Noong unang panahon ay mabibilang lamang sa mga daliri ang mga ibong nagliliparan sa kalawakan. Bawat uri sa kanila ay may kanya-kanyang pamilya.
Ang Pamilya Paniki ang itinuturing na may pinakamagaganda at may makukulay na pakpak. Mahahaba ang kanilang buntot. Bukod sa mga katangiang iyon ay mapupungay rin ang kanilang mga mata.
Isang araw sa isang kagubatan, dumalaw ang diyosa na may hatid na masamang balita:
"Magkakaroon ng tatlong araw at tatlong gabing patuloy na pag-ulan. Mga nilikha kong ibon, paghandaan natin ang mangyayaring ito. Mag-ipon kayo ng pagkain."
Sa pinakamataas na puno ng balete, sa gitna ng kagubatang iyon, sa pamumuno ng Pamilya Agila, ay nagtipun-tipon ang lahat ng mga ibon kasama ang kani-kanilang pamilya gaya ng Pamilya Pipit, Uwak, Kalapati, Tagak, at Paniki.
"Kailangang magkaisa tayo para makalikom ng mga pagkain," mungkahi ng tagapagsalita ng Pamilya Agila.
Nagkaisa ang mga ibon na sa punong iyon ng balete dadalhin at iipunin ang mga pagkaing malilikom nila. Lahat ay mag-aambag ng pagkain para sa pagdating ng tatlong araw na walang-tigil na pag-ulan.
Bago kumalat ang dilim ay nagkikita ang lahat ng ibon sa puno ng balete.
Ang nalilikom nilang mga pagkain ay ibinabalot nila sa dahon ng saging at kanilang isinasabit sa mga sanga ng punong-balete.
Ngunit tanging ang Pamilya Paniki ang hindi nakapagdadala ng pagkain.
"Pinunong Agila, ipagpaumanhin mo, wala talaga kaming maiaambag. Gutom na gutom na nga kami sa paghahanap sa buong kagubatan, pero wala kaming makitang pagkain, "sabi ng ama ng Pamilya Paniki.
Lingid sa kaalaman ng lahat, tuwing gabi at natutulog na ang iba pang mga ibon ay isinasagawa ng Pamilya paniki ang paghahanap ng pagkain. Iniipon nila ang mga pagkaing kanilang nahahanap sa isang malaking yungib, na kanilang natagpuan, malayo sa puno ng balete.
Hindi naglaon, dumating ang tatlong araw at tatlong gabi walang-tigil na pag-ulan. Sa mataas ng puno ng balete, sa ilalim ng makakapal na sanga at dahon niyon, sumilong ang mga ibon.
Dala ng awa sa Pamilya Paniki, ibinahagi ng mga kasamahang ibon ang naipong pagkain sa mga ito. Doon ay maligaya silang kumakain tuwing sila ay nagugutom.
Pero nang matapos ang tatlong araw na walang-tigil na pag-ulan, nagulat ang lahat nang may malanghap ang mga ibon na masangsang na amoy.
Tinunton ng Pinunong Agila ang pinanggagalingan ng amoy. Nang makarating siya sa isang malayong yungib, laking gulat niya nang makita niya sa loob niyon ang mga bulok at sirang pagkain. Hindi na maaaring pakinabangan ang mga iyon.
Nang malaman ng diyosa ang tungkol sa mga nasirang pagkain, nagalit ito. "Sino ang may kagagawa nito?"
Natakot ang anak na Paniki kaya hindi nito napigilang magsalita. "Sabi po kasi ni Ama, itago raw namin dito ang mga pagkaing nakukuha namin at huwag sasabihin iyon sa ibang ibon. Kapag naubos na raw ang pagkain sa punong-balete, kami ay mayroon pa at hindi mauubusan."
Nahiya at nanlumo ang amang Paniki. "Patawad po, Mahal na Diyosa."
"Hindi ko mapatatawad ang katusuhan ninyong Pamilya Paniki. Dahil sa ginawa ninyo, parurusahan ko kayo,"nagngangalit na tugon ng diyosa.
Nang mga sandali ring iyon, biglang nag-iba ang anyo ng Pamilya Paniki.
Laking gulat ng lahat nang makitang nahalinhan ng mga mabalahibong itim na pakpak ang dating magaganda at makukulay na pakpak ng mga ito.
Sa batis, nakita ng mga Paniki ang ipinalit na pakpak ng diyosa. Nagulat sila sa kanilang nakita.
"Patawarin n'yo po kami. Bigyan n'yo pa kami ng pangalawang pagkakataon. Hindi na kami magiging tuso," pagmamakaawa ng amang Paniki.
BINABASA MO ANG
Alamat ng Paniki COMPLETED (Published by Lampara Books)
AdventureKuwento ni Segundo D. Matias Jr. Guhit ni Ghani Madueño Noong unang panahon, ang mga paniki ang itinuturing na may pinakamgaganda at may makukulay na pakpak. Mahahaba ang kanilang buntot. Bukod sa mga katangiang iyon ay mapupungay rin ang kanilang m...