IT WAS a distant memory.
Nang araw na maghiwalay ng landas sina Kring-Kring at Paul Christian, may nakilala siyang isang magandang babae na ipinakilala ng binata bilang ang "almost-girlfriend" nito, pero nakiusap din si Paul Christian na ilihim niya ang kanyang natuklasan.
Masyadong masakit ang alaala nang araw na iyon kaya pilit na ibinaon iyon sa limot ni Kring-Kring, hanggang sa paglipas ng mga taon ay totoong nakalimutan na niya ang detalye na naganap noon, maliban sa naglalakad palayo na pigura ni Paul Christian. Isa pa, wala rin namang ibang nagpapaalala sa kanya ng tungkol kay Veronika Chua kaya hindi sumagi sa isip niya ang tungkol sa babae.
Hanggang sa mga sandaling iyon.
"Veronika Chua..." mahinang sambit niya.
"Yes, our wedding planner," inosenteng sagot ni Paul Christian habang nagmamaneho. Papunta sila noon sa bahay ni Lolo Pablo.
Tiningnan ni Kring-Kring si Paul Christian. Ngayon ay naaalala na niya kung bakit nakalimutan niya si Veronika Chua sa loob ng mahabang panahon. Pinaniwala kasi ni Kring-Kring ang sarili na katulad lang niya si Veronika—isang babaeng dumaan lang sa buhay ng binata. Saka nai-insecure siya noon sa dalaga kaya ibinaon niya ito sa limot, at hindi mahalaga sa buhay niya noon ang babae.
Pero hindi ka pa naman sigurado kung ang Veronika Chua na iyon ang Veronika Chua na nakilala mo noon, pangungumbinsi ni Kring-Kring sa sarili.
"Nakita mo na ba si Veronika Chua?" tanong niya kay Paul Christian.
"Oo. I saw her picture when I visited her Web site. Tiningnan ko kasi kung magaling talaga siyang wedding planner. I want our wedding to be perfect after all," nakangiting sagot nito.
Hindi pa rin nabawasan ang pangamba ni Kring-Kring kahit nakikita niyang tila hindi naman apektado si Paul Christian kahit nakita na nito ang picture ni Veronika Chua. "Ano'ng hitsura niya? Maganda ba siya?"
Sinulyapan siya ni Paul Christian. "Huh?"
"Maganda ba si Veronika Chua? Bata? Authentic Chinese?"
Natawa ito nang mahina. "May peke bang Chinese?"
"Maganda nga ba siya?"
Nang huminto ang kotse dahil sa traffic light ay hinarap siya ni Paul Christian. "It's unfair. That's a trap question, woman."
Kumunot ang noo niya. "Ano?"
"Kapag sinabi kong maganda siya, magagalit ka. Kapag sinabi ko namang hindi, tiyak na sasabihin mong sinungaling ako. Ganyan kayong mga babae, eh."
Nanlumo si Kring-Kring. "Kung gano'n, maganda nga siya."
Bumuntong-hininga si Paul Christian, pagkatapos ay hinawakan ang kamay niya. He kissed her knuckles, without tearing off his gentle eyes at her. "But I'm marrying the most beautiful girl in my eyes."
Kabado pa rin si Kring-Kring dahil malaki ang posibilidad na ang Veronika Chua na nasa isip niya at ang Veronika Chua na wedding planner ay iisa, pero dahil sa sinabi ni Paul Christian, napangiti siya. "Sira-ulo ka."
Ngumiti lang ito.
Habang nagmamaneho ay hawak ni Paul Christian ang kamay niya na para bang pinapanatag siya. Pero habang palapit sila nang palapit sa bahay ni Lolo Pablo ay padoble rin nang padoble ang takot at pangamba niya.
Sana, mali ako. Please.
Nang dumating sila ni Paul Christian sa bahay ni Lolo Pablo, magkahawak ang mga kamay nila. Pero walang maramdaman si Kring-Kring nang makita niya na may kausap ang matanda na isang babae. Nakatalikod ito, pero sa buhok pa lang na wavy at sa magandang bestidang suot, nakikita na niyang malaanghel ang mukha ng babae.
BINABASA MO ANG
A Fabricated Romance: The Girl In The Journal
Romance"It's funny how I came to love so many things because of you. I was a better man before than I am today. Because I had you then." Napilitan si Kring-Kring na gumawa ng pekeng love story sa kanyang blog at pinalabas na boyfriend niya ang guwapong sch...