Wesley-WAKAS

2.8K 68 10
                                    


MULA sa bintana, nakita ni Lora na umalis na ang sasakyan ng mga bagong dating at isinama na si Wesley. Bumalik siya sa sofa at naupo. Eksakto namang pagpasok ni Ate Loraine sa loob ng bahay. Mabuti na lang at night shift sa ospital ang asawa ng kanyang ate. Kung hindi, talagang nakakahiya ang pang-aabala niya.

Naupo si Ate Loraine sa kanyang tabi at kinabig siya palapit. "Kaya mo bang wala sa buhay mo si Wesley? Nararamdaman ko na mahal na mahal mo siya. Ganyan ang nararamdaman ko para sa kuya mo. Hindi ko kayang wala siya sa buhay ko. Kaya nga kahit ayaw sa 'kin ng pamilya niya, tinitiis ko. Basta magkasama lang kami."

"Pero, Ate, iba ang-"

"Tama ka, magkaiba ang sitwasyon natin. Hindi porke hindi ako matanggap at ganito ang pagtrato sa 'kin ng mga in-laws ko, ganoon din ang dadanasin mo sa mga in-laws mo. Wesley is capable of running off with you if ever his parents won't accept you. Katulad ng ginawa nina Tatay at Nanay."

"Isinumpa nating pareho na hindi natin uulitin ang ginawa ng mga magulang natin. Isa pa, may batang hindi pa naisisilang na involve sa sitwasyon namin. Bukod do'n, hindi ako mahal ni Wesley. Hindi niya ako totoong mahal." Pinahid ni Lora ang mga luhang tumulo sa kanyang mga pisngi. Isipin pa lang ang kanyang mga sinabi, parang mga patalim na humihiwa sa kanyang dibdib.

"'Yan ba talaga ang nararamdaman mo o 'yan ang gusto mong isipin at maramdaman?" Bumuntong hininga si Ate Loraine. "Alam mong hindi siya susugod dito para bawiin ka kung hindi ka niya mahal, Lora. Minsan, kailangan ng tao na maging makasarili at piliin ang sariling kaligayahan. Dati, hindi ko naiintindihan sina Tatay at Nanay sa pinili nilang gawin. Pero ngayong ikaw na ang nasa ganoong sitwasyon, naiintindihan ko na. Pinili ni Tatay na kumawala sa relasyong walang pag-ibig dahil wala silang magandang ipapakita sa mga anak nila. Mas masasaktan ang mga anak nila na habang lumalaki, nakikitang hindi magkasundo ang mga magulang. Ikaw, pipiliin mo bang makulong si Wesley sa relasyong walang pag-ibig?"

"Pero, Ate, playboy ang isang 'yon. Minsan, nahihirapan na akong alamin kung ano ang totoo sa kanya. Ni hindi ko nga sigurado kung marunong ba talaga siyang magmahal o ako lang ang nag-iisip na marunong siya n'on. Pero ang totoo, laro lang ang lahat sa kanya. Dahil parati namang gano'n. Tagasagip pa nga niya ako sa mga kalokohan niya."

"Bakit hindi mo rin tanungin ang sarili mo? Hindi ba may punto sa buhay mo na naniwala kang mahal ka niya samantalang mahabang panahong nakatatak sa isip mo at nakita mo ang pagiging mapaglaro ni Wesley? Paano mo nagawang maniwala na mahal ka niya sa kabila ng lahat ng 'yon?"

"Dahil naramdaman ko..." Natigilan si Lora. May napakalaking punto ang ate niya.

"Bakit hindi mo subukang balikan 'yong sandali na naniwala kang mahal ka ni Wesley? Damhin mo uli ang naramdaman mo nang mga sandaling iyon. Kung nandiyan pa 'yon, then dapat siguro na maniwala ka na." Nagbuntong-hininga na naman si Ate Loraine. "Alam mo kasi, Lora, sa pag-ibig, hindi mo kailangan ang opinyon ng iba o ang sasabihin ng mga taong nakapaligid sa 'yo. Wala kang ibang puwedeng tanungin kundi ang sarili mo. Dahil kung nararamdaman mong mahal ka niya, at ang pagmamahal na 'yon ang magpapaligaya sa 'yo, 'yon ang sundin mo. Huwag mong pagdudahan ang damdamin mo. Huwag mo ring labanan. Dahil kung gusto nating maging maligaya, puso ang dapat nating pakinggan at hindi isip. Ang isip ang nagsasabi ng tama at dapat, pero ang puso ang nagtuturo sa atin ng daan papunta sa kaligayahan."

"Ate..." Yumakap nang mahigpit si Lora sa kapatid. Nakapagpalinaw ng kanyang isip at damdamin ang lahat ng sinabi nito.

"Mas mabuti siguro kung mag-usap kayo nang maayos ni Wesley. Pakinggan n'yo ang isa't isa."

Tumango na lang siya. Tama si Ate Loraine. Dapat niyang pakinggan si Wesley. Siguradong may paliwanag ito sa lahat ng mga narinig niya.

Mahal niya si Wesley at muli, naniniwala siyang mahal siya nito. Habang pinagmamasdan niya ang binata kanina mula sa bintana, parang nadudurog ang kanyang puso. Kung hindi siya magiging matapang na harapin ang mundo para kay Wesley, malamang na masira ang buhay nito.

PARADISE VIEW SERIES (Republished)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon