Kyle-Part13

1.3K 25 0
                                    

"HERE." Iniabot ni Kyle ang isang buko na natapyasan na nito sa ilalim.

Nakangiting tinanggap iyon ni Aleika. Nagpakuha ng mga buko si Kyle sa katiwala ng rest house at pagkatapos, magkatulong nilang binitbit ang mga iyon sa picnic blanket sa tabing-dagat. Napagkasunduan nilang sa lilim ng puno doon manananghalian pagkatapos magpakasaya sa tubig. "Teka, walang straw?"

Tumawa si Kyle. "Ano ka ba naman? Nasa tabing-dagat tayo at tayo lang ang nandito. Walang nagtitinda ng straw dito."

"Eh, paano ako iinom dito? Wala rin tayong dalang baso." Iyon ang dahilan kung bakit sila nagpakuha ng mga buko. Nakalimutan nilang magdala ng tubig. Suwerteng nasa niyugan si Mang Cesar. Ito at ang asawang si Aling Narcing ang mga caretaker ng rest house.

"Ang laki naman ng problema mo," komento ni Kyle "Ganito lang." Iniangat nito ang buko, saka humigop sa maliit na butas sa bahaging may tapyas. Dahil umapaw ang sabaw ng buko sa butas habang umiinom ang binata, walang pakundangang naglandas ang mapapalad na likido at naglakbay pababa sa matipuno at napakaperpektong dibdib ni Kyle hanggang sa garter ng boxers nito.

Kung kanina halos matulala si Aleika nang mag-topless si Kyle sa kanyang harap nang maligo sila sa dagat, ngayon naman ay nadedemonyo ang kanyang utak sa landas na pinagpapasasaan ng sabaw ng buko. Napalunok siya. Parang gusto na lang din niyang maging sabaw para magawa rin niyang maglakbay sa napakagandang katawan ng binata.

"O, mukhang uhaw ka na rin. Ikaw naman. Gayahin mo 'ko."

Iyon ang nakapagpabalik sa kanyang katinuan. Muntik na pala niyang makain nang buo si Kyle dahil sa sandali niyang pagkawala sa sarili. "S-sige."

Iniangat niya ang hawak na buko at ginaya ang ginawa ni Kyle. Mukha yatang gawain ng sabaw ng buko na umapaw sa butas dahil maski siya ay naramdaman ang pag-agos niyon mula sa kanyang leeg papunta sa dibdib. Ibinaba na niya ang buko nang sa pakiramdam niya ay basang-basa na ang bandang dibdib ng manipis niyang blouse. At ang kalokohan pa ni Gaizchel, puro maninipis at daring na swimsuit ang ipinadala. Mukhang sinasadyang maakit sa kanya si Kyle.

"'Ayan, nabasa na." Hinila niya sa bandang leeg ang blouse at marahang pinagpag na para bang matutuyo iyon sa ganoong paraan. Nahinto lang siya sa ginagawa nang mapansing titig na titig sa kanya si Kyle. Naasiwa siya nang makita kung saan nakatutok ang mga mata nito. Naramdaman siguro nito iyon kaya agad tumayo at naghagilap ng tuwalya, saka iniabot sa kanya.

"Ipantakip mo. Ano kasi... bumabakat ang kuwan..."

Hindi malaman ni Aleika kung matatawa o mapapahiya sa pinagsasasabi at ikinikilos ni Kyle. Ingat na ingat na itong mapatingin sa kanya hangga't hindi niya naitatapis ang tuwalya. At nang matapos siya, para pa itong nakahinga nang maluwag.

Hindi naman pala pervert si Kyle. He was such a gentleman. Mas naniniwala na siya ngayon na si Jillian ang nagpalit sa kanya ng damit nang iuwi siya ng mga ito mula sa bistro bar noon. Nadagdagan tuloy ng maraming puntos ang damdaming mayroon siya para kay Kyle.

