Kabanata 4

5.3K 49 0
                                    

"Ha?"

Nakatulala ako kay Klien habang ito naman ay seryosong nakatingin sa akin. Tumaas ang kilay niya at tila hinihintay niya akong magpaliwanag sa narinig niya.

"Ahh, hehe," hindi ko alam kung anong sasabihin ko, kapag naman sinabi kong tinatakot ko lang si Thalia ay baka marinig niya rin iyon at hindi pa rin gumising.

"Ritwal pa rin?" Tanong niya.

Mabilis akong tumango, wala na akong ibang maisip na dahilan kaya sumang-ayon na lang ako.

"Okay, I'll let you do your rituals, kung iyon ang makakatulong," sabi niya.

Nakahinga naman na ako nang maluwag. Kung ganoon ay magagawa ko na ang mga maiisip kong paraan para magising si Thalia.

Kinabukasan ay ganoon ulit ang ginawa ko, matapos kumain at maligo ay nagtutungo ako sa silid ni Thalia para kausapin ito. Kung anu-anong pumapasok sa isip ko ay iyon ang sinasabi ko sa kan'ya.

"Thalia, nakakita ka na ba ng pating?" Tanong ko rito kahit na hindi naman siya sasagot.

"Gumising ka na, samahan mo ako gusto kong makakita ng pating."

Lumipas ang mga araw na ganoon ang ginagawa ko. Pero tila wala naman itong nagiging epekto. Subukan ko na kayang tumakas, pero saan naman ako pupunta? Hindi ko naman alam kung papaano babalik sa Santora. At kung makabalik naman ako, alam kong mahahanap nila akong muli. Haaay! Ang hirap maging diyosa, palaging hinahabol.

Habang nag-iisip ako ay lumabas muna ako ng bahay ni Klien. Nagulat ako sa bakuran niya, may batis doon, hindi nga lang katulad ng nililiguan ko malapit sa templo. Ang batis dito ay tila hindi dumadaloy. Nagmamadali akong lumapit kay Klien nang makita ko itong nasa malapit sa batis at may kung anong hawak habang umiinom sa isang tasa.

"Klien!" Tawag ko sa kan'ya habang patakbo akong palapit sa kan'ya.

Bahagyang humihingal ako nang makalapit ako sa kan'ya. Binaba niya ang papel na hawak niya at nilingon ako.

"What?"

Palagi niyang iniimik ang ingles na iyon, kaya parang naiintindihan ko na. Tinatanong niya ako.

"Pwede ba akong maligo sa batis?" Tanong ko sa kan'ya.

"Batis?" takang tanong nito.

"Iyon," tinuro ko ang batis na malapit sa amin. Bahagya siyang tumawa, napanguso naman ako. Nakakatawa ba ang maligo sa batis?

"Hindi 'yon batis."

"Ha? E ano 'yon? Munting dagat?" Tanong ko.

"Munting dagat? Hahaha," labis ang halakhak niya.

Sumimangot ako, palagi na lang niya akong pinagtatawanan.

"'Wag na nga lang!" Tinalikuran ko na siya at akmang babalik na ako sa loob.

Mabilis niya akong hinabol at hinawakan sa siko.

"Haha, sorry! C'mon your highness, maligo ka na sa munting dagat," panunuyo niya.

Bakit ba pakiramdam ko ay tinutukso niya ako. Matalim ko siyang tinignan.

"Woah!" sambit niya at tinaas pa ang dalawang kamay.

"You're not scary, but I'm afraid on falling in to your charms, you're indeed a goddess," sambit niya bago pinilig ang kan'yang ulo.

"Ha?" naguguluhang tanong ko, hindi ko nauunawaan ang sinabi niya.

"Ang sabi ko, maligo ka na," sagot niya bago naglakad na patungo kung saan siya nakaupo kanina.

