CHAPTER 6 PART 1

4.4K 151 1
                                    


“Okay ka lang?”

“Ha?”

Masuyong pinisil ni Train ang baba ni Melody nang makita niya sa mga mata nito ang matinding kaba. Kahit ilang beses na niyang sinabi na mabait naman ang mommy niya at alam na ng ina ang tungkol sa relasyon nila ay hindi pa rin nito maiwasang kabahan.

Birthday ngayon ng mommy niya. Hindi naman nito ugaling maghanda at mag imbita ng mga bisita. Pero dahil nalaman nito na may girlfriend na siya ay hiniling sa kaniya ng ina na makilala si Melody. Nagluto pa ito ng spaghetti at bumili ng cake na dati naman ay hindi nito ginagawa.

“Kinakabahan talaga ako, baka hindi ako magustuhan ng mommy mo. At saka okay lang ba na bag ang regalo ko sa kaniya? Baka kasi hindi niya magustuhan.” Kagat labing turan ni Melody sa kaniya.

Napilitan siyang tumigil sa paghakbang at pumihit paharap dito.

“Bakit naman hindi ka niya magugustuhan? Imposible iyon, mahal, ako nga gustong gusto kita.” Malambing na turan niya.

Binalot ng matinding init ang puso niya nang ngumiti ito. Nang yakapin siya ni Melody ay dinampian naman niya ng magaang halik ang ibabaw ng ulo nito.

“I love you,mahal.” Buong pagmamahal na nag angat ito ng tingin at tumingkayad para halikan siya sa mga labi.

Nagulat siya sa ginawa ng dalaga. Iyon ang first kiss nila at nakakahiya man sabihin pero sa kanilang dalawa ay ito pa ang unang gumawa ng bagay na iyon. 

Napahagikhik ang dalaga nang mapansin ang pamumula ng mga pisngi niya. Nakatulala lang siya habang pinagmamasdan ang maamong mukha nito. Pakiramdam niya ay parang may pumisil sa puso niya kaya hindi siya makahinga ng maayos. Natuliro rin ang utak niya ng dahil sa paghalik nito sa kaniya.

“Train?”

Ang pagbukas ng pinto at ang boses ng ina ang nagpabalik sa diwa niya. Hinawakan niya ng mahigpit ang kamay ni Melody at nakangiting humarap sa mommy niya.

“Mommy, si Melody po, girlfriend ko.”

“H-happy birthday po.” Nahihiyang sabi ni Melody.

Saglit na hindi nagsalita ang mommy niya at nagpalipat lipat lang ang tingin sa kanilang dalawa. Pinisil niya ang palad ng dalaga nang mapansin na kinakabahan pa rin ito.

“Salamat, pumasok na kayo sa loob.” Pormal na sabi ng kaniyang ina bago nito tinanggap ang regalo na bigay ng girlfriend niya.

Hindi na siya nagulat na ganoon ang naging reaksiyon nito.  Kahit naman sa ibang tao ay talagang pormal itong makiharap. Ang tingin nga niya sa mommy niya ay hindi ito marunong magrelax o magpahinga man lang.

Palagi niya itong pinagsasabihan  na huwag masyadong magpagod pero hindi ito nakikinig sa kaniya. Maliban sa trabaho nito sa klinika ay nagbebenta rin ito ng mga bags at cosmetics na inaangkat sa isang kamag anak nila na nasa Korea. Kapag weekends naman ay wala itong pasok kaya umeekstra itong kahera sa malaking tindahan na pag aari ng kakilala nito.

“Kumain na tayo habang mainit pa ang mga niluto ko.”

Mabilis na inasikaso naman niya si Melody. Nagsalin siya ng spaghetti at lumpia sa plato nito. Sa huli ay napangiti siya nang makita ang maganang pagkain nito.

“Ano nga pala ang trabaho ng mga magulang mo?”