"Saglit lang, ha? Titingnan ko kung okay na ang inihaw na isda." Nilapitan ni Kyle ang ihawan.

Hinayaan na lang ni Aleika ang binata at pinanood. Napangiti siyang lalo habang pinagmamasdan si Kyle. Ginagawa nito ang lahat para sa kanya; para sa kanyang kabutihan; walang sawang nagpapakita ng concern and it always touched her heart. Kahit sinaktan na niya si Kyle at nilayuan sa loob ng ilang taon, heto pa rin at patuloy itong lumalapit sa kanya, patuloy na ipinapakita ang lahat ng bagay tungkol sa sarili, kung paano ito mag-alaga at mag-alala. At hindi rin ito nahiyang ipakita ang pagiging mapangahas sa mga sandaling hindi na nito kayang magpigil. Tulad na lang ng sapilitang pagdadala sa kanya sa rest house, sa kung saan mang lugar iyon sa Batangas.

Lahat ng nakita niya kay Kyle ay patuloy pa rin niyang nagugustuhan. Pero tama ba? Tama ba na hindi siya tumupad sa kanyang pangako sa Itaas? Paano kung mas malaki ang maging kapalit ng kaligayahan at pagtanggap niya sa kanyang damdamin para kay Kyle? Sinabi pa naman niyang isang beses lang siyang susuway.

Kaya lang, hindi naman siguro paulit-ulit na magkukrus ang kanilang mga landas at hindi rin hahayaan ng nasa Itaas na lapitan siya ni Kyle kung hindi sila para sa isa't isa. This might be the time to let go of her fear of breaking her promise. Sign na siguro ang lahat ng iyon na pagbigyan na niya ang nararamdaman. Hahayaan na lang niya ang sarili na malunod sa pag-ibig. Hahayaan na lang niya ang tadhana na gumawa ng senyales kung para nga ba sila ni Kyle sa isa't isa. Kung tama ba na bigyan niya ang sarili ng layang magmahal. For now, she will take this moment as a positive sign—that she was allowed to love him.

"Here! Luto na. Kainan na!" malakas na sabi ni Kyle bitbit ang tinuhog na malaking isda.

May baon din silang ready-to-eat food na niluto ni Aling Narcing para sa kanila kanina. Pero napagkatuwaan nila ni Kyle na iihaw ang nahuli nitong isda kanina.

"Mukhang masarap, ah." Kalmado at buong kaligayahan na ang mga ngiti ni Aleika ngayong tinanggap na niya sa sarili na mag-let go.

"Masarap talaga 'yan. Ako pa!"

Masagana silang nagsalo sa tanghalian at saka namasyal uli. Doon naman sa taniman ng mangga ng mga Aragon, di-kalayuan sa tabing-dagat.

Aleika enjoyed every minute they were together. Nahiling pa nga niyang sana ay hindi na iyon matapos. Ngayon lang siya nakaranas ng ganoon kasarap na pakiramdam. Minsan pala, masarap ding ipahinga ang sarili at magpakasaya. Tama na naman si Kyle nang sabihan siyang mag-break muna. At mas masarap mamahinga na kasama ito.

True to his word, nagyaya na si Kyle na bumalik sa Maynila bandang alas-tres ng hapon. Ayaw raw nitong sirain ang kanyang schedule. Masaya na raw ito sa kaunting oras na nagkasama sila.

"Ang totoo, ayoko pa sanang umalis. Ayoko pang matapos ang araw na ito. Kung puwede lang sanang patigilin ang oras, nagawa ko na."

Aleika felt the same. Ayaw rin niyang matapos kaagad ang araw na iyon. Naniniwala siya na kung may kakayahan lang si Kyle na pahintuin ang oras, ginawa na nito. Dahil wala nang ginawa si Kyle kundi patunayan na gagawin nito ang lahat ng posible para sa kanya.

\

PARADISE VIEW SERIES (Republished)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon