Tatlong minuto nalang alas kwatro na ng hapon, ibig sabihin nun uwian na. Napatingin ako sa bintana sa tabi ng pintuan, hindi ko alintana kahit nasa kalagitnaan pa ng pagtuturo ang aming guro. Napangiti ako nang makita kitang nakatayo at naghihintay sa labas. Puting damit ang iyong suot, mula pa noon ay laging puti ang iyong damit na suot. Nang tumunog ang kampana sa labas, agad kong isinilid ang aking libro sa bag at tumakbo na palabas. Gaya ng dati muli mong ginulo ang aking buhok, kaya hinampas naman kita. Bago tayo nagsimulang maglakad, inabot mo ang bag kong nakasukbit sa aking mga balikat, mula pa noon, ikaw na ang nagbubuhat ng aking bag tuwing tayo'y pauwi na galing eskwela. Bago pa tayo makalayo, nakita ko kung paano tayo pagtinginan ng aking mga kaklase. Di nagtagal ay hinila mo ako palapit sayo at ako'y iyong inakbayan. Napatingin naman ako sa mukha mong nasisinagan ng araw, napakaperpekto ng pagkakahubog ng iyong mukha. Walang ano mang salita ang lumalabas sa ating mga bibig, bagkus patuloy lang tayo sa paglalakad habang tanging ang ingay lamang ng mga kapwa estudyante ang naririnig sa di kalayuan. Sa damuhan sa silong ng isang puno sa parke tayo nagtungo, kapwa tayo nahiga habang nakaunan ako sa iyong braso. Araw-araw, dito natin sabay pinapanood abg paglubog ng araw bago tayo maghiwalay ng landas. Habang dinadama ko ang malamig na ihip ng hangin, naramdaman ko ang pagdampi ng iyong mga labi sa aking ulo. Nakapikit ako ngunit walang mapagsidlan ang aking ngiti sa sobrang tuwa na aking nadarama. Di nagtagal, ako'y iyong tinanong, " Magagalit ka ba kapag iniwan kita?". Pikit pa ang mga mata ko nang sinagot ko ang iyong tanong ng "Hindi". Dahil alam kong kailanan man hindi mo ako magagawang iwan. Ramdam ko ang lamig ng iyong katawan dulot marahil ng malamig na hangin nang ako'y iyong yakapin ng napakahigpit. "Mahal mo ako diba?" muli mong tanong. Sa hindi ko malamang dahilan, biglang tumulo ang akin luha, pagbukas ko ng aking mga mata isang nakakasilaw na liwanag ang bumungad sa akin, sa likod nito'y may mahabang puting kurtina at may nakasabit pang krus sa gitna. Napatingin ako sa aking katabi sa aking kaliwa kung saan ako'y nakasandal at naka-idlip. Sa aking pwesto, kitang kita ko ang iyong maamong mukhang mahimbing na natutulog. "Oo." pinunas ko gamit ang aking kamay ang luhang pumatak sa salamin ng kabaong na iyong tinutulugan . "Oo kuya, mahal na mahal kita. At hinding hindi ako magagalit sayo kahit iwan mo ako, ibinuwis mo ang buhay mo kapalit ng buhay ko. Pangako, aalagaan ko ang puso mo. Kahit wala ka sa aking tabi, patuloy kang naririto sa akin kasabay ng pagtibok ng iyong puso para mabuhay ako. "
Dalawang Letra
Nagmula kay/ konsepto ni: Bb. FJ.A.