Eight years ago
PILIT na inaabot ni Lemon ang librong gusto niyang hiramin sa kanilang school library pero hindi niya iyon maabot. Hindi kasi siya nakasuot ng high-heeled shoes ngayon dahil naka-PE uniform siya. Naaabot niya ang mataas na bahaging iyon ng shelf kapag naka-heels siya. Maghahanap na sana siya ng tutulong sa kanya nang sa kanyang paglingon ay may mabangga siya.
Nakasuot ito ng puting polo. Gusto niyang kastiguhin ang kanyang sarili kung bakit awtomatikong inamoy niya nang basta na lang ang isang tao na hindi niya kilala.
Mabango. Pasado! sabi niya sa sarili. Nang tingalain niya ito ay nakita niyang seryoso ang mukha nito. Seryosong guwapo, komento ng isip niya.
Bumilis ang tibok ng puso niya nang makita ang hitsura nito. Hindi niya alam kung ano ang nangyari. Wala siyang kinatatakutan para bumilis nang ganoon ang tibok ng puso niya. Hindi rin siya kinakabahan. Lalo namang wala siyang sakit sa puso para maging irregular ang tibok ng puso niya.
Nasapo tuloy niya ang kanyang dibdib at hinagod iyon. Parang nahihirapan siyang huminga. May kakaiba pa siyang nararamdaman ngunit hindi niya alam kung ano ang itatawag doon.
"Are you okay?" tanong ng lalaki sa kanya. Hindi pa rin nagbabago ang ekspresyon sa mukha nito.
"Ang bilis ng tibok ng puso ko," sabi niya rito.
"May sakit ka sa puso?" nakakunot-noong tanong nito.
"Wala nga, eh. Bakit ba 'to—" Natutop niya ang kanyang bibig nang ma-realize kung bakit ganoon ang nararamdaman niya, saka siya muling tumingin sa mukha ng lalaki.
Guwapo nga siya, sabi niya sa sarili. But there was more to that. Marami na siyang nakitang guwapo pero iyon ang unang beses na bumilis nang ganoon ang tibok ng puso niya dahil lang sa lalaki.
Iyon ba ang tinatawag nilang love at first sight?
"What?" untag sa kanya ng lalaki.
"Sorry," agad na sabi niya rito at saka ito binigyan ng isang nagpapaumanhing ngiti. Hindi nito pinansin ang paghingi niya ng paumanhin dahil seryoso pa rin itong nakatingin sa kanya. "I said I was sorry," sabi niya rito.
"What do you expect me to say, 'thank you' that you said 'sorry'?" sarkastikong tanong nito sa kanya.
Masungit na guwapong lalaki, sabi niya sa sarili. Bigla siyang nagkaroon ng interes dito.
"'Okay' lang ayos na, eh," sabi niya rito. Bahagya siyang lumayo rito. Pagkatapos ay kinunutan niya ito ng noo. "Ano nga pala ang ginagawa mo sa likuran ko?" tanong niya rito.
Ito naman ang tila nagulat sa tanong niya. "I came here to help you. Nakita ko kasing hindi mo maabot ang librong kanina mo pa sinusubukang abutin sa itaas nang shelf na 'to," paliwanag nito sa kanya.
Binigyan niya ito ng isang makahulugang ngiti. "Ibig sabihin, kanina mo pa ako tinitingnan?" tanong niya rito.
Napakunot-noo ito. "Don't flatter yourself too much," sabi nito sa kanya.
"Eh, di 'flatter myself' lang, hindi na 'too much.' Baka next time," sarkastikong sagot niya rito. Nagulat siya sa mga sunod niyang naramdaman. Unti-unti na siyang kinikilig dahil sa nagiging takbo ng usapan nila. Gusto pa niya iyong patagalin dahil gusto pa niya itong makilala.
Lalo pang kumunot ang noo nito sa kanya. "You're crazy," anito.
"It's too soon to be crazy about you," pabirong sabi niya rito. Wala itong naging komento sa sinabi niya. Inabot nito ang librong kanina pa niya inaabot at ibinigay iyon sa kanya, saka walang paalam na naglakad ito palayo sa kanya.
BINABASA MO ANG
Twisted Tales Book 3: Sweet Crazy Love
Short Story[When your past came back to haunt you...] Wala nang mahihiling pa si Lemon-masaya na siya sa lahat ng nangyayari sa buhay niya. Hanggang sa ipakilala sa kanya ng kaibigan niyang si Pepper ang lalaking pakakasalan nito: si Joey Montinola. Si Joey an...