PRESENT

4.7K 114 9
                                    

PRESENT:

“Okay, I’m so ready na.” Kinikilig na umikot pa si Melody sa harapan ng mahabang salamin.

“Mukha na akong prinsesa.” Taas noong pinagmasdan niya ang sarili sa salamin.

Red dress ang suot niya na medyo may pagkakonserbatibo ang tabas. Si Osang pa ang pumili nang isusuot niya dahil ayaw daw nitong may masabi ang kliyente nila. Hindi alam ng mga magulang ang tungkol sa date niya ngayong gabi. Malaki ang bayad ng kliyente kaya humingi siya ng isang araw na day off sa boss niya at nagpaalam sa daddy niya na matutulog ng isang gabi sa bahay ng kaibigan niya.

Pumayag naman ang ama dahil kilala nito si Osang at nangako siya na uuwi rin agad bukas.
Sa totoo lang ay hindi pa niya nakikita ang kliyente niya. Ang sabi lang ni Osang sa kaniya ay masyado daw naging abala ang lalaking magiging kadate niya kaya ang pinsan na nito ang nakipag usap. Simple lang naman daw ang trabaho niya.

Ang makipagdate at magpanggap na girlfriend ng lalaki. Madali na lang sa kaniya iyon kaya agad na sinunggaban na niya. Nang maalala na ngayong gabi dapat ang date nila ni Train ay malungkot na napangiti siya. Wala pa siyang balita tungkol sa binata dahil nang bisitahin niya ito sa clinic nito ay wala ito.

Ayon sa sekretarya ay may dinaluhan itong conference sa Cebu. Ilang araw na ang nakalipas mula nang puntahan niya ito at sigurado siya na nakahanap na ito ng ibang kadate.
Naisip niya na mas mabuti siguro na hindi siya ang makasama ni Train sa batch reunion na dadaluhan nito dahil alam niyang hanggang ngayon ay hindi pa rin nito nakakalimutan ang ginawa niya. Sinaktan niya ito noon kahit wala naman itong ipinakita na hindi maganda sa kaniya.

Ngayon niya pinagsisihan kung bakit mas pinili niya noon na sundin ang sinasabi ng isip niya. Pero alam niyang tama ang ginawa niya dahil nakita niyang nagtagumpay si Train. Naging magaling na doktor ito na katulad ng pangarap nito noon pa man.

“Uy, ganda tapos ka na ba? Nagtext na ang pinsan ng kliyente mo at parating na daw ang sundo mo.”

Pumihit siya paharap kay Osang nang pumasok ito sa loob ng kwarto nito. Nagliwanag na parang Christmas tree ang mukha nito nang makita ang magandang ayos niya.

“Maganda ba?”

“Bakla mukha kang artista! Ang ganda mo!” tili naman nito at patakbong lumapit sa kaniya.

Ilang beses na siya nitong nakita na nakaayos ng maganda pero parang hindi pa rin ito nasasanay hanggang ngayon. Palibhasa kasi ay nasanay na ito na kapag nasa computer shop lang siya ay palaging maong jeans at simpleng t-shirt ang suot niya.

“Thank you.” Sumaludo siya kay Osang.

Nasanay na siya na palaging sinasabi ng mga tao na maganda siya. Ang sabi ng ama ay kahawig daw niya ang lola niya na sa pagkakaalam nila ay may dugong Japanese.

Kahit malayo na sa kaniya ang pagkakaroon ng dugong banyaga ay nakuha pa rin niya ang singkit na mga mata at mestisang kutis ng ninuno nila.

Nang haplusin niya ang buhok at maramdaman sa mga daliri niya ang hibla ng hair extension na gamit niya ay hindi niya mapigilan ang mapahinga ng malalim. Gusto sana niyang ibalik sa dati ang buhok pero malaking abala iyon sa paghahanapbuhay niya. Tamad pa naman siyang magsuklay kaya nakasanayan na niya na hanggang balikat lang ang haba ng buhok niya.

Sabay pa silang tumili ni Osang nang marinig nila ang pagbusina ng kotse mula sa labas ng bahay nito. Alam nila na ang kadate na niya ang dumating. Nagmamadaling dinampot niya ang pouch sa ibabaw ng drawer at halos matisod na siya dahil sa paghila sa kaniya ng kaibigan palabas ng silid. Sa sala ay nadatnan pa niya ang ilan sa mga kapatid nito.

Nakangiting nagpaalam siya sa mga ito bago muling nagpahila sa kaibigan. 

“Wow,” napakapit ng mahigpit sa braso niya si Osang nang bumaba ang isang matangkad na lalaki mula sa itim na kotse.

Nanlaki ang mga mata niya nang matitigan ang buong mukha ng lalaking makakadate niya.