Ibinaba ng dalaga ang hawak na kubyertos at nahihiyang sumulyap sa mommy niya. Hinagod naman niya ang likod nito para mas maging komportable ang pakiramdam nito. 

“Pareho pong teacher sa high school ang mga magulang ko.”

“May kaya kayo kung ganoon.”

“Mommy..”

“Okay lang,” hinawakan siya ni Melody sa braso at sumulyap sa kaniya.

Tumango lang ito para iparating na hindi nito minasama ang sinabi ng kaniyang ina.

“Maayos naman po ang buhay namin, hindi naman po kami mayaman pero nagsisikap po ang parents ko para mapag aral kami ng ate ko.”

“Alam mo ba ang tungkol sa sitwasyon ng anak ko?”

“Mommy, tama na—”

“Walang masama sa mga tanong ko anak, mas mabuti na nga na habang maaga pa ay alam niya ang totoo.” Giit nito.

“Alam ko po at kasama po sa minahal ko kay Train ang buong pagkatao niya. Tanggap ko po ang lahat sa kaniya.”

“Mga bata pa kayo, hindi pa kayo dapat na nagseseryoso dahil marami pa kayong pwedeng marating sa buhay. Magdodoktor pa ang anak ko kaya kung ako lang ang masusunod ay ayoko sanang mapunta sa ibang bagay ang atensiyon niya, lalo pa at alam kong napakahirap ng kurso niya.”

Itinikom niya ang mga labi para pigilan ang sarili na kontrahin ang ina. Marahang pinisil niya ang kamay ni Melody. Kahit hindi ito nagsasalita ay alam niyang nasaktan ito sa narinig.

Pagsapit ng alas singko ng hapon ay nagpasiya siyang ihatid na ito pauwi. Wala silang imikan habang sakay sila ng bus. Nagsikip ang dibdib niya nang maramdaman ang pagdantay ng ulo ng nobya sa balikat niya. Pinagsalikop niya ang mga palad nila at kontentong pinakinggan ang kantang ‘I Fall All Over Again’ na nagmumula sa malakas na stereo ng bus.

“Nagtatampo ka ba sa mommy mo dahil sa mga sinabi niya kanina?” untag ni Melody sa kaniya.

Marahas na napabuntong hininga siya.

“Medyo. Hindi ko naman kasi alam na sasabihin niya ang mga iyon. Ang akala ko ay okay lang sa kaniya.” Malungkot na wika niya.

Aaminin niya na totoong nadismaya siya sa ginawa ng mommy niya. Ang buong akala niya ay naiintindihan siya nito. Hindi niya akalain na magagawa nitong tumutol sa kaligayahan niya.

“Naiintindihan ko naman ang mga sinabi niya kanina ‘eh. Kung ako ang mommy mo, baka itago na lang kita sa bahay para huwag ka nang magkaroon ng girlfriend.”

“Nagbibiro ka pa.” Masama ang loob na tiningnan niya ito.

Lumukso ang puso niya nang lumitaw ang malalim na dimple nito sa magkabilang pisngi.

“I love you, wala akong pakialam kahit sinasabi ng iba na mga bata pa tayo at hindi pa natin basta maiintindihan kung ano ba talaga ang pagmamahal. Iyong pagmamahal ko sa'yo masyadong malalim kaya walang kahit sino ang makakaagaw niyon. Ikaw lang, Train, hindi ko kailangan ng iba sa tabi ko. Kaya nating magtagumpay ng magkasama tayo. Patunayan natin sa kanila kung gaano natin kamahal ang isa’t isa.”

Kinabig niya ang dalaga at marahang ikinulong ang malambot na katawan nitos sa mga bisig niya. Wala na siyang mahihiling pa ngayon.

Kontento na siya dahil dumating si Melody sa buhay niya. Ipaglalaban niya ito kahit tumutol pa ang ina sa relasyon nila.

Ganoon niya ito kamahal...

__________________

Follow. Read. Vote. Share

LOVE FOR HIRE (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon