“Nakita mo ba si Melody?” nag aalalang tanong ni Train sa isang matangkad na babaeng naabutan niya sa cafeteria.Sa pagkakaalala niya ay Nancy ang pangalan nito at isa ito sa mga kaibigan ni Melody. Dalawang araw ng hindi pumapasok ang dalaga kaya hindi na niya maiwasan na mag alala.
Ilang beses din niya itong tinawagan pero hindi naman ito sumasagot.Alam naman niya na kapag ganoon na ilang araw na lang at patapos na ang semestre ay hindi na abala ang karamihan ng mga estudyante. Kaya nga may iba sa mga ito na hindi na masyadong pumapasok at kasama na doon si Melody. Siya naman ay palaging abala dahil ngayong linggo na ang graduation niya. Gusto sana niyang makasama ang dalaga sa espesyal na araw na iyon.
Nakapagtanong tanong na siya sa mga kaklase nito pero wala kahit isa sa mga ito ang nakapagsabi kung nasaan nga ba ito.
“Pumasok siya ngayon, nakita ko siya kanina.” Matipid na sagot ni Nancy at nilampasan na siya.
Desperado na siya kaya nilibot niya ang buong campus para lang mahanap si Melody. Nakita naman niya ito sa gymnasium kasama ang iba pa nitong mga kaibigan. Maraming tao doon dahil malapit na rin magsimula ang graduation practice nila.
“Melody!” mabilis ang mga hakbang na lumapit siya dito.
Nakaupo lang ito sa isang sulok kasama ang mga kaibigan. Natigilan ito nang makita siya at agad na tumayo. Hindi na siya nakapag isip pa nang maayos at niyakap ito kahit alam niyang maraming nakakita sa ginawa niya. Hindi na rin naman lihim sa iba ang tungkol sa relasyon nila kaya wala siyang dapat na ipag alala pa.
“Anong nangyari sa'yo? ilang araw kitang hindi nakita, mahal. May problema ba?” sunod sunod na tanong niya habang yakap niya ito ng mahigpit.
Umiling lang ito. Napakunot noo siya nang maramdaman na hindi ito gumanti ng yakap sa kaniya. Wala rin itong sinabi na kahit na ano para lang mabawasan ang pag aalala sa dibdib niya.
“May problema ba?” mahinang tanong niya.
Daig pa niya ang binuhusan ng malamig na tubig nang bumitiw ito sa yakap niya.
“Melody?” nalilitong tiningnan niya ito.
“May kailangan ka ba?” blangko ang reaksiyon na tanong nito.
“Ano?”
Nagkibit balikat ito at lumampas ang tingin sa kaniya.
“Melody.”Nilingon niya ang pinanggalingan ng tinig. Isang matangkad at morenong lalaki ang nakita niya na nakatutok ang mga mata kay Melody.
“Si Roland, boyfriend ko.”
Nagimbal siya sa narinig at hindi makapaniwalang tiningnan ito. Wala na siyang pakialam pa kahit nakuha na nila ang atensiyon ng mga naroon sa gymnasium. Mas importante sa kaniya na maintindihan ang mga narinig mula kay Melody.
“Nagbibiro ka lang….” tumaas baba ang dibdib niya dahil sa pagpipigil ng matinding emosyon.
Tinaasan lang siya nito ng kilay. Kung tingnan siya nito ngayon ay parang hindi siya nito kilala.
“Pinagpustahan ka lang namin ng mga kaibigan ko.”
Gumuhit ang matinding sakit at pagkabigla sa buong mukha niya. Narinig niya ang malakas na tawanan ng mga estudyante na nakarinig sa sinabi nito.
“At nanalo ako sa pustahan.” Ngumisi ito at nilampasan na siya.
Tuluyan na siyang hindi nakapagsalita. Para siyang naestatwa bigla dahil hindi siya makakilos mula sa kinatatayuan niya. Bigla siyang nawalan ng lakas kaya kahit hindi niya ito nagawang habulin pa.
Naghihiyawan na ang mga naroon habang pinagtatawanan at kinukutya si Train. Pero hindi niya maramdaman ang sakit kahit marami siyang naririnig na nakakainsultong salita mula sa mga ito. Namamanhid na ang buong katawan niya.
Nasaktan siya ng sobra sa ginawa ni Melody.
Paano nito nagawang durugin at saktan ang puso niya na walang ibang alam gawin kundi ang mahalin at alagaan ito?
BINABASA MO ANG
LOVE FOR HIRE (COMPLETED)
RomanceItinuturing na isa sa pinakamaganda at matalino sa campus si Melody kaya hindi na nakapagtataka na magulat ang lahat ng maging malapit siya kay Train. May pagka-introvert at nerd kasi ang lalaki na kabaliktaran naman niya. Pero sa kabila ng lahat n...