble gum ang kwelang best friend/palamuti sa eksena.
Hindi mo alam, hopeless romantic ka na pala. Na sa bawat idle moment mo sa school ay nakatulala ka lang sa mabagal na ikot ng elesi ng electric fan at ini-imagine mo si Liezel, ang crush mo sa kabilang room na may magagandang mata, nakakalulang ngiti, tatlong butas sa ilong, mahabang buhok at morenang kutis gulong. Sa iyong imahinasyon, nakaupo siya sa damuhan ng isang tagong hardin habang pinagmamasdan ang kanyang palad kung saan dumapo ang isang paru-paro. Dahan-dahan kang naglakad papalapit. Ngumiti siya sayo. Ngumiti ka pabalik. Biglang tumugtog sa background ang isa sa mga kanta ni Ed Sheeran. Dala ng kanyang mapuputing ngipin ay nasilaw ka, nadapa at ngumudngod sa kalapit na bato. Hindi mo ito ininda. Lumapit ka pa rin at nang ilang hakbang na lang ang layo mo ay bigla siyang inatake at tinangay palayo ng isang higanteng bubuyog.
Nagising ka bigla sa dilat na panaginip. Doon mo na-realize na kailangan mo nang magka-girlfriend bago pa man sakupin ang mundo ng mga higanteng bubuyog. Kahit pa puno ng kaba sa dibdib ay pinilit mo ang sarili na siya ay lapitan, magpakilala at makipagkaibigan. Mukhang ngumiti naman sayo ang tadhana at tuluyan kayong naging malapit sa isa't isa. Ginamit mo lahat ng trick at strategy sa libro ng diskarteng marino. Hanggang sa dumating ang araw na hindi mo na napigilan ang sarili na siya'y tanungin.
"Will you be my girlfriend?"
Tumigil ang ikot ng mundo. Kinabahan ka. Nakatitig lang siya sa'yo na tila nakakita ng higanteng bubuyog. Inihanda mo na ang sarili mo sa worst case scenario. Maya-maya, bumulong siya sayo. Oo daw. Inulit mo ang tanong kasi baka hindi niya naintindihan o busog lang sa kinain niyong siomai. Muli siyang sumagot ng oo. Nagpanggap kang hindi narinig. Inulit niya. Sinabi mong hindi mo pa rin narinig. Ngumiti siya at naglakad palayo. Agad kang humabol. Kaso nadapa ka kasi ang bigat ng bulsa mo dala ng sobrang kasiyahan. Naks. May girlfriend ka na.
May rason na para magpa-load araw-araw, magpuyat kaka-unli call, magbilang ng mga araw sa kalendaryo, mamili ng ireregalo at mag-ipon para may pang-date sa Luneta. Pero hindi dito natatapos ang lahat. Heto naman ang mga swabe moves when you are in relationship:
YOU ARE READING
RELATIONSHIP STATUS: SWABE LANG
HumorPano ba mag handle ng isang relasyon. Nagbabalik po ang Swabe Moves para matulungan kayo kung ano dapat gawin at di dapat. Ito ay hango sa gawa ni Angelo Nabor.