Bakit pakiramdam ko ay hindi naman iyon ang sinabi niya? Nagkibit balikat ako at mabilis na tumakbo patungo sa munting dagat. Nang makalapit na roon ay tinignan ko muna ito, mukha namang mababaw lang. Ngumiti ako bago mabilis na tumalon sa tubig. Mula sa ilalim ay napangiti ako, ang lamig ng tubig na bumabalot sa katawan ko ay kahambing nang lamig ng tubig sa batis malapit sa templo.

Ilang saglit pa ay bigla akong kinabahan, hindi ko maabot ang ilalim ng tubig! Agad akong kinabahan, bakit parang malalim ang munting dagat? Tinignan ko naman ito kanina! At ang tingin ko ay mababaw lang ito.

Nagwawala na ako sa ilalim ng tubig, baka sakaling mapapasin ni Klien na hindi ako marunong lumangoy!

"Klien!" sigaw ko sa ilalim ng tubig, nagbabaka-sakaling marinig niya ako ngunit bula lang ang tila lumalabas sa aking bibig.

Pakiramdam ko ay mapapatiran na ako ng hininga! 'Wag naman! Ayoko pang mamatay. Sa totoo lang ay gusto ko pang makilala ang magulang ko. Gusto kong malaman kung bakit hindi nila ako hinanap? Bakit nila akong pinabayaan? Gusto kong marinig mula sa kanila, gusto kong malaman ang paliwanag nila.

Unti-unti na akong nawawalan ng lakas at ulirat. Pakiramdam ko ay lalamunin na ako ng kadiliman. Katapusan ko na ba? Hanggang dito na lang ba ang buhay ko? Hindi ko na ba mahahanap ang pinagmulan ko? Tuluyan na ngang nagdilim ang paningin ko at pakiramdam ko ay palubog na ako.

May malambot na bagay na paulit-ulit na dumadampi sa mga labi ko at tila binibigyan ako ng hangin. Napaubo ako at may tubig na lumabas sa bibig ko, pakiramdam ko nga ay maging sa ilong ko ay may lumabas din.

"Ayos ka lang?"

Nilingon ko si Klien na nag-aalalang nakatingin sa akin habang patuloy ako sa pag-ubo. Hindi ko malaman ang isasagot sa kan'ya. Pakiramdam ko ay hindi ako maayos, napatitig ako sa kan'ya at nagsimula nang bumaha ang mga luha ako. Kung hindi dahil sa kan'ya ay baka wala na akong buhay ngayon.

"Fuck!" Marahas na sambit niya bago ako hinigit at niyakap nang mahigpit.

"N-Natakot... a-ako," para akong bata na nagsusumbong sa kan'ya.

Marahan niyang hinaplos ang likod ko habang labis akong umiiyak. Buong akala ko ay katapusan ko na, akala ko ay hindi niya mapapansin na nalulunod na ako.

"Tahan na," pilit niya akong kinakalma.

Hindi ko alam kung gaano katagal na ganoon ang ayos naming dalawa, hindi naman siya nagrereklamo at sinisikap lang na patahanin ako. Maya-maya pa ay pakiramdam ko ay kumakalma na ako.

"A-Ayos na ako," humiwalay ako sa yakap niya at yumuko. Nahihiya ako sa itsura ko ngayon.

"I can't believed it, a goddess that can't swim," nakangiting sambit niya habang pilit pinupunasan ang mga luha ko.

"Nakakainis ka naman e!" reklamo ko sa kan'ya.

"Ha? Bakit?"

"Hindi ko naman nauunawaan ang sinasabi mo!" Nakangusong sambit ko.

Bahagya niyang pinisil ang pisngi ko. Sumimangot ako, ang lakas nang liib niya na paglaruan ang isang diyosa.

"Diyosa ako! Dapat ginagalang mo ako!"

"Opo, kamahalan," sumilay ang mapaglarong ngiti niya.

"Fucking cute!" Dagdap pa niya.

Nakakainis naman! Gustong-gusto ko nang matutong magsalita ng ingles!

The Goddess HeartTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon