"BAKIT may alak na naman? May heartbroken na naman ba sa inyo?" nagtatakang tanong ni Sugar kina Lemon, Pepper, at Ginger. Sabay-sabay dumating ang mga ito sa bahay niya sakay ng kotse ni Pepper.
Natutuwa siya sa mga ito dahil kahit abala sila sa kanya-kanyang trabaho ay nagagawa pa rin nilang magbigay ng panahon para makasama ang isa't isa. Kagagaling lang ni Lemon ng Malaysia kung saan nanood ito ng Formula One racing kasama ang mga racer sa Camp Speed. Maliban sa pagma-manage nito ng restaurant ng pamilya nito ay isa rin itong champion racer.
Si Pepper naman ay kagagaling lang ng China para um-attend ng meeting kasama ang lolo nito. Ang abuelo nito ang nagmamay-ari ng isang production company doon na nag-i-import ng mga produkto sa Pilipinas. Ang pamilya ni Pepper ang nagma-manage ng negosyo ng mga ito sa Pilipinas. si Ginger naman ay sa London nanggaling. May photo session kasi ito roon sa isang magazine. Isa itong international freelance photographer sa iba't ibang magazine sa kung saan-saang sulok ng mundo.
Tila itinadhana talaga silang maging magkakaibigan dahil pati ang kanilang mga pangalan ay unique at may kinalaman lahat sa pagkain. Lahat ay aliw na aliw sa pangalan nila, lalo na kapag nagsama-sama silang apat sa isang okasyon. Talaga namang pinagkakaguluhan sila.
"Gagamitin natin 'to sa agenda natin mamaya," sagot ni Ginger na may hawak ng bote ng alak. Dere-deretso sa kusina ang mga ito kung saan naghahanda ng hapunan ang kanyang ina at si Manang Beth.
"Na-miss ko po kayo," sabi ni Lemon sa kanyang ina at kay Manang Beth na para bang wala ito roon noong nakaraang araw. Kaagad itong dumulog sa hapag-kainan kasunod sina Ginger at Pepper.
Sa kanila madalas pumupunta si Lemon dahil palagi itong nagpapalibre ng pagkain sa mama niya. Ang mama kasi niya ang recipe maker ng restaurant ng pamilya nina Lemon kaya ito ang unang nakakatikim ng mga putaheng lalabas pa lang sa restaurant ng mga ito. Katulad nilang apat ay malapit din sa isa't isa ang kanilang mga ina.
"Sus! Alam ko namang ang na-miss mo lang ay ang luto ko," sabi rito ng mama niya.
"Siyempre naman, Tita Ange. Kaya love na love ko kayo," malambing na sabi ni Lemon dito.
"Parang wala ka dito kahapon, ah," sabi niya rito.
"Kaya pala lumalaki ka, Lemonada," biro ni Ginger dito.
"No!" sigaw ni Lemon. Ayaw na ayaw kasi nitong tumaba pero madalas naman itong kumain. Tumayo ito upang sipatin ang sarili, saka sumimangot. "Hindi naman ako tumaba, 'di ba? Magsabi kayo ng totoo," anito.
"Gusto mo bang kumuha ako ng tape measure, Lemon?" tanong niya rito na ikinatawa nilang lahat.
"Nakakaasar kayo! Basta alam kong hindi ako tumaba. Period," sabi nito.
"Kumbinsihin mo ang sarili mo," sabi ni Ginger dito.
"Ginger Skye Reyes, isusumbong kita kay Kuya Calyx," pagbabanta rito ni Lemon.
"Oh, my gosh! I'm so scared, Lemon Glaize Martinez," sarkastikong sabi rito ni Ginger.
Nanatili namang tahimik si Pepper. She was being her usual self again. "O, Pepper Ronnie Sy, wala ka bang sasabihin?" untag niya kay Pepper. Umiling lang ito.
"Oh, wait. May nakalimutan ako sa kotse mo," sabi ni Ginger kay Pepper. Lumabas ito ng kanilang bahay at pagbalik doon ay may bitbit itong isang medium-sized box.
"Ano 'yan?" tanong niya rito.
"Ang box na naglalaman ng friendship vows natin," sagot ni Ginger.
"Bakit? Magsasaulian na tayo ng kandila?" nakakunot-noong tanong niya rito.
"Hindi, tange. Magre-renew lang tayo ng vows. Naisip ko lang, since pare-pareho na tayong malapit sa itinakda nating marrying age, bakit hindi tayo mag-renew ng vows natin sa isa't isa? You know, para bago pa lang tayo magpakasal, eh, mas matibay ang friendship natin. 'Di ba, Pepper?" paliwanag ni Ginger.
BINABASA MO ANG
Twisted Tales Book 1: Going Past The Limits
Historia Corta[A best friend-turned-to-lovers story.] Seff was Sugar's best male friend ever. Ito ang laging kasama niya sa lahat ng lakad niya. Ito ang naging bodyguard-cum-business partner niya. Ngunit nang magtapat si Seff ng totoong nararamdaman nito sa kanya...