“Train?” gulat na bulalas niya.

Hindi rin maitago sa gwapong mukha ng binata ang labis na pagkagulat. Hindi makapaniwalang nilingon niya ang kaibigan.

“Sorry, nabanggit ko kasi kay Mario ang nangyari noong unang pagkikita ninyo ni doc pogi. Nakwento din daw niya sa boss niyang si Trevor. Nang malaman ni Trevor na ikaw pala ang makakadate ng pinsan niya ay gumawa na siya ng paraan para matuloy ang date ninyong dalawa. At saka nasabi mo na rin sa akin iyong tungkol sa inyo ni doc kaya pumayag na rin ako sa trip ni doc Trevor.”

“Si Trevor?”

“Anong ibig sabihin nito? Anong kinalaman ni Trevor dito at bakit ikaw ang kadate ko ngayon?” nakakunot noong tanong ni Train sa kaniya.

Tumatahip man ang dibdib dahil sa labis na kaba ay pinilit niyang kalmahin ang sarili at nilingon ang binata.

“P-pasensiya na hindi ko alam na ikaw ang kliyente ko.”

Kagat labing tugon naman niya. Kahit gulat na gulat pa rin siya sa nangyari ay hindi niya mapigilan na humanga sa binata. Bumagay dito ang suot nitong black tuxedo. Kahit nakakunot ang noo at mukhang seryoso itong tingnan ay napakagwapo pa rin nito. Bumagay dito ang brush up na istilo ng buhok nito. Kung hindi lang siguro ito kilala ng puso niya ay baka isipin niya na hindi ito ang Train na nakilala niya dati.

Ibang iba na ito sa dating Train na nakilala niya na may suot na makapal na eyeglasses. Ang Train na nakikita niya ngayon ay punong puno ng kompiyansa sa sarili at alam niyang hindi papayag na masaktan ng kahit na sino.

Narinig niya ang malakas na pagpalatak ng binata. Dinukot nito ang cellphone mula sa bulsa ng slacks nito at may tinawagan. Ilang sandali pa ay sinesermunan na nito si Trevor. Set up pala ang nangyari. Nalaman ni Trevor na siya pala ang dapat na magiging date ng pinsan nito. Umurong naman si Train sa transaksiyon kaya gumawa ang pinsan nito ng paraan para matuloy ang date nila ng binata.

Sa nakikita niyang paraan nang pagsagot ni Train kay Trevor ay nasisiguro niya na naging maayos na ang relasyon ng mga ito sa loob ng maraming taon. Napansin kasi niya na komportable na ngayon si Train na sigawan at sermunan ang sariling pinsan.

Nang kalabitin siya ni Osang ay napilitan siyang lingunin ito.

“Bakit?”

“Sorpresa ko lang naman sa'yo kaya hindi ko sinabi na si Train pa rin ang kliyente natin at saka isa pa pagkakataon mo na ito para makabawi sa kaniya.”

Napangiti na lang siya. Kung pwede nga lang niyang paulanan ng halik ang buong mukha ni Osang ay ginawa na niya. Kaya lang ay baka isipin naman ni Train na hindi na pala lalaki ang gusto niya ngayon.

“Fine. Pupunta na kami pero hinding hindi ko makakalimutan ang ginawa mo sa akin. May araw ka rin.” Galit na sabi ni Train bago nito pinutol ang tawag.

Magkasalubong pa rin ang mga kilay nito nang mag angat ng tingin sa kaniya.

Napalunok siya nang magsalubong ang mga mata nila. Pakiramdam niya ay bigla siyang nanghina dahil sa kakaibang epekto ng mga titig nito sa kaniya.

“Tayo na.” seryosong wika nito.

“Tayo na…ulit?” eskaheradang natutop niya ang tapat ng puso niya.

Nanlaki ang mga mata ni Train. Napahinga ito ng malalim at nang makabawi ay parang mauubusan na ng pasensiya na nagsalita ulit ito.

“Let’s go na.” Naiinip na tinalikuran na siya ng binata at bumalik na ito kung saan nakaparada ang sasakyan.

“Assuming!” humagalpak ng tawa si Osang kaya itinaas niya ang kamao at umakto na susuntukin ito.

Umilag naman ito na para bang tinamaan talaga ito ng kamao niya. Pareho pa silang napapitlag nang marinig nila ang malakas na pagbusina ni Train.  

“Puntahan mo na kasi ang napakagwapo mong kadate na may pagkaungentleman nga lang.”

Napalabi siya.

“Mapapaamo ko rin siya. Watch me.” At nagmamadaling nagtungo na sa sasakyan.

“'Eh 'di wow!” pahabol pa ni Osang.

LOVE FOR HIRE (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon