Nagising ako ng ala-singko ng umaga—ilang segundo lang bago tumunog ang aking CP alarm na nilagay ko sa may paanan. Ang lamig. Ayaw ko pang gumising. Lumingon ako at tinignan ang bintana. May konting ilaw na galing sa bagong gising na araw. Ano kaya kung iritable rin siya? Tangina ang aga. Tulog pa ang kaluluwa ko.
May kumakatok. Ah, baka si K— na yan. Bumaba ako kasama ang aking dalawang pusa—sina R. at Queen Ellery— at maingat na tumingin ako sa labas galing sa bintana. Ayun, si K— na nga. May dala-dala siyang tatlong bag ng coffee beans galing pa sa Bulacan.
— Ano, L—, handa ka na ba? tanong niya.
— Bahala na. sabi ko, sabay tango, sabay punas ng aking mga mata.
— Sige. Ayusin na natin 'to.
Kinuha ko na yung microwave galing sa lalagyan. Regalo 'to galing kina Jor— at Jo—, kaibigan namin galing sa kolehiyo at ngayon nagtatrabaho na sa BPO (si Jor—) at unibersidad (si Jo—). Binuksan ko ang pridyider. Aba, may dalawa pang grilled cheese sandwich. Pinasok ko kaagad sila at pinindot ang timer. Habang hinihintay kong tumunog ang alarm ng microwave nagulat ako sa napakalakas na tunog ng grinder.
— Oy! Masnakakagising pa yata 'yan kaysa sa kape!
— Sorry! Sorry! sabi ni K—. Sabay ngumiti na lang, patuloy ang pagdurog ng coffee beans.
— Okay pa ba ang grinder? tanong ko. Second hand na kasi 'yan e.
— Okay pa naman. Maingay nga lang.
Tumingin ako sa labas. Sana walang nabulabog. Narinig ko na ang alarm ng microwave. Yun. Naamoy ko na ang keso. Maingat kong kinuha ang grilled cheese sandwich. Binigay ko ang isa kay K—. Agad namin itong kinain.
Kumuha si K— ng ilang gram ng coffee powder at nilagay ito sa portafilter. Kontik punas, konting taktak. Kinabit niya na ito sa makina at inikot ang setting. Ah, tumunog na—isang mababaw na ugong, halos hindi mo ito maririnig, pero paborito ko 'tong bahagi ng paggawa ng kape. Pagkatapos ng ilang segundo bumuhos na ang kape sa spout patungo sa tasa namin. Ayun, umiikot na ang aroma ng kape sa buong Kaffeka. Hindi ako morning person, pero kung gigising ako ng umaga para maamoy ito, sige. Keri lang. Higop. Tikim.
— Ah, ito na 'to. sabi ko.
— Ito na nga. Sabi niya.
Inayos na namin ang ilang pagkain sa tray para mamaya. May dumating na package ng cupcakes at brownies galing ki R—, at nandito na rin ang iba't ibang queso't palaman para sa mga sandwich na pinadala pa ni A— galing sa Maynila. Tinignan ko ang mga istante ng mga libro, nakaayos na rin sila by genre. Maayos na rin ang mga lamesa at upuan.
Parang kaylan lang nung napag-isipan namin nila K— na magbukas ng isang kapehan dito sa Naga. Marami na ring kapehan sa ciudad, pero halos pare-pareho lang naman. Isa pa, nagpapaka-literary vibe ang iba pero hindi naman talaga—nagsisilbing display lamang ang mga libro doon. Wala naman talagang nagbabasa. Wala naman talagang literariness na nangyayari. Ingay lang.
Binuo namin ang Kaffeka para sa mga taong mahilig magbasa at magsulat. Alam naman namin na may mga taong naghahanap lang ng lugar kung saan walang ingay ng daldalan. May mga libro dito para sa mga taong gustong magpalipas oras sa mga salita ng mga manunulat at makata. May nakareserbang speaker at mikropono kung kailangan ng poetry reading o spoken word (pero sa gabi lang). Kahit ang playlist namin dito hindi maingay, nagpatulong kami kay Jov— at S— sa pagbuo ng playlist.
Lumabas ako para ilagay sa may pinto ang chalkboard. Dumaan na si Ch— kagabi para tulungan kami sa pagsulat ng menu, pati na rin sa mensahe ukol sa soft opening (KAFFEKA SOFT OPENING. DO COME IN!). Aba, may mga tao na sa labas, naglalakad papuntang Cathedral. Tamang-tama, paglabas nila ng simbahan niyak na gutom o uhaw sila.

YOU ARE READING
Isang Araw sa Kaffeka
Short StoryIsang opening ng kapehan, dal'wang may-ari ng kapehan, dal'wang pusa, dal'wang kapehan: isa para sa tao, isa nama'y para sa pusa.