Chapter 8

113 8 0
                                    

Chapter 8

Kinaumagahan, maagang gumising si Andrea. Nagtungo siya sa labas ng bahay at tiningnan ang makulimlim na langit. Ito'y nagbabadya ng dagdag na ulan. Malamang, mahirap maglakad pababa sa bundok dahil sa dulas ng daanan. Napakatalas ng lamig at napapalibutan ng makapal na hamog ang buong kapaligiran.

Tahimik ang mga kabahayan sa kanilang paghahanda ng agahan. Parang nararamdaman din ng mga residente na may malagim na mangyayari. Tanging naririnig niya ang ihip ng hangin na humahaplos sa mga dahon ng mga puno at ng mga talahib.

Bumaba siya upang tingnan kung merong paparating sa makitid na daanan. Wala siyang nakita kahit na anino ng tao. Hindi niya maalis ang kanyang tingin sa maliit na landas na minsan niyang nakagisnan. Sana isang bangongot lang ito at gigising din siya. Sana. Matagal na ring nabaon niya sa limot ang buong kapaligiran. Napabuntong hininga na lang siya.

Nilapitan siya ng ama. May kung anong ibang pagkatao ang pumasok nito. Nakakatakot. Hindi niya ito kinibo. Tinalikuran niya ito. Subalit hinawakan siya sa kanyang braso. Masakit ang pagkahawak sa kanya, parang hindi na dadaloy ang kanyang dugo sa kanyang kaugatan sa mahigpit na pagkahawak nito sa kanya. Pumiglas siya, subalit hindi niya makayanang tanggalin ang pagkahawak nito sa kanya. Pilit siyang pinaharap nito sa kanya.

"Matagal ko nang minamanmanan si Greg. At ng pumasok siya sa aking bitag, ang laki ng aking saya. Alam mo ba 'yong pakiramdam na nakadakip ka ng isang ahas at kayang kaya mo itong puksain?"

Bahagya itong tumigil at tiningnan siya nito ng ilang sigundo bago nagpatuloy sa kanyang sinasabi.

"Pupugutan ko na sana ng ulo si Greg. Pinaluhod ko siya habang hinahalughog ng isa sa aking mga tauhan ang kanyang bulsa. Nahulog ang kanyang wallet. At bumuka ang pictures ninyong dalawa. Pinakita sa akin 'yon."

Tumawa ito ng bahagya. "Akala ko si Meling. Inagaw ko ang ang wallet at nabasa ko sa ibaba, 'Greg and Andrea, April 18, 2009'. Alam mo ba ang sakit ng mawalan ng mahal sa buhay?"

Nilingon ni Andrea ang ama. Hindi ito makatingin sa kanya.

"Sabi ko sa sarili ko, sinuwerte ako. Matagal ko na rin kayong hinahanap. Ang galing ni Abner. Nakuha niyang magbayad ang pamilya ni Greg at ibigay sa akin ang kinaroroonan ng aking mag-ina."

"Umuwi ako gaya ng ginusto mo."

Umiling ito at itinulak siya at nakaupo siya sa lupa. "Oo nga. Umuwi ka. Pero, hindi mo kasama si Meling. At wala kang planong dito na manuluyan habang buhay. Mas gustuhin mo pang mamatay kay sa makipagkalas ka sa 'yong asawa. Hindi ko lubos maisip kung bakit pinaglalaruan ako ng tadhana."

Napuna ni Andrea ang mga mata nito. Parang isang baliw. Hinawakan ang itak sa gilid nito. Maya maya pinaghahampas hampas ang puno ng saging. Parang nawalan ng lakas ang mga paa ni Andrea sa takot. Minabuti na lang niyang hindi sumagot at hinayaan ang ama sa pagpatuloy ng kanyang kwento.

"Hindi ko magawang patayin siya. Kaya kinumbinse ko ang aking kasamahan na ipa - ransom na lang siya. Lalo mong kakamuhian ako kung malaman mo na ako ang pumatay ng asawa mo. Patawarin mo ako anak."

"Hindi pa rin nagbago ang opinyon ko sa 'yo," sambit niya sa sarili.

"Hindi ko tinanggap ang pera ng pamilya niya. Akala nila madali akong maingganyo ng pera? Hindi ko kailangan ang pera!" Napaigtad si Andrea sa malakas na boses nito.

Maya-maya, parang isang bata itong nagsusumamo sa kanya, "Tinago nila ni Abner ang pera! Ibigay ko ang bank account sa 'yo. Patawad na anak. Gusto ko lang bumalik sa akin si Meling... Kayong dalawa."

"Hindi. Hinding-hindi na babalik sa inyo si inay," sagot ni Andrea. "Kung maka-alis kami dito, hinding-hindi na kami babalik pa."

Dumilim ang mukha nito at magbagsik ang titig nito kay Andrea parang hindi siya narinig. "Subalit ikaw lang ang umuwi. Hindi ko matanggap hangang ngayon na iniwan na akong tuluyan ni Meling."

Halik ng Hamog sa KalachuchiTